Kaso laban sa kapulisang marahas na humuli sa Tinang 83, ibinasura ng Ombudsman


Ibinasura ng Ombudsman ang mga kriminal at administratibong kasong isinampa laban kapulisang sangkot sa marahas na paghuli sa 83 na magsasaka at kanilang mga taga-suporta sa isang bungkalan sa Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac noong Hunyo 9, 2022.

Walang pinarusahan sa higit 30 na pulis na sinampahan ng mga kaso kaugnay ng walang basehang paghuli at interogasyon, pagpapasailalim ng mga hinuli sa tortyur at karahasang sekswal, at pagsasampa ng mga walang basehang kaso. 

Pinagsabihan lamang ang isang pulis kaugnay ng “discourtesy in the course of official duty” matapos magkomento ukol sa “ganda at kawalan ng nobyo” ng isa sa mga hinuli. 

Kinundena naman ng Unyon ng mga Manggagawa ng Agrikultura ang desisyon ng Ombudsman, na para sa kanila ay hinahayaang magpatuloy ang impunidad ng kapulisan sa Concepcion. 

Nananawagan ang UMA sa Ombudsman na suriin muli at baliktarin ang desisyon. 

“Bungad pa man din ng Buwan ng mga Pesante, sana man lang ay pumanig ang estado sa mismong mga magsasakang estado rin ang naggawad ng lupa. Napakatagal na ngang ipinagkakait sa kanila ang kanilang sakahan, pati ba naman hustisya’y ipagkakait pa?,” sabi ni Ariel Casilao, tumatayong tagapangulo ng UMA.

Pagbasura ng kaso sa kapulisan, “panibagong abuso lamang” 

Para sa UMA, “panibagong abuso lamang,” ang pagbasura ng Ombudsman sa kasong isinampa ng Tinang 83 sa kapulisan, lalo na para sa mismong mga Agrarian Reform Beneficiaries na ilang dekada nang pinagkakaitan ng lupa. 

Nagdaos lang naman ng Bungkalan ang mga magsasaka at kanilang mga taga-suporta – kabilang ang dalawang mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya – sa Hacienda Tinang noong Hunyo 2022 dahil halos tatlong dekada nang pinagkakait sa 236 na ARB ang nasa 200 ektaryang lupa na dapat mapasakanila.

Kahit mayroon nang Certificate of Land Award (CLOA) ang mga magsasaka noong 2016 pa lamang, hindi pa rin naibabahagi sa mga magsasaka ang lupa.

Nitong Hunyo 6, halos isang taon matapos ang pag-aresto, nakatanggap na ang samahang MAKISAMA-Tinang ng pormal na liham mula sa Department of Agrarian Reform na kinikilala at ginagawaran ng lupa ang 90 na nakibakang Agrarian Reform Beneficiaries. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa raw ito ganap na napapatupad. 

BASAHIN: https://sinag.press/news/2022/06/14/defending-land-rights-is-a-democratic-right/

Maliban sa matagalang pagkait sa mga magsasaka ng kanilang lupa, patuloy rin ang paniniktik at karahasan sa mga nananawagan para sa tunay na reporma sa lupa at ganap na pagpapamahagi ng Hacienda Tinang.

Nitong nakaraang Marso lamang ay nakaranas din ang ilang kabataang sa Tinang 83 ng paniniktik mula sa mga elemento ng estado.

BASAHIN: https://sinag.press/news/2023/03/12/mga-kabataang-hinuli-sa-tinang-tinitiktikan-pa-rin-ng-mga-ahente-ng-estado/

Noong Agosto 6 naman, sinindak si Alvin Dimarucut, bagong tagapangulo ng MAKISAMA-Tinang, isang samahan ng mga ARB sa hacienda, ng mga hindi kilalalang lalaki na nagpapatutok ng baril sa labas ng kanyang bahay. 

Nananawagan ang UMA para sa kagyat na pagresolba sa problema sa lupa, pati na rin sa pagpapatigil sa panggigipit ng pulis at militar sa mga ARB.

Featured image courtesy of Philippine Star

Bumalikwas sa bangungot ng bagong batas militar

Pagdukot sa tatlong tanggol-katutubo sa Mindoro, inamin ng militar

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *