Ang kulay pula, bago pa ito minarcos ng tambalang Marcos-Duterte, ay matagal ng simbolo ng rebolusyonaryong pakikibaka. At ang mga demonyong gaya nila ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ito.
Kaya naman pula ang itinatatak ng mga terorista ng estado gaya ni Lorraine Badoy sa sinumang nagtatangkang biguin ang amo niyang sina Duterte at Marcos na magwagi sa Mayo. Kahibangan pa nitong sinabing may alyansa diumano ang kampo ni VP Leni Robredo at Communist Party of the Philippine (CPP); bagay na itinanggi ng dalawang panig.
Sa bagay, hindi naman na bago sa kasaysayan ang red-tagging. Sa Pilipinas, ginamit ang mga bansag na “filibustero,” “bandido,” “rebelde,” “komunistang-terorista” para bigyang-kapangyarihan ang militar na maghasik ng terorismo.
Ang malinaw sa terorismo ng estado, pinapatay basta “komunista”. At kasaysayan na rin mismo ang nagpapatunay na ang pagbabansag ng Pula ay lisensya para sa patuloy na pang-aapi gaya ng nakasanayan ng pinuno ng NTF-ELCAC na si Duterte.
Subalit, ang nagtatakda kung sino ang komunista ay sila-sila rin, gaya ng Anti-Terrorism Council at NTF-ELCAC. Basta’t mabansagang komunista, pinapatay. Dahil ang red-tagging ang siya ring nagbibigay ng lisensya para sa kultura ng impunidad—pagpatay, pagpapatahimik, pag-aresto—na ipinalalaganap ni Duterte.
Gayunman, maski ang mga komunista ay may karapatan pa ring mabuhay alinsunod sa Konstitusyon at mga kasunduan ng gobyerno at National Democratic Front gaya ng Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
Ang red-tagging kay Neri Colmenares at sa Makabayan bloc ay isang kagyat na isyu. Sa konteksto ng pagbubuo ng malawak na pagkakaisa, hindi dapat isantabi ang mga progresibong anti-Marcos at anti-Duterte dahil sa malisyosong paratang. Bagkus, hayaang magsalita ang katotohanan.
Malinaw ang ating pampolitikang tungkulin: magbalikwas sa red-tagging upang gapiin ang Unithieves nina Marcos at Duterte dahil kailanma’y, ika nga, walang mali sa paglaban, may mali kaya tayo lumalaban.
Matindi ang tunggalian ng mga mito at naratibo kung saan ang sinasagkaang katotohanan ang dapat manaig.
Nakamamatay ang red-tagging. Ang “komunista” ang bagong “adik” sa anti-mamamayang digma ni Duterte. Makikita ito sa kaso ng New Bataan 5 kung saan, isang buwan na, nang patayin ng mga elemento ng 10th Infantry Division ang grupo nina Chad Booc, boluntaryong guro sa paaralang Lumad at kasamahan niyang guro, manggagawang pangkalusugan, at drayber.
Nanlaban daw, kwento ng militar. Matapos, pinondohan ang propaganda na kahit noong high school pa lang daw si Chad, isang mahusay na binatilyong mamamahayag noon sa Cebu, ay miyembro na raw ng NPA sa Mindanao.
Ngunit, ano’t anupamang pagpapaikot ang gawin ng rehimen, lilitaw at lilitaw ang makatuwirang laban sa red-tagging na kinakasangkapan lang ng rehimeng Duterte para sa terorismo ng estado.
Ang kulay pula, kakulay ng dugong idinilig ng libo-libong martir at bayani na dumanak buhat ng pamamaslang, ay lalo lamang nagpapalago ng naipunlang binhi ng panlipunang batayan ng pagbabalikwas.
Lalo na sa nakaambang diktadura ng mga Marcos at Duterte sa Mayo, hindi kailanman magiging kanila ang kulay pula, maliban sa dugong kanilang inutang at uutangin para sa pagkakamal-yaman.
Ang kulay pula, ang simbolo ng pagbabalikwas, ay sa masang lumilikha ng kasaysayan lamang. Taliwas sa pagiging lisensya ng pagpatay, ang kulay pula ay ebidensya ng pakikibaka laban sa dayuhang pandarambong sa ating bansa, sa monopolyo ng lupa sa kamay ng iilan, sa pagkamal ng kita sa ating gobyerno.
Sagunson ng pula at rosas sa lansangan ang dapat asahan ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte sa dagundong ng laksa-laksang mamamayang maniningil, magbabangon, at magpupunyagi.
Ngayong buwan, magdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng armadong pakikibaka ang mga Pulang mandirigma. Sabi nga ng radikal na pilosopo, makatuwiran ang maghimagsik. Isinisilang ang mga Pula hindi dahil sila ay mga terorista kundi dahil iniluwal sila ng mga pinakamalalagim na panlipunang inhustisya na hindi na kayang iresolba ng umiiral na sistema.
Ang pagiging tunay na pula ay produkto ng isang lipunang nasa pusod ang tunggalian ng mga mapang-api at inaapi. Ang hamon sa mag-aaral ng lipunan ay baguhin ito.
Asahan ang matinding atake at pagdanak ng pulang dugo at pulang tatak 45 araw bago ang halalan. Dalawang interpretasyon ng pula ang naghihintay: ang pula ng pasismo o pula ng pagbabalikwas. Sa larangan ng tunggalian, ang kamay ng sambayanang Pilipino ang magkukulay ng ating bukas.
Sa huli, pula ang kulay ng pag-ibig. Pula ang kulay ng ating nag-aalab na pakikibaka. Sa mundong ating ipagwawagi, pula ang kulay ng bukas.
Dibuho ni Kyla Buenaventura