Makibaka Para sa Malayang Midya


Ngayong National Press Freedom Day, lubos na muling-pinagtitibay ng SINAG ang panata nito na isulong at depensahan ang kalayaan sa pamamahayag. Sa panahong kritikal ang papel na ginagampanan ng midya, higit na kinakailangang ipagtanggol ang kalayaan nito mula sa mga internal at eksternal na pwersang sumasagka sa makabuluhang pamamahayag nito.

Sa nagdaang mga taon, natunghayan natin kung paanong sinupil ng administrasyong Duterte ang pangmadlang midya sa Pilipinas. Ipinasara ang ABS-CBN, kinasuhan ang Rappler, at inatake ang mga midyang alternatibo, pangkomunidad, at pangkampus. Sinasalamin nito ang isang pag-atake ng nasa poder na nais patahimikin ang mga boses na nagsisiwalat ng totoo.

Sa kaso ng SINAG, nariyan ang pangreredtag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) noong Agosto 2020, ang red-tagging at death threats sa mga patnugot at istap ng pahayagan noong Marso 2021, at ang mga digital na pag-atake hanggang ngayon. Saksi ang mga karanasang ito sa halaga ng malayang midya sa gitna ng tiraniya.

Gayundin, hindi nawala ang mga internal na isyu na humahadlang sa pagiging malaya ng pamamahayag. Patuloy na iginigiit ng mga pahayagan ang kanilang karapatan sa pondo, seguridad, espasyo, at kagamitan. Sa nagdaang dalawang kongreso ng UP Solidaridad, alyansa ng mga pahayagan sa UP System, tuloy ang panawagan nila para sa mga iyon subalit ngunit  wala o kulang ang aksyon at suporta ng administrasyon sa mga publikasyon.

Sa kaso ng SINAG, hindi pa rin nito naakses ang pondo nito bagaman patuloy ang pangongolekta ng UP ng P30 kada mag-aaral kada semestre bilang regular at nararapat na pondo. Sa nagdaang dalawang taon din ay hindi namin nagamit ang opisina sa AS at mga kagamitan kagaya ng camera at printer sa paggampan ng aming tungkulin. Dagdag pa, naging kulang ang pagtugon ng lokal na administrasyon ng CSSP sa mga naging pag-atake sa amin.

Sa unang taon ng pamumuno ni Marcos Jr, araw-araw na pinatutunayan ang kahalagahan ng malaya at alternatibong midya. Kung saan nagbabanggaan ang mga naratibo ng katotohanan at kasinungalingan, ng reaksyon at pagbabalikwas, ng pagpapalaya at terorismo, nasa posisyon ang mga publikasyon na paalingawngawin ang mga panawagan ng mamamayan.

Ito ang prinsipyong tinanganan ng SINAG sa mga nagdaang taon. Patuloy nitong inilantad ang terorismo at pasimo ng estado mula kay Duterte hanggang kay Marcos Jr. Hindi rin ito tumigil na alamin ang kalagayan ng mga mag-aaral at komunidad upang mapaingay ang mga panawagan at kampanya ng mga organisasyon gaya ng pagbabalik-eskwela, pagtungo sa mga maralitang komunidad, at pagpapatalsik sa mga anti-mamamayang administrasyon.

Ngayon, ang hamon sa lahat ay patuloy na gumuhit ng linya at makipanig. Sa panahong ginigiba ang mga pundasyon ng metodong agham, kritikalidad, at obhetibidad – mga panandang-bato sa agham panlipunan – dapat igiit ang posisyon ng mga ito sa midya, akademya at mas malawak na lipunan. Makakapagpatibay ang midya sa mga pagtindig na ito.

Subalit, kailangan ding patibayin ang midya upang masalag nito ang mga internal at eksternal na problema. Sa huling suri, sa panahon ng lantarang panunupil, malaki ang papel ng midya sa pagsusulat ng kasaysayan ng bayan, literal man o figuratibo. Pinatunayan ito ng kasaysayan ng La Solidaridad, Kalayaan, Ang Bayan, Malaya, Altermidya, Bulatlat, at iba pang inilaan ang kanilang mga pahina sa pagsasalaysay ng saysay at kasaysayan ng makatuwirang paglaban.

Ang esensya ng kalayaan sa pamamahayag, ani nga ni Karl Marx, ay isang naratibong lipos ng kawastuhan, katauhan, at katuwiran ng kalayaan. Isang halimaw ang kawalan ng kalayaan na iniluluwal ng mga halimaw kagaya ni Marcos Jr. Walang ibang paraan upang puksain ang mga halimaw ng lipunang ito kundi ibalita ang ebanghelyo ng katotohanan: ang tunay na kondisyong panlipunan, ang paglaban ng mamamayan, at ang hiraya’t alternatibo na maaaring isulong.

Mahaba pa ang laban upang igiit ang kalayaan sa pamamahayag. Subalit, ika nga ng batikang lider-mamamahayag na si Nonoy Espina, malaya ang midya hindi dahil ipinagkaloob ito sa kanya kundi dahil iginigiit niya ang kaniyang kalayaan. Sa huling suri, upang maipagtagumpay ang kalayaang ito, dapat nating tanawin at likhain ang lipunang hindi takot sa kritisismo, katotohanan, at alternatibo – ang negasyon ng halimaw sa kasalukuyang bulok na kaayusan.

#DefendPressFreedom

Universidad de Pahirap: Anti-demokrasya sa neoliberal na pamantasan

CSSPSC Mental Health Resol pushes for student services, academic ease

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *