Inusog na deadline sa franchise consolidation, “hindi sapat” para sa mga tsuper


“Maliit na tagumpay,” para sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang inanunsyong pag-usog ng deadline ng franchise consolidation  ng mga tradisyunal na keep at UV Express, “ngunit hindi ito sapat.” 

Ito ang sagot ng grupo ng mga tsuper matapos sabihin ni Land Transportation and Franchising Regulatory Board Chairperson Teofilo Guadiz III sa harap ng Senado kahapon, Marso 1, na maaaring magkonsolida ng prangkisa ang mga jeep hanggang Disyembre 31. 

Sa naunang inilabas na LTFRB Circular Memorandum No. 2023-013, ang nakatakdang deadline ay June 30, 2023, ngunit napilitan din ang ahensyang iusog matapos ang mariing pagtutol ng maraming grupong pangtransportasyon.

Sa naturang memorandum, kinakailangangn bumuo ang mga tsuper ng mga kooperatiba o sumali sa mga kooperatibang dati nang nakatayo upang makonsolida ang kanilang prangkisa.

“Hangga’t patuloy tayong tinataningan sa kalsada, tuloy ang ating laban para sa ating kabuhayan at mga karapatan!” giit ng PISTON. 

Patuloy ang pagtutol ng mga grupong pangtransportasyon dahil kahit inusog ang deadline, nauna nang sinabi ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na hindi maaaring mapatigil ang buong programa. 

“Pagbasura ng modernization program natin ay siguro ay hindi naman tama. Kailangan i-modernize natin ‘yung ating PUV as a means na convenient, accessible, safe and secure and affordable,”

Kaya naman sa kabila ng inusog na deadline, sinabi ni Mar Valbuena, tagapungulo ng grupong transportasyon na Manibela, na tuloy pa rin ang welga sa susunod na linggo. 

“Pinapakalma lang tayo pero sa dulo mawawala pa din ang hanapbuhay natin kasi extension lang tapos palit unit pa rin,” the group said.

Tigil-pasada, nagbabadya na sa susunod na linggo

Mariing itinanggi ni Guadiz na inusog nila ang deadline dahil pinangangambahan nila ang naturang welga.

“To be honest, there is no pressure for us from the strike because more than 90% of the transport groups have signified their support to the program of the LTFRB,”

Ngunit naglabas lamang ng resolusyon ang Senado na nananawagan para sa pag-usog ng deadline matapos ianunsyo na higit 40,000 na jeep at utility vehicles ang inaasahang titigil sa pamamasada nang isang buong linggo mula Lunes, Marso 6.

“Sa pagsiil sa aming karapatan sa aming buhay, ang ipapantapat po namin dito, sa taning na binigay sa amin, sa taning na makapaghanapbuhay, isang linggong tigil pasada,” ani Valbuena nang unang ianunsyo ang welga. 

Giit naman ng PISTON, mali ang sapiliting pagpasailalim sa kanila sa mga kooperatiba, dahil ipinagkakait nito sa mga tsuper na isang sasakyan lamang ang pagmamay-ari ang kanilang mga karapatan, habang pumapabor pa lalo sa malalaking korporasyon na madaling nakakasabay sa mga pangangailangan ng modernisasyon.

“Kapag nag-consolidate ka ng prangkisa sa ilalim ng isang kooperatiba o korporasyon, sinusurender mo yung karapatan mo sa indibidwal mong prangkisa. Sa oras na di ka makabayad sa napakamahal na halaga ng modernization, wala ka nang babalikan dahil pinilit kang isuko ang prangkisa mo. Ano’ng mangyayari sa consolidated franchise ng coop nyo? Ibi-bid ng LTFRB sa mga malalaking korporasyon na may kakayahang magbayad ng mga imported minibus na isinusubo ng gobyerno,” paliwanag ni Mody Floranda, pambansang pangulo ng PISTON. 

Gayundin, kinunenda nila ang “hindi abot-kayang” presyo ng mga bagong jeep na inaalok, dahil nagkakahalagang P1.3-2.4 milyon kada unit, at sinabing itutulak lamang nito sa lalong paghihirap ang mga tsuper.

Dagdag pa nila, hindi makatarungang pinagpipilitan na naman ang paggamit ng mga dayuhang sasakyan imbis na paunlarin ang mga lokal na industriya at, kasabay nito, magbigay ng abot-kayang alternatibo sa mga tsuper. 

Dati na ring nililinaw ng Piston na hindi naman sila kontra sa modernisasyon, bagkus sa modernisasyong walang pakundangan sa mga tsuper at komyuter. 

“Sa katunayan, ang isinusulong naming ay isang tunay na maka-masa, maka-bansa at demokratikong modernisasyon ng buong sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa. Ang tinututulan naming ay ang pagmasaker sa aming kabuhayan at pagpapahirap sa mananakay at sambayanan alang-alang para gawing gatasan ng iilang mayayaman at makapangyarihan at ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan,” giit ng grupo. 

Kaya naman, anila, nararapat lamang ang welga upang ipakita ang pagpapahirap na ginagawa ng gobyerno sa mga tsuper sa kasalukuyan dahil sa nagbabadyang Jeepney Phaseout. 

“Pinakikita lamang nito na handang makipaglaban ang iba’t ibang samahan para pigilan ang sapilitang franchise consolidation at PUV phaseout na patuloy na itinutulak ng gobyerno. Handang protektahan ng mga tsuper at maliliit na operator ang kanilang kabuhayan dahil buhay ng pamilya nila ang nakasalalay rito lalo sa panahon ngayon ng matinding krisis sa ekonomiya,” sabi ni Floranda.

Ang larawan ay mula sa ABS-CBN

“Global North, pay up!” Mga grupong pangkalikasan, naninigil ng “loss and damage funding” sa mayayamang bansa

“Hindi nalalayo ang laban natin sa laban para sa hustisyang pangklima”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *