“Iselda si Imelda,” giit ng mga dating political prisoners


Kinokondena ng SELDA ang malaya at maranyang pagdiriwang ng ika-93 taong kaarawan ng plunderer na si Imelda Marcos noong Hulyo 2, 2022.  Itinuturing ito ng mga kritiko bilang isang  garapalang pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang matapos ang 36 nang patalsikin sila ng Rebolusyong EDSA.

Kasama ang unang pamilya, mga kaanak, at mga kroni, ipinagdiwang ni Imelda sa Bulwagang Rizal ng Malacañang noong Sabado ang kanyang kaarawan bagaman hindi pa nakapagpupulong ang kulang-kulang na gabinete ni Bongbong.

Hanggang ngayon, wala pa ring itinatalagang kalihim ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Health (DOH) si Marcos, Jr.

Lalong mas mahalaga ang dalawang departamento sa panahon ng pandemya. Ang DOH ang namumuno sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases. Samantala, nangunguna ang DOST sa pananaliksik ukol sa pandemya, at miyembro rin ito ng pandemic task force.

Kung ikukumpara sa ilang mga nakaraang administrasyon, pinamunuan ng mga dating Pangulong Aquino at Duterte ang kanilang unang pulong ng mga gabinete sa araw mismo ng kanilang inagurasyon sa Hunyo 30.

Pagkasuklam ang tugon ng  SELDA sa maluhong pamumuhay ng mga Marcos gayong kasisimula pa lang ng termino ni Marcos, Jr. at Sara Duterte, at  patung-patong ang mga nakaambang suliranin sa bagong rehimen.

Paninindigan ng grupo, “Pinagpasasaan nila [mga Marcos] ang dugo’t pawis ng bawat Pilipino para sa kanilang marangyang pamumuhay sa loob ng maraming dekada—mula 1965 hanggang sa kasalukuyan. At ang nakakasuklam, ang patuloy nilang pag-iwas sa kanilang pananagutan sa libu-libong inabuso, ikinulong, tinortyur, dinukot, at pinatay sa panahon ng Batas Militar!”

Ang SELDA ay isang grupo ng mga dating political prisoners at detainees sa Pilipinas, kasama ang mga naging biktima ng Batas Militar.

Pagpapaalala ng grupo, mayroong $10 bilyong nakaw na yaman ang mga Marcos na nakadeposito sa loob at labas ng bansa. Mayroon ding 50 mansyon ang pamilya sa loob at labas ng bansa at iba pang mga koleksyon ng alahas, sapatos, at likhang sining na unti-unti nang namamataan nang manalo si Bongbong sa pagkapangulo. Dagdag pa rito ang hindi pa nababayarang ₱203 bilyong estate tax sa mga naangking ari-arian.

Nahatulan na ring may sala si Imelda sa pitong kaso ng katiwalian at korapsyon noong Nobyembre 2018. Pinatawan ng korte ang dating ginang ng anim hanggang labing-isang taon ng pagkakakulong sa bawat kaso o 42 hanggang 77 taong pagkakakulong sa kabuuan. Sa desisyon din ng Sandiganbayan 5th Division, bawal nang tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno si Imelda.

Sa  kabila nito, nananatiling malaya si Imelda matapos magpiyansa ng halagang P300,000, at dahil umano sa katandaan at estado ng kalusugan nito; habang nakapiit pa rin ang lagpas 50 na mga senior citizen na bilanggong pulitikal. 

Wala pa ring desisyon ang Korte Suprema sa mga inihaing apela ni Imelda ukol sa pagkahatol sa kanya sa pitong kaso ng graft.

Pagkadismaya ng SELDA, “Garapalang ipinagsasawalang-bahala ng gobyerno ang nasabing hatol, sa kabila [ng] mga malawakang panawagan ng mga mamamayan, lalo na ng mga biktima ng Martial Law, para mapanagot ang pamilyang Marcos. Ito ay nagpapakita lamang na ang sistema ng hustisya sa ating bansa ay nakakiling sa mga naghaharing uri gaya ng mga Marcos at ng mga kroni nila.”

Ngayong balik sa poder na ang mga Marcos, ikinababahala ng grupo ang mga gagawin ng bagong rehimen upang patahimikin ang oposisyon at lapastanganin ang kasaysayan.

“Papakilusin nito [rehimeng Marcos Jr.] ang mga pulisya, militar, at iba pang ahensya tulad ng NTF-ELCAC para paigtingin ang pasismo at supilin ang mga paglaban ng mamamayan. Gagamitin nito ang  malawak na rekurso ng gobyerno para patuloy na maghasik ng disimpormasyon, manipulasyon sa edukasyon, at tahasang pagbaluktot sa kasaysayan para linisin ang masamang imahe ng ama, ina, at buong angkan,” dagdag ng SELDA.

Kaya naman, naninindigan ang grupo na mas lalong paigtingin ang pakikibaka sa bagong administrasyon.

Paniniwala nila, dadating ang panahon kung kailan lilikha ulit ang mga mamamayan ng “daluyong ng mga dambuhalang protesta na nagpatalsik sa pamilya Marcos sa estado poder sa mga susunod na panahon.”

#NeverAgain

#NeverForget

#IseldaSiImelda

Featured image courtesy of Philippine Star

Trabahong walang seguridad: lagay ng mga sekyu sa UP Diliman – Part 1

Fabricating a friendship: There is nothing friendly about American Imperialism

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *