“As CSSP, we are very proud na he is the first CSSP alumnus to take the presidency. We really expect na mananatili siya bilang Konsensiya ng Bayan. He will uphold, and protect, and defend academic freedom.”
Maria Bernadette Abrera
Dean, College of Social Science and Philosophy
On the start of UP President Angelo Jimenez’s term
Mahigpit na pinanghawakan ng dekana ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) na si Dr. Bernadette Abrera ang inaasahan nito sa bagong administrasyon ni Atty. Angelo Jimenez bilang ika-22 na pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas.
Pormal nang hinalili ni Jimenez ang pagkapangulo ng pamantasan kaninang umaga, ika-10 ng Pebrero sa Quezon Hall.
Malabo at malabnaw na tindig
Isa sa mga ibinanderang pangako ni Jimenez ay ang ibayong pagdepensa sa kalayaang akademiko sa pamantasan. Maka-ilang beses niya itong inulit-ulit, mula sa kaniyang pangangandidato hanggang sa dayalogong idinaos kasama ang iba’t ibang sektor na miyembro ng komunidad ng UP. Ngunit, kaakibat nito ay ang kalabnawan ding taglay ng kaniyang pagtindig patungkol dito.
Bilang isang kandidato, negatibo ang kaniyang pagtingin sa pag-iinstitusyonalisa ng UP-DND Accord. Nang siya naman ay hiranging pangulo at magkaroon ng dayalogo kasama ang iba’t ibang sektor ay naging malabo ang kaniyang pagtindig dito. Aniya, hindi umano problema ang panghihimasok ng mga kapulisan at militar sa pamantasan. Kadikit nito, wala rin siyang nailalatag na plano sa kung paano niya pagtitibayin ang bisa ng UP-DILG Accord.
Kalayaang akademiko sa KAPP
Gayon, isang mahalagang hamon kay Jimenez ang inaasahan sa kaniyang administrasyon ng dekana ng KAPP bilang maka-ilang beses nang nadawit ang kolehiyo sa pananakot, paniniktik, at atake ng estado. Kung mas sisipatin, batay sa mga naging karanasan ng mga mag-aaral sa KAPP, may makikitang kakulangan din sa pagtugon mismo ng administrasyon ng KAPP kaugnay ng mga isyu sa kalayaang akademiko. Ngunit, pagtitibay ni Abrera, importante itong pamantayan ng pagtindig ni Jimenez bilang nagtapos na Sosyologo at Konsensiya ng Bayan.
Nitong mga nakaraang taon bago at matapos abrogahin ang UP-DND Accord, ilang beses nang naging biktima ang KAPP ng pandarahas ng estado. Ilan sa mga organisasyon dito ang nired tag, minass report ng mga bayarangn trolls, at lantarang pinararatangang mga terorista o subersibo. Kamakailan lamang ay inatake muli ang SINAG ng mga trolls matapos nitong maglathala patungkol sa pagpanaw ni Jose Maria Sison. Bunga nito, lubusang limitado ang abot ng Facebook page ng pahayagan. Hindi ito ang unang beses na nangyari ito dahil taong 2021 din noong nagbalita ang SINAG patungkol sa pambobomba sa Surigao del Sur ay inatake muli ito ng estado. Umabot sa Philippine News Agency (PNA) ang pagpaparatang sa pahayagan bilang “front organization” ng New People’s Army (NPA).
Dagdag dito, isa sa mga organisasyon ng Departamento ng Agham Pampulitika, ang UP Political Society (UP POLSCi) ay maka-ilang ulit na ring naging biktima ng panreredtag. Isa rito ang pagpaparatang ng mang-aawit na si Richard Poon sa isang taunang “politics camp” ng organisasyon at siyang pagtawag sa atensyon ni Lorraine Badoy at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Nito ring nakaraang taon, kinasuhan naman si Kara Taggaoa, mag-aaral ng Sosyolohiya at organisador, ng gawa-gawang mga kaso nang walang karampatang batayan.
‘Tunay na paglingkuran ang sambayanan’
Nananatiling bulnerable ang kolehiyo at mga mag-aaral nito sa pang-aatake ng estado buhat ng kritikal nitong lente sa mga isyung panlipunan. Hanggang ngayon ay pinaiibabaw ng komunidad ng UP ang kanilang mga panawagan sa pagdepensa at pagprotekta sa kalayaang akademiko. Kadikit nito ang pag-iinstitusyonalisa ng UP-DND Accord.
Liban dito, inaasahan din ng dekana na tutuparin ni Jimenez ang pangako nitong mga benepisyo para sa mga empleyado sa pamantasan at paabutin ito sa kapakinabangan ng iba pang sektor ng komunidad ng UP.
Ito rin ang siyang patuloy na pinanghahawakang hamon ng sangkaestudyantehan kay Jimenez, lalo na bilang isang Konsensiya ng Bayan at nagtapos ng Sosyolohiya. Pagtitibay ng mga sektor, kailangang matutong makinig ni Jimenez sa hinaing ng komunidad ng UP, dinggin ang kanilang mga kahingian at umaksyon dito nang hiwalay sa nakasanayang pag-aayon sa batas at burukrasya. Anila, kailangang gawing solido ni Jimenez ang kaniyang pagtindig sa linya ng kampanyang masa at turulin kung bakit malabnaw at mali ang kaniyang pagsipat sa mga isyung lubos na nakakaapekto sa arawang pamumuhay ng mga sektor sa loob at labas ng pamantasan. Sa ganitong paraan, anila, kaniyang tunay mapaglilingkuran ang samabayanan.