Kinundena ng Samahan ng mga Manininda sa UP Campus ang pag-itsapuwera sa kanila sa bagong UP Food Hub sa tapat ng College of Fine Arts matapos hindi maibigay sa maliliit na manininda ang ipinangakong pwesto ng administrasyon ni UP President Danilo Concepcion.
Anila, hindi tinupad ni Concepcion ang pangako niyang bibigyang-prayoridad sa Food Hub ang mga manininda ng UP Main Library na nawalan ng pwesto noong Enero 2020.
Nang bumukas ang Food Hub noong Disyembre 2023, walang nakalaan na espasyo para sa maliliit na manininda ng UP, at pawang malalaking negosyante ang nasa loob.
Sa kanilang pahayag, tinuligsa ng samahan ang pinangangambahan nilang simula ng tuluyang pagtataboy sa kanila sa kampus.
“Hindi pa nga nakakabangon mula sa pandemya, may panibagong banta na namang hinaharap kaming maliliit na manininda sa UP dahil sa lumalalang komersyalisasyon at kontra-mahihirap na mga patakaran sa unibersidad,” sabi nila.
Nangangamba rin daw ang mga manininda sa tinatayong Shopping Center sa Area 2 dahil mayroong bali-balitang papasukin naman ito ng SM Save More.
Para sa samahan, tila wala nang puwang para sa “abot-kayang serbisyo na matagal nang inihahandog ng mga manininda” dahil kung kailan tinatangka nilang bumalik sa kampus, nahihirapan naman sila dahil sa pagdagsa ng malalaking negosyante.
Ayon kay Narry Hernandez, pangulo ng samahan, sa dating 70 na manininda, 41 pa lang ang nakababalik sa kampus, at mababa pa rin ang arawang-kita ng mga ito dahil sa ipinatupad na Blended Learning noong nakaraang semestre.
Matagal nang hinihiling ng mga manininda na kilalanin ng administrasyon ang serbisyong ibinibigay nila sa buong komunidad imbis na ituring na “eyesore” at itaboy mula sa kanilang mga pwesto.
“Hinaharap naming manininda sa UP ngayon ang mga panibagong banta sa aming kabuhayan, tumitinding krisis, at kawalang kasiguruhan. Sa tagpong ito kami’ y nananawagan sa komunidad ng UP na ipatanggol ang karapatan naming maliliit na manininda na manatili sa loob ng kampus,” sabi ng samahan.
Featured image courtesy of Samahang Manininda sa UP Campus