Nagulantang at sapilitang lumikas ang nasa mahigit 659 pamilyang Aeta sa Brgy. Buhawen, San Marcelino, Zambales, matapos umanong bombahin ng 7th Infantry Division ng Philippine Army ang kanilang komunidad noong Agosto 21.
Ibinalita ng organisasyong Umahon para sa Repormang Agraryo na ilan pa sa mga Aeta ang nakaranas ng pambubugbog, pagnanakaw, at iligal na detensyon sa kamay ng ilang sundalo noong mangyari ang insidente. Kaugnay nito, sapilitan pa umanong pinakain ng tae ang isa sa mga biktima matapos mariing igiit ang kanilang pananatili sa lupang ninuno.
Kinilala ang mga biktimang itrinatong parang hayop na sina Witi Ramos, Jepoy Ramos at si Nalin Urbano Ramos, ang napabalitang pinakain ng dumi. Dinala sila sa pagamutan matapos ang natamong pang-aabuso at pagmamalupit.
Magpahanggang ngayon, takot at pangamba ang nadarama ng mga Aeta na nagsisiksikan sa covered court ng Brgy. Aglao dahil hindi pa rin sila umano pinapayagang makabalik ng mga militar sa kanilang mga tahanan, ayon sa ulat.
Ani ng lider ng komunidad, sapilitang pinapalayas ang mga Aeta buhat ng engkuwentro ng militar at rebeldeng New People’s Army (NPA) sa lugar.
Samantala, ayon sa iniulat ng Philippine News Agency (PNA), giit ng mga militar na binibigyan lamang nila umano ng proteksyon ang mga Aeta mula sa mga rebelde. Batay naman sa isinagawang imbestigasyon ng awtoridad, naganap ang bakbakan 5 n.u. ng Biyernes hanggang 1 n.h. ng Sabado.
Ngunit para sa mga biktima, ang kanilang pagtanggi na lisanin ang kanilang lupa ay hindi dahil sa rebelyon, kundi umano sa panibagong banta ng Mining Exploration sa ilalim ng Dizon Copper-Silver Mines Incorporation (DIZ).
Ani nila, hindi naging hadlang ang pandemya sa patuloy na pagsasagawa ng pulong ng DIZ sa lugar upang makuha ang tugon ng komunidad sa porma ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), alinsunod sa batas.
Sa kabilang banda, itinuturing nila na ang kanilang paninindigan sa lupang ninuno ay pinatatag ng deka-dekadang pakikihamok laban sa mga dayuhang minahan at korporasyon na sangkot sa pangangamkam at pandarambong ng kanilang lupang ninuno.
Maaalalang noong nakaraang taon lamang ay itinarak ang mahigit 607 Bilyong pisong mapaminsalang “New Clark City” na nagpalayas sa libu-libong Aeta at magsasakang naninirahan sa Capas, Tarlac. Sa likod ng masayang Southeast Asian Games na inilunsad sa lugar ang sumira sa sinasabing pinakamatandang komunidad ng tribung Aeta.
This article was originally published last August 31, 2020.
Featured image courtesy of Inquirer.net.