Ma’am, sir, ano bang hiling niyo ngayong Teachers’ Day?


Kritikal sa pagtataguyod ng isang bansa ang edukasyon. Kung tutuusin, isa itong pundasyon sa pagpapagana ng isang lipunan at gumagabay sa paghawan nito ng kinabukasan. Subalit, kamusta na nga  ba sina Ma’am at Sir sa isang papabagsak na sistema ng edukasyon?

Ngayong World Teachers’ Day, si teacher ay nakikibaka pa rin. Nag-aaral kung paano lumaban at gawing instrumento ng pagpapalaya ang edukasyon, ani nga ni Paulo Freire.

Panawagan para sa Ligtas Na Balik Eskwela

Malaking dagok ang naranasan ng sektor ng edukasyon bunsod ng pandemya. Kinailangang agarang lumipat sa remote learning set-up na nagsiwalat at mas lalong nakapagpalala ng kasalukuyang lagay ng edukasyon sa Pilipinas. Nakiisa ang Contend UP, ACT Teachers’ Partylist, at ang All UP Academic Employees Union (AUPAEU) sa panawagan sa siyentipiko at makamasang pagbabalik-eskwela. 

Sa isang pahayag, kinundena ng Contend ang pabaya at walang kwentang aksyon ng gobyerno sa Covid 19, na siyang nagdulot ng mas paglala ng krisis sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Dahil sa kapalpakan ng rehimeng Duterte, inudyok ng Contend ang administrasyon ng UP na gawing posible ang maayos at makataong implementasyon ng ligtas na balik eskwela. 

Nakatakdang bumalik umano sa kampus ang unibersidad sa darating na ikalawang semestre ng akademikong taon 2022-2023. Nagsisilbing kagyat na panawagan ng komunidad ng UP at malaking hamon sa administrasyong tiyakin ang konsultatibo’t inklusibo nitong pagpaplano para sa tunay na ligtas na pagbabalik-kampus.

Nitong nakaraang pagpapatupad ng limited na learning set-up para naman sa unang semestre ng AY 2022-2023, nailantad ang kakulangan ng kahandaan at pagmamadali ng administrasyon sa naturang pagbabalik-kampus. Kalakhan ng bigat sa pagpaplano ay iniasa sa bawat departamento habang naiwan sa mga propesor at instruktor ang pagsasaayos at pagtitiyak ng pagkatuto’t pangangailangan para sa F2F na set-up. 

“It is high time that the UP administration take more decisive actions towards the safe return of face-to-face classes by providing the enabling environment for its implementation,” pahayag ng Contend.

Naglatag din ang AUPAEU ng mga gabay sa kung ano ba talaga ang ligtas na pagbabalik-eskwela. Kabilang dito ang pag-secure ng UP sa mga espasyo at pasilidad na gagamitin sa pagbabalik ng face-to-face na klase, ang pagpondo sa mga opisina para maisayaos ang mga materyal at pasilidad na gagamitin, pagtatalaga ng pondo upang masiguro na mabibigyang-tulong ang mga mag-aaral at empleyado ay magkakaroon ng libreng serbisyong kaugnay sa Covid 19, at ang pagbabalik-tanaw sa working arrangements upang masiguro na walang pagbawas ng sahod at benepisyo sa mga kontraktwal. 

Isa ang ACT Teachers’ Partylist sa mga sumulat ng House bills na naglalayong taasan ang pondo pang-edukasyon at ligtas na pagbubukas muli ng mga paaralan. Kasama ang Kabataan Partylist at Gabriela Partylist, inihain ang House Bill No. 251 o ang Safe School Reopening Bill. Sa ilalim ng bill na ito, nagdedemand din na itaas ang pondo ng Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), at Department of Health (DOH), sa  P122,401,764,350. 

Basahin: https://sinag.press/news/2022/07/18/makabayan-solons-file-ligtas-na-balik-eskwela-bill/

Sahod Itaas, Krisis Tugunan

“Teachers are already exhausted with their teaching load and additional tasks, the least the education department can do is provide concrete solutions to the perennial problems in the DepEd,” pahayag ni ACT Teachers’ Partylist Representative France Castro. 

Noong Agosto, finlag ng Commission on Audit (COA) ang DepEd dahil sa pagbili ng “overpriced and outdated” na mga laptop. Umaksyon ang ACT Teachers’ PArtylist at kaagad na isinumite ang House Bill No. 189 na naglalayong imbestigahan ang pagbili ng DepEd ng napakamahal na mga laptop na hindi maayos na napakinabangan. 

Halos lagpas dalawang taong nakipagsapalaran ang mga gurong kumuha ng kanilang internet at gadget allowamce mula sa kanilang sariling pera. Ito ay sa kabila ng katatagan ng estadong hindi itaas ang salary grade ng mga guro, kahit pa may umiiral na krisis panlipunan. 

“Habang binabarat ang lugmok sa trabahong mga guro ay ganito pa ang ginagawa sa pondong dapat na sana ay sila ang nakikinabang. Marapat talaga na maimbestigahan ang anomalyang ito,” pahayag ni Rep. Castro.

Kaakibat din ng panawagan para sa pagtataas ng sahod, nananawagan din ang ACT at ang Contend UP sa pag-address ng isyu sa kakulangan ng mga silid-aralan, pasilidad, at mga materyales sa mga paaralan. 

Mariin ding kinukundena ng Contend UP ang naging pahayag ni Sara Duterte, kasalukuyang kalihim ng DepEd, nang tanungin tungkol sa posibleng pagtataas ng sahod para sa mga guro sa pampublikong paaralan. Kasalukuyang nasa Salary Grade 11 ang entry salary ng mga guro sa pampublikong paaralan. Ito ay katumbas ng P22,316 – P23,887. 

Ayon kay Duterte, mabibigyang ‘pressure’ ang mga pampribadong paaralan na magtaas din ng sahod kung tataasan ang sa mga guro ng pampublikong paaralan. 

Kwinestyon din ng grupo ang P150-milyong kumpidensyal na pondong mungkahi ng Office of the Vice President (OVP). Binigyang-diin ang pagiging anti-teacher at pro-business ni Duterte dahil sa kawalan nito ng kongkreto at makataong mga planong tutugon sa krisis sa edukasyon. Mas malaki pa ang atensyong binibigay ni Duterte pagdating sa national security kumpara sa edukasyon kung saan siya ay naatasan bilang kalihim. 

“We call on the DepEd to fund school facilities and support teachers instead of earmarking confidential funds for intelligence and surveillance, which will again be put to use in red-tagging critical voices in the education sector and repressing academic freedom,” hayag ng Contend. 

Akademikong Kalayaan, protektahan

Daan-daang atake laban sa pang-akademikong kalayaan ang dinanas ng sektor ng edukasyon, partikular na ng mga kaguruan at mag-aaral. Nariyan ang red-tagging, pagpurga ng mga librong “subersibo”, pagbabaluktot ng kasaysayan, at ang pagpapakalat ng disimpormasyon laban sa mga pumupuna ng kawalangyaan ng estado. 

Noong Oktubre ng nakaraang taon, inisyu ni CHED Cordillera director Demetrio Anduyan Jr. ang Regional Memorandum No. 113 na nag-uudyok sa mga institusyon sa nasabing rehiyon na mag-tanggan ng mga progresibong aklat sa mga silid-aklatan. 

Bilang kasagutan sa ginawang ito ng CHED, nag-isyu ang ACT Teachers’ Partylist ng House Resolution 2290 na nagpapa-imbestiga sa pagpurga ng mga akademikong materyales sa mga pamantasan. 

“The institution that should be protecting academic freedom and ensuring that schools are sanctuaries for free and critical thinking, with its memorandum and the justification of the CHED chair to simply respect the decision of other SUCs, is acting as an agent in the attacks on academic freedom,” sabi ni Rep. France Castro. 

Nakiisa naman ang Contend sa pangungundena sa pangyayari. Idiniin ng grupo na malaki ang gampanin ng libro hindi lamang sa pagtuturo ng mga leksyon sa paaralan, kundi pati na rin sa pagmulat sa mga estudyante sa mga isyung panlipunan na kinahaharap ng bansa. 

“Books are instrumental tools in raising people’s consciousness. And to deny people access to certain books for their “subversive” content is to deny people’s capacity to think for themselves and to access a long and rich tradition of critical thought, which is their right,” pahayag naman ng Contend. 

Agosto 2022 nang i-redtag ni Lorraine Badoy at ng NTF-ELCAC ang ilang akademikong nagbahagi ng kanilang mga akda sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF). Kasabay ng paggunita sa Buwan ng Wika, hinarap ng Komisyon ang samu’t saring pekeng impormasyon na ipinakalat ng mga redtagger. 

Bagaman naghayag ng galit sa redtagging ng NTF-ELCAC, nadismaya rin ang AUPAEU dahil naging matagumpay ang ELCAC sa pagpupurga ng mga libro. Ipinatanggal ng KWF ang mga librong itinuturing na “subersibo,” taliwas sa kanilang mandato at nagpapakita ng kawalan nila ng pagtindig laban sa mga atake sa akademikong kalayaan. 

Gayunpaman, ngayong Pandaigdigang Araw ng mga Guro, inuudyok ang bawat maka-masang patuloy na makiisa sa pagsulong ng mga kampaniya at paglaban upang agaran nang tugunan ang krisis sa edukasyon. Kaisa ang malawak na hanay ng masa, patuloy ang pagkalampag para  sa pananagutan  mula sa mga nakaluklok sa pwesto at pagkundena sa mga atake laban sa akademikong kalayaan. Patuloy ang pakikiisa sa pag-demand ng mas mataas na sweldo at pagbibigay ng sapat na pondo upang mabigyan ng laptop, internet allowance, at cash allowance ang mga guro, kasama ang pagdoble ng pondo para sa edukasyon at ligtas na balik eskwela. 

#UpholdAcademicFreedom
#LigtasNaBalikEskwela
#SalaryUpgradeNow

Featured image courtesy of Eloisa Lopez

Sa binabarat na misedukasyon, unhappy ang Teachers’ Day

“Effect game-changing measures in education”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *