Mala-lotto na mito ng swerte ng CRS


Ang panahon ng enlistment ay signos na naman ng pakikipagsapalaran ng mga mag-aaral para sa inaasam at kinakailangang slotsa kani-kanilang kurso. Ito ay isa na namang pasilip sa matagal nang nakabuyangyang na isyu sa pamantasan–ang pagiging komersyalisado nito.

Hindi na lamang gaya ng merkado, mistulang sugal na rin kung maituturing. Sa huli, sa bawat pindot, kung anumang mapili, hindi naman nakasalalay sa palad ng isang palaka o bawat hibla ng ispageti mababatid ang katiyakan ng pagkatuto sa pagratsada sa bagong semestre. Batay ito sa pagkakaloob ng sapat na badyet sa edukasyon, ng sapat na units para sa lahat.

Swerteng iginuhit sa palad ni Pepeng palaka 

Apat na taong kalbaryo na para kay Eunice Santiago, mag-aaral ng Sosyolohiya, ang panahon ng enlistment kada semestre. Aniya, nasa 6 hanggang 9 na units lamang ang kadalasang nakukuha niya sa unang round. Para naman kay Nicole*, mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Agham, lilimang units lamang ang “napanalunan” sa kaniya ngayong unang enlistment. 

Madalas na sa ikalawang enlistment ay nakakapag-enlist ang mag-aaral ng dagdag pang 3-6 na units; subalit, karaniwang kinakailangan pang humantong sa pagwewaitlist, o kaya ay pagpeprerog para lamang makuha ang kinakailangang kurso, minsan kahit hindi gusto. 

Ganito ang masalimuot na proseso kada panahon ng enlistment. Sa unang round, papalarin ka na kung makumpleto ang 18 na units. Ngunit, bibihira ito at isang pribilehiyo lamang para sa mga freshie o graduating na. Kung hindi mapuno ang units at nagkataong mag-underload ay pawang pansariling problema ito ng mag-aaral. Ligwak ka na nga sa laude, ibinalik pa sa 15 units ang regular na load maski may pandemya at monkeypox pa.

Pinalalala ito ng karaniwang kaso ng kakulangan ng slots sa mga general electives (GEs), o ang mga kursong pinag-aagawan ng lahat ng kolehiyo.

Daing ni Nicole na ngayo’y nasa ikalawang taon na sa pamantasan, mula noong freshman pa lamang siya ay sinusubukan niya nang makuha ang Eng 13 na kasalukuyang may 816 na slots at Speech 30 na may 612 na slots para sa darating na semestre. Bagaman bigo sa unang enlistment, umaasa siya na makabawi sa pangalawa.

Samantala, pinakakaunti ang slots para sa DRMAPS na nasa 288 lamang. Sumusunod dito ang STS 1 na nasa 500 slots; habang pinakamarami na ang 1,251 slots ng Philo 1. Pare-parehas silang kasalukuyang fully online ang moda ng pagtuturo at kalakhan ay puno na rin.

Ito rin ang inindang lubos ni Santiago, lalo’t aniya, halos puro GEs ang kaniyang nalalabing mga units. “Anxious ako sobra. Baka kasi madelay ako sa paggraduate kung hindi man maenlist sa akin ang mga GEs na halos tatlong taon ko nang kinukuha,” aniya.

Taliwas sa pansariling suliraning tila nililikha ng paswertehang sistema ng CRS, ang matagal nang nakababalisang isyung pasanin ng mga mag-aaral sa bawat semestreng pagkaitan sila ng kinakailangang units ay nag-uugat at sintomas ng pambabarat ng estado sa badyet ng pamantasa’t kaakibat na de-merkadong oryentasyon ng pagkatuto.

Hindi si Pepeng palaka ang gumuguhit ng kapalaran ng mga Iskolar ng Bayan. Sa huling suri, ang gumuguhit ng ating kamalasan ay ang komersiyalisasyon ng edukasyon.

Nangangayayat at naghihikahos na bawat hibla ng ispageti

Hindi na lingid sa ating kaalaman na sa bawat taon ay kinakaltasan at kinukulangan ang pondo ng UP System. Kung ating babalikan, hinangad ng Unibersidad ng Pilipinas na makatamasa ng P36.5 bilyong halaga ng pondo para sa taong 2022. Ngunit, ang UP ay nakatanggap lamang ng nasa P24.4 bilyon, lagpas P10 bilyong mas mababa sa hinihingi, para sa 2022.

Ngayong 2023, ayon sa ulat ng Philippine Collegian, nasa ⅓ ng panukalang P44.1 bilyong badyet ang ilalaan para pondohan ang mga proyektong pang-imprastruktura sa huling taon ni UP President Danilo Concepcion sa pwesto habang P4.3 lamang ang ilalaan para sa dagdag na 1,700 permanenteng posisyon para sa mga guro at kawani ng pamantasan.

Kung gayon, ang paghihigpit ng sinturon ng UP ay lalong nagtutulak rito na magpatupad ng mga top-down at korporatisadong desisyon sa de-merkadong sistema ng edukasyon.

Lantad ang lohikang ito sa anti-mamamayang UP Master Development Plan kung saan may pag-iisa ang mga pribadong korporasyon, tulad ng mga Ayala, at ang administrasyon ng pamantasan sa pagtatayo ng mga imprastruktura. Kita ito sa ngayo’y UP Town Center, UP Technohub, at iba pang nakahaing proyektong imprastrukturang maaaring isang iskema upang magtabo ng ekstrang tubo. Naghuhudyat ang mga proyektong ito sa pagpapalayas sa mga komunidad sa pamantasan sa tabing umano ng pang-akademikong gamit. 

Lalong hindi mailalayo ang kasalukuyang mala-bolang kristal na sistema ng CRS sa kaibuturan ng de-merkadong edukasyong nananalaytay sa ating lipunan. Ang mas binabarat na pondo ng pamantasan ay manipestasyon ng pagbababa ng esensya ng edukasyon sa pawang usapin ng pera at paglikha ng kapital. Dahil kulang ang badyet, tinatanggalan nito ng akses ang libu-libong mag-aaral kada semestre sa kaukulang pagkatutong karapatan naman nilang matamasa. 

Sa sitwasyon ni Santiago, nanganganib siyang madelay sa pagkakataong hindi na naman siya mabigyan ng kailangang GE units — isang isyung komon sa mga mag-aaral mula sa iba’t ibang programa. Buhat nito, kung magkataon ay maaaring maaberya ang kaniyang pagtatapos at matagalan pa bago siya ay makapagtrabaho upang makatulong sa kaniyang pamilya.

Itinutulak ng neoliberal na ekonomya at kultura, ang de-merkadong hulma ng edukasyon sa bansa’y gayong kinokondisyon ang mga mag-aaral na agarang makapagtapos sa takdang oras upang makasabak agad sa merkado ng paggawa. Subalit, sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiko, ikinukulong lalo ng ganitong sistema ang mga kabataang sumugal sa kompetisyon at kawalan ng katiyakan sa merkado ng paggawa upang may mabuhay kapalit ng kalidad ng pagkatuto, ng pagkatao na dapat primaryang hinuhubog ng pag-aaral

Katulad ng ubos-lahing pakikipag-agawan ng slots sa CRS, kompetisyon at indibiduwalistikong pagtanaw sa pag-unlad ang salubong ng merkado ng paggawa sa kawalan din ng katiyakang makasungkit ng nakabubuhay na trabaho at nakasasapat na sahod sa labas ng unibersidad.

Kaya’ ang ispageti na dapat sana’y handa sa pagdiriwang, kalokohang ipinapasa-pasa kada semestre dahil sa kalokohan ng pagkukumahog na makapag-aral ng isang semestre.

De-kompyuter na roleta ng kinubukasan ng pamantasan ng bayan

Ang kabulukan ng Computerized Registration System ay naglalantad sa kakulangan ng pondong pansahod rin sa mga manggagawa. Inilalantad nito ang matagal nang isyu ng kontraktuwalisasyon, saklaw ang aabot sa isanlibong mga manggagawang pang-akademiko.

Batay sa naitalang datos ng UP Diliman Human Resource Development Office (HRDO) nitong Nobyembre 2021, nasa lagpas 2,700 ang bumubuo sa kaguruan ng pamantasan, kung saan 1,079 ang mga lecturer. Bagaman nadagdagan, nananatiling kagyat na isyu ang kakulangan ng nakasasapat na pasahod buhat ng lalong lumiliit na badyet na inilalaan ng estado sa pamantasan. Dagdag pa rito ang mga bagong makuha ng pleksibilisasyon at korporatisasyon ng estruktura gaya ng mga teaching fellow at teaching assistant position na de-kontrata. 

Apagkaltas sa badyet ng pamantasa’y iniwan sa ere ang maaari sanang hakbangin ng pamantasang makapagbukas ng mas madami pang klase. Agaran nitong sinasarahan ang maaaring maging hakbangin ng administrasyon sa pagpapalawig ng bilang ng mga mag-aaral na maaaring lumahok sa bawat klase. Pagdidiin ni Nicole, maaari pa sana itong mas maagapan kung maglulunsad ng sensing form ang mga departamento sa mas mainam na paggagap ng mga estudyanteng kailangan ang partikular na kurso. 

Direkta rin nitong hinaharang ang pagreregularisa sana ng mas maraming manggagawa sa pamantasan, kasabay ng pamamahagi ng agaran at nakabubuhay na sahod at benepisyo. Sinasakal nito ang anumang seguridad na maaaring makamit ng libu-libong kontraktuwal sa pamantasan, kabilang ang ilan na lagpas dekada nang nagtatrabaho. Pinakitid nitong lubos ang hindi aksesibleng kalidad ng pagkatutong dapat na pantay na natatamasa ng bawat mag-aaral.

Bagaman kinikilala ng pamantasan ang umiiral na mga kondisyong dulot ng lumalalang krisis, ang kaukulang pagtugon nito’y pawang nakaangkla sa pasibong pagtanggap sa pagdadahilan ng estado, ang pagpapanatili sa nakasanayan. Pawang pagpasa ng sisi at pagtakas ng estado samandato nitong gawing abot-kaya at inklusibo ang tinaguriang pamantasan ng bayan. 

Sa halip, pinapayagan nitong maihulma ang edukasyong bilang mekanismo ng mga naghaharing-uri upang mapanatili ang bulok na lipunang nagsisilbi sa kanilang mga interes. 

Kita ito sa ibayong pagtataas ng matrikula sa mga pribadong mga institusyong pang-akademiko, mga dagdag bayarin, at panggigipit sa badyet ng mga pampublikong paarala’t pamantasan tulad ng UP. Sa katunayan, ilan sa 84 na mga pribadong higher educational institutions (HEIs) ay binigyang-permiso ng CHED na magtaas ng matrikula sa gitna ng pandemikong krisis. Sa hitsura ng UP, ito ay ang napakaliit na bilang ng mga tinatanggap sa UPCAT sa kabila ng matinding pribatisasyon ng kolehiyo sa bansa na aabot sa 88%.

Kung hindi man madaan sa pinansiyal na pambabarat ng estado sa akses sa edukasyon, tiyak itong pinatitibay sa anti-demokratikong mga atake. Lantad ito sa mga abuso sa mga pangmasang organisasyon, mga konseho, pahayagan, mga propesor, at maging sa mga pang-akademikong materyal tulad ng mga libro na pawang nagsisiswalat ng katotohanan sa danas ng lipunang Pilipino at ang tahasang militarisasyon sa mga pamantasan at kultura.

Ang ganitong uri ng pambabarat at pagkakait ay siyang mababaka lamang sa tuwirang pagsasapraktika ng ating natutunan sa pag-aaral at pag-unawa ng lipunan. Sa pamamagitan ng kolektibong paggigiit para sa mas mataas na pondo para sa pamantasan, para sa aksesible, libre, at de-kalidad na makabayang edukasyon, at para sa nakabubuhay na sahod, dahan-dahang kumakawala mula sa de-merkadong sistemang sapilitan tayong sinanay. 

Subalit, hindi iisang panig ang laban sa paggigiit. Mahalagang makaisa, sa bawat hakbang, ang administrasyon sa pagkundena sa taunang kaltas sa badyet ng pamantasan, at marapat na ito rin ay tumagos sa mismong mga polisiyang kanilang isusulong — tiyak na maka-estudyante, maka-guro, at maka-mamamayan. Lalo itong mahalagang gayong magbabalik-kampus at may nakaambang P2.5B halagang kaltas muli sa badyet ng pamantasan. 

“Samahan at paigtingin pa ang boses ng mga estudyante patungkol sa nangyayaring education crisis sa bansa, ang mga panawagan nito na isulong ang isang ligtas na balik-eskwela, at ang isang scientific at  mass-oriented education to address the root causes of our problems, at hindi lang band-aid solutions ang ibigay sa atin,” giit ni Santiago. 

Hindi hamak na malaki ang papel ng paglahok ng kabataan sa pagpapalakas ng nagkakaisang hinaing ng komunidad ng UP. Sa kabila ng umiiral na de-merkadong edukasyon, ang pagkatuto ay hinuhulma ng kolektibong karanasang kritikal na maunawaan at maaral ang lipunan tungo sa isang lipunang karapatan ang edukasyon na natatamasa ng lahat — hindi ng anupamang guhit sa palad ni Pepeng palaka, sa bawat nangangayayat na hibla ng ispageti, o pagtatalaga ng ikot ng de-kompyuter na roleta. Ang pagbabagong panlipunang ito ang misyon ng ating pag-aaral. 

*Hindi niya tunay na pangalan

Featured image courtesy of ABS-CBN News

The AFP is a hypocrite terrorist

Defend the University of the People: Councils resist attacks on democratic rights and academic freedom

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *