Largest oil price hike, sinalubong ng protesta


Protesta ang isinalubong ng mga grupo, tsuper, mananakay, at ordinaryong mamamayan sa Cubao, Philcoa, Rizal, at iba pang bahagi ng bansa sa ika-11 taas-presyo, isa sa pinakamalaki sa kasayayan, ng langis ngayong taon.

Tumaas na naman kasi ng P13.15 kada litro ang diesel, P10.50 kada litro ang kerosene, at P7.10 kada litro ang gasolina sa Caltex, Petron, Cleanfuel, PTT Philippines, Seaoil, Unioil, and Flying V  ngayong Martes, Marso 15.

Ngayong 2022, sumirit na ng P30.65 kada litro ang diesel, P20.35 kada litro ang gasoline, at P21.90 kada litro ang kerosene na dati nang pinamahal ng TRAIN Law ni Pangulong Duterte.

Sa halos tatlong buwang sunod-sunod na pagtaas, umabot na sa P70-90 ang total na presyo ng langis kada litro.

Ayon sa Department of Energy (DOE), dulot ito ng pagkagambala sa pag-angkat ng Russia ng langis sa global market dulot ng mga sanctions laban sa Russia dahil sa digmaan nito sa Ukraine. Isa ang Russia sa malalaking exporter ng langis sa buong mundo.

BASAHIN: http://bitly.ws/piEw 

Subalit, sa pagsusuri ni Arnold Padilla sa Bulatlat, DOE na mismo ang umamin na walang oil supply shortage sa bansa at sa Middle East nagmumula ang ating langis at hindi sa Russia kaya ang neoliberal na patakaran ng pribatisasyon ng industriya ng langis at speculative oil trading ang mga itinuturong dahilan ng taas-presyo.

Sa kabila ng mga protesta, nagkibit-balikat lang si DOE Sec. Alfredo Cusi, tagapangulo ng PDP-Laban at alyado ni Pangulong Duterte, sa pagtaas ng presyo ng langis at sinabihang magtiis at magtipid na lang daw ang mga Pilipino at drayber.

Kaakibat ng oil price hike, inaasahan na rin ang pagtaas ng presyo ng iba pang mga produkto at serbisyo na umaasa sa langis sa paggawa at transportasyon.

Kaya naman, maraming mga mamamayan ang nagprotesta upang ipahayang ang kani-kanilang mga hinaing.

Ngayong Martes din, tigil-paglaot muna ang mga mangingisda sa Binangonan, Rizal dahil nagmahal ang mga bilihin sa pagmahal din ng krudo. Higit 40 mangingisda ang nakilahok sa protestang “tigil-palaot” ng grupong Pamalakaya sa Laguna de Bay para igiit ang pagbaba ang presyo ng langis.

TINGNAN: http://bitly.ws/piFe 

Nagkaroon din ng kilos-protesta ang Anakpawis Party-list at Kilusang Mayo Uno (KMU) ngayong araw sa harap ng isang gasoline station sa kahabaan ng España sa Maynila upang kondenahin ang patuloy na pagmahal ng langis.

Nananawagan din ang dalawang grupo na suspendihin ang excise tax sa petrolyo, itaas ang minimum wage ng mga manggagawa, magbigay ng ayuda sa mga tsuper, at ibasura ang Oil Deregulation Law o RA No. 8479 na nagbibigay ng buong kalaayan sa merkado ukol sa presyo ng langis batay sa supply at demand kaya walang kontrol ang pamahalaan sa pagtaas ng presyo.

TINGNAN: http://bitly.ws/piFJ 

Paninindigan ng isang miyembro ng Anakpawis sa kanilang protesta, “sa hanay po ng transport, nariyan ang crude user tax [excise tax sa langis na binabayaran ng mga kumpanya pero pinapasa sa mas malaking halaga sa mga konsumer] na binabayaran ng mga driver…[at] ng mga operator. Bakit hindi habulin ng gobyerno ang mga malalaking negosyante…na hindi tuwirang nagbabayad ng mga buwis sa ating pamahalaan?”

Liban sa agarang pag-alis sa excise tax, VAT, at Oil.Deregulation Law, panawagan din ng mga grupo ang muling pagnanasyunalisa sa Petron kahit na ang kumpanya at ang Malampaya Oil Field na pinagkukunan nito ay pag-aari na ng mga Duterte crony na sina Dennis Uy at Ramon Ang ng San Miguel.

Sa ngayon, nakaamba ang isang pambansang tigil-pasada kung patuloy na magtataas ang presyo ng langis upang igiit sa gobyernong solusyunan ang pagtataas-presyo. Panawagan din ng mga apektadong sektor na itaas ang national minimum wage sa P750 para makaalwan sa pamahal nang pamahal na gastusin sa araw-araw.

#NoToOilPriceHike

Featured image by

Leni-Kiko, namayagpag sa Up Diliman Mock Elections; BBM-Sara, kulelat

“Hindi talaga sapat”: transport groups slam P200 fuel ayuda

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *