Ipinuslit na bank certificate ng mga Marcos mula sa dating TRB, ipinababawi


Idineklara ng Sandiganbayan Second Division noong ika-28 ng Setyembre sa Royal Traders Holding Co. Inc na bayaran ang pamahalaang Pilipinas kaugnay sa bank certificate na nabawi mula sa nakaw na yaman ng mga Marcos na napagdesisyunan noong ika-24 ng Setyembre.

Ang pasya ay inakda ni Associate Justice Oscar Herrera, kasama sina Associate Justices Michael Frederick Musngi at Bayani Jacinto. Dadagdag ito sa P125 bilyon pang kailangang bawiin ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) mula sa mga nakaraang ipinuslit ng pamilyang Marcos.

Taong 1986, ika-26 ng Pebero, matapos patalsikin ang diktador na si Ferdinand Marcos, lumapag ang pantakas eroplano ng mga Marcos sa Honolulu, Hawaii.

Ayon sa tala ng United States District Court of Hawaii, ang mga bagahe nila ay naglalaman ng “jewelry, money, documents and other properties.” Ilan dito ay mga bank certificate na may halagang aabot sa bilyon-bilyong piso na ipinagkaloob ng Sandiganbayan sa pamahalaang Pilipinas noong rehimen ni Marcos.

Sa panahong din iyon ay itinatag ang PCGG na inatasang antabayanan at panagutin ang rehimeng Marcos sa mga kinurakot nitong yaman. 

Dagdag pa rito, ayon sa tala ng Korte Suprema, ang pamahalaang Pilipinas ay sumailalim sa “several agreements between Imelda Marcos” noong 1992, kung saan itinalaga ni Imelda ang mga ari-arian sa pamahalaan – kabilang na rin ang mga pagmamay-ari ni Ferdinand Marcos.

Kinilala ng District Court of Hawaii ang nasabing mga kasunduan at napunta ang pangangalaga ng mga ari-arian sa pamahalaang Pilipinas. 

“The aforementioned judgment of the United States District Court of Hawaii may be enforced here in the Philippines,”  pahayag ng Sandiganbayan, ang korteng may kapangyarihang imbestigahan at sugpuin ang anumang korapsyon sa mga pampublikong opisyales.

Kabilang sa mga ari-arian ay ang bank certificate mula sa Traders Royal Bank (TRB) o mas kilala ngayong Royal Traders Holding Co. Inc. Ngunit, hindi pa rin nababayaran ng TRB ang nasabing halaga. Iginiit ng bangko na bayad na raw ito at ang utang ay “no longer outstanding” nang padalhan sila ng liham ng PCGG taong 1993. 

Sinalungat ito ng Sandiganbayan dahil ang mga bank certificate na kinupit ng mga Marcos ay hindi pa naisasauli sa TRB. Dagdag pa ng Sandiganbayan ay “not a single surrendered certificate of deposit was presented to support the claim of payment”.

Ayon din sa Sandiganbayan, ang ngayo’y Royal Traders Holding Co. Inc ay may inaasahang P96.03 milyon at $5.4 milyong bayarin; isasama pa ang interes na “12% per annum reckoned from February 1993, until all the amounts are fully paid.” 

Kung susumahin ay aabot ito ng P1 bilyon hanggang P1.65 bilyon. Maaari itong madagdagan sa mga susunod pang mga taon kung hindi babayaran nang maagap ng Royal Traders Holding Co. Inc.

Sa kasalukuyan, P174 bilyon na ang nabawi ng PCGG mula sa nakaw na yaman ng mga Marcos. Ito ay ibinabahagi ng pamahalaan sa mga coconut farmer na niloko ng diktadurang Marcos pati na rin sa mga biktima ng human rights violation noong Martial Law, alinsunod sa Human Rights Victims’ Claims Board Act of 2013.

Ayon sa mga tala, nagsimula ang katusuhan ng dating diktador na si  Marcos nang magdeposito ito ng $950,000 sa apat na account sa Credit Suisse taong 1968 gamit ang peke nilang mga palayaw ni Imelda – wala pang tatlumpung buwan sa kanyang termino.

Noong 2003, naitala naman ng Korte Suprema ang pag-amin ni Bongbong Marcos sa hukuman sa pagnanais niyang makipagkasundo sa pamahalaang Pilipinas “in the hope of finally putting an end to the problems besetting the Marcos family regarding the Swiss accounts.”

Taong 2003 din nang naiulat ng Korte Suprema ang $658 milyong nakaw na yaman ng pamilya mula sa kanilang mga Swiss deposit, na isinuko naman sa kaban ng bayan.

Napag-alaman ding si Imelda ay sangkot sa pagpapatakbo ng mga ilegal na Swiss foundation, kung saan ay iniatang niya ang kaniyang mga anak bilang mga tagapagmana.  Siya’y nahatulang “guilty” ng Korte Suprema taong 2018, kabilang ang pitong kaso ng graft. Subalit, hanggang ngayon ay hindi pa naikukulong ang akusado.

Hindi kaiba ang isyu ng pagkakamkam ng pera ng bayan sa kasalukuyang sitwasyon sa ilalim ng rehimeng Duterte. 

Kamakailan lang ay naiulat ng Commission on Audit (COA) ang “underutilized” na P67 bilyong pondo na inilaan para pagresponde sa pandemya, kasama ng mga umano’y “deficiencies” na pinaiimbestigahan. 

Mula naman sa ulat ni Deputy Ombudsman Cyril Ramos noong 2019, ang Pilipinas ay may nawala ring P1.4 trilyon dahil sa korapsyon sa dalawang magkasunod na taon, 2017 at 2018, sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Gayunpaman, ang mga impormasyong ito ay kadalasang hindi pa rin abot sa masa. Marami pa rin ang walang akses sa internet o anumang rekursong libro. Sa pagpapalaganap pa ng fake news at disimpormasyon ay natatabunan ang katotohanan na siyang sinamantala ng rehimeng Marcos at Duterte upang ang kasaysayan ay pumabor sa kanilang panig.

Ang anak ng yumaong diktador Ferdinand Marcos na si Bongbong Marcos ay naghahangad ding tumakbo sa nalalapit na halalan sa kabila ng lantarang pagkakasala ng pamilyang Marcos sa taumbayan.

Gayundin si Pangulong Duterte na pinupuna ukol sa maaaring pumalong P13.42 trilyong kautangan ng administrasyon at mga “misplaced” na pondo sa kanyang termino. Ang pangulo ay inaasahan ding sasailalim sa pagsusuri ng International Criminal Court (ICC)hinggil sa kanyang “war on drugs”.

“We have to put in line on that matter what we know to be true, what we know to be jurisprudence and evidence. We cannot stop them from having their opinions, but we know what has happened,” ani Davao de Oro 2nd District Representative Ruwel Peter Gonzaga.

Featured image courtesy of Alberto Marquez

Pagpupugay kay Bienvenido Lumbera, ang manunulat ng masa

Dagdag na sahod at seguridad sa eleksyon, iginiit ng mga guro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *