Sama-samang dadalhin ng iba’t-ibang samahan sa komunidad ng UP ang kanilang mga mungkahi para sa polisiyang pabahay ng pamantasan sa Community Summit ng Office of Community Relations bukas, Pebrero 20, sa SOLAIR, UP Diliman.
Sa tulong ng Kariton ng Maralita Network at ng Geomajie Core Group ng Departamento ng Heograpiya, binuo ng mga residente ang “People’s Counterproposal” na sumasalamin sa mga pangangailangan ng komunidad.
Giit ng mga residente, bilang mga nakatira sa UP, hindi dapat isantabi ang kanilang mga hinaing. Bagkus, dapat pakinggan ng administrasyon ang bitbit nilang mga panawagan.
“Nararapat na punahin at baguhin ang mismong prinsipyo ng pakikipag-ugnayan ng isang pambansang unibersidad sa maralitang komunidad na pumapaligid dito. Dahil ito’y isang pambansang unibersidad na naglilingkod para sa kaunlaran ng bayan, dapat nitong pinagyayaman ang ugnayan sa mga magsasaka, manggagawa, tsuper, empleyado, at kabataan na umiiral sa mga maralitang komunidad na ito,” anila sa dokumento.
Panawagan ng komunidad, hindi na muling isasantabi
Matagal nang umaalma ang komunidad sa nakikita pagsasawalang-bahala sa kanila ng mga nakaraang administrasyong na tila walang pakialam sa mga residenteng nakatira sa kampus.
Kung susuriin nga ang kasaysayan, sabi ng mga residente, makikitang ang mismong paglipat sa Diliman ng Unibersidad ng Pilipinas ay bunga ng pagtatangkang ilayo ang mga estudyante sa tunay na danas ng mga komunidad na nakapalibot sa pamantasan.
Ayon sa pananaliksik ni Michael Pante, ninais ni Manuel Quezon na ilayo ang mga Iskolar ng Bayan sa ingay ng maynila dahil naniniwala siyang nakagugulo ito sa payapang kapaligiran na dapat taglayin ng isang institusyon ng edukasyon.
Ngunit para kay Pante, malinaw ang tunay na intensyon ni Quezon, na patuloy na itinutulak hanggang ngayon – ilayo ang mga Iskolar ng Bayan sa hirap ng buhay, at apulahin ang radikalismong naidudulot ng paglalantad ng tunay na kalagayan ng lipunan.
Maging hanggang ngayon, giit ng maraming miyembro ng komunidad, hindi parin napagtutuunan ng pansin ang kanilang mga hinihingi, at nagkukunwari pa rin ang administrasyon na walang krisis na nagaganap para sa mga residenteng nakatira malapit sa kampus.
Ayon sa naunang pagpupulong ng mga residente noong Enero 29, maraming problema ang kinahaharap ng mga komunidad ngayon.
Kabilang sa mga isyung nabanggit ay ang tungkol sa edukasyon, kung saan mas lalo pa itong pinalala ng kasalukuyang pandemya. Maraming bata sa Brgy. UP Campus ang hindi makasunod sa kanilang mga klase at nahihirapan sa pagbasa’t pagsulat. Ang ibang mga kabataan din ay tumigil na sa pag-aaral upang makapagtrabaho para sa pamilya dahil sa kahirapan.
Sumunod naman ay ang isyu tungkol sa pabahay na kung saan dalawang pangunahing suliranin ang kinakaharap ng mga residente: ang patuloy na demolisyon at ang pagtatatag ng right of way. Ayon sa ulat ng OCR at OVCCA, hindi pinapahintulutan ang anumang pag-aayos, pagsasagawa, pag-extend, atbp. kung wala itong permit na halos isang buwan ang tinatagal sa pagkuha.
Maliban dito, tinatanggal din ang mga bakod na ginagamit para sa urban farming. Isang malaking problema rin sa mga komunidad ang pagpapaayos ng mga kalsada at pagpapakabit ng sariling kuryente’t tubig. Dagdag pasakit ang skema ng mga submeter, kung saan dumadagdag pa ito sa mga bayarin ng mga pamilya. Hindi rin ligtas ang mga daanan sapagkat walang badyet ang mga barangay upang ipaayos ang mga ito. Habang patuloy na tinatawag na “squatter” ang mahigit kumulang 15,000 residente ng Brgy. UP Campus ay patuloy na nababaon sa limot ang katotohanang napipilitan silang manirahan sa mga pook-urban dahil walang trabaho’t pagkakakitaan sa kanayunan.
Kinakaharap din ng mga residente ng Brgy. UP Campus pati na rin ng Brgy. Krus na Ligas ang suliranin sa lupa. Matagal na ang isyu tungkol sa pagmamay-ari ng Krus na Ligas farmers sa lupa kontra UP Diliman. Bagamat nakapagsimula na ng interviews, counter-mapping, at pagsuri sa kasaysayan ng mga magsasaka ng Krus na Ligas sa pangunguna ng Geomajie Core Group, marami pang kailangang gawin. Sa aspektong legal, problema rin ang pagkakaroon ng abogado at pagbuo ng legal basis. Dahil sa kahinaang ito, nanatiling bulnerable ang kanilang mga lupa upang maging komersyalisado at residensyal na mga espasyo.
BASAHIN:https://tinyurl.com/Malantic
Panghuli, apektado rin ang mga residente dahil sa militarisasyon at pagpasok ng mga pulis sa mga komunidad ng UP. Ilang beses nang pinagbantaan ang buhay at pinasok ang bahay ng ilang lider ng komunidad. Nagtangka rin silang pasukin ang UP lalo na noong pinatira roon ang mga Lumad. Sa kasalukuyan, nagkakampo ang militar ng 11th Civil Battalion sa Old Capitol Site. Ginagamit din ang ayuda at medical mission para sa pagpasok ngunit may propagandang red-tagging na kasama. Upang tuluyang mapasok ang UP, inuumpisahan muna nilang lusubin ang mga maralitang komunidad. Minamanmanan nila ang mga residente sa layuning “kontra-droga”. Subalit, patuloy na paniniil at pangamba ang nararanasan ng mga miyembro ng mga komunidad.
BASAHIN: https://tinyurl.com/DefendUPArtik
Sa maraming problemang nabanggit, naniniwala ang maraming residente na kulang na kulang ang tugon ng administrasyon.
Umaasa ang komunidad na hindi na patatagalin ng OCR ang proseso at pakikinggan talaga nito ang alternatibong polisiya na hatid ng nagkaisang mga residente.
“Nagmumula ang mga pagbabagong iprinepresenta sa kaisahan na katawanin ng Unibersidad ng Pilipinas ang pagiging unibersidad ng malawak na sambayanan at hindi lamang ng iilang grupo o lupon. Inaasam natin ang sabayang paglakas ng Unibersidad at ng mga maralitang komunidad sa mahigpit na pakikipagtulungan nito sa kasalukuyan hanggang sa hinaharap.
Igingiit din ng mga residente na dapat muling suriin ang Land Use and Infrastructure Development Plan ng UP at tiyaking nagbibigay din ito ng sapat na espasyo para sa komunidad. Anila, dapat mayroon ding representante ang komunidad sa pagbuo nito, dahil dapat maging makamamamayan ang pangmatagalang planong pangkaunlaran ng UP.
Nananawagan sila sa lahat ng gustong tumulong sa pagpapalakas ng kanilang panawagan na sumama sa pagkilos bukas, ika-8 n.u., upang salubungin ang OCR Community Summit at ipakita ang kaisahan ng komunidad ng UP.
Mula ang larawan sa Kariton ng Maralita Network