Mga nagprotesta laban kay Marcos Jr. sa Caloocan, dinahas ng supporters


Sinalubong ng panghaharas, pangmumura, at pananakit ang ikinasang symbolic silent protest sa caravan ng tambalang Marcos-Duterte nitong Pebrero 19, 2022 sa lungsod ng Caloocan. 

Ilang kabataan ang naglunsad ng isang kilos-protesta upang kundenahin ang mga kasalanan sa bayan ng convict at anak ng diktador na si Bongbong Marcos, Jr. Mapayapa silang nagprotesta sa harap ng St. Joseph Church sa ruta na dadaanan ng UniTeam caravan.

Itinaas nila ang mga plakard na “Never again! Never forget!” at “Huwag bumoto ng magnanakaw!” sa pagdaan ng tambalang Marcos-Duterte na sinalubong naman ng pananakit at pandarahas ng mga taga-suporta ng kandidatong “unity” laging bukambibig.

Inalmahan ng Kabataan Party-list North Caloocan ang naganap na pananakit sa caravan ng tambalang Marcos-Duterte dahil kinundena si Marcos Jr. Anila, pilit pa umano nitong nilalock ang gate ng simbahan sa kabila ng paninita sa kanila

Dagdag pa, sinubukang hablutin ng mga taga-suporta ang mga plakard at nambato ng mga bote, papel, kahoy, at bato, at pinararatangang mga bayaran. 

Sa katunayan, ayon sa ulat ng isa sa mga nagkilos protesta, tinamaan siya ng bato sa batok na nag-sanhi ng sugat dito. Kinabukasan ay gumising siyang paralisado umano ang ibabang parte ng katawan. May ilan ding namukhaan daw ng mga taga-suporta na umaaligid sa bahay nila o nagbabanta pa sa buhay. 

Ayon sa ulat ng College Editors Guild of the Philippines kagabi, ipinakalat na rin ang mga tauhan ng Caloocan LGU para puntahan sa mga bahay nila ang mga nagprotesta.

“Hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng karahasan sa ating siyudad. Paano tayo magkakaisa kung pananakit lang ang sinasagot sa lehitimong panawagan at pahayag ng katotohanan,” mariing pagkondena ng KPL North Caloocan. 

Dagdag nila, kailangan ang pakikisangkot ng Commission on Elections (COMELEC) sa nangyaring panghaharass “para tiyakin ang proteksyon ng karapatan ng kabataan.” 

Ngunit, nitong nakaraan, tila taliwas sa mandato ng komisyong tiyakin ang patas na eleksyon ang naging mga panukala nito, tulad ng pagpapahintulot sa pagtakbi ni Marcos, Jr. sa kabila ng malinaw na pruwebang lumabag ito sa batas at pagsasagawa ng Oplan Baklas na napatunayang di-konstitusyonal at nanghihimasok sa pribadong pagmamay-ari ng mga botante. 

BASAHIN: https://bit.ly/3LTnza3 

Ilang mga naratibo na rin ng pandarahas ang naiulat, lalo na sa mga taga-suporta ng ibang kandidato, lalo sa oposisyon. 

May isang taga-suporta ni Bise Presidente Leni Robredo na nilaslasan ng taga-suporta ng tambalang Marcos-Duterte matapos dumalo sa Grand Proclamation Rally at kaso ng pagpintura ng pulisya sa isang mural ni Robredo sa Echague, Isabela.

Samantala, binatikos at naging katatawanan din ang palusot ni Marcos Jr. na siya ay may sugat sa kaliwang kamay nang kumalat ang mga video ng pandidiri niyang kamayan ang mga tagasuporta gamit ang kanang kamay.

Sa gitna ng nga atake, mariing iginigiit ng KPL North Caloocan at ng mga kritiko na dapat panagutin ang kapabayaan ng kampo ng tambalang Marcos-Duterte sa pananakot, panghaharass, at pambabanta ng mga taga-suporta nito. 

Hinihimok ng partido ang mga local government units sa lungsod na “siguraduhing managot ang mga pulis na tinalikuran ang responsibilidad nila dahil sa kapabayaan man o politika.” 

“Sa kabila ng masamang karanasang ito ay patuloy pa rin tayong maninindigan na hindi dapat mabaon sa limot ang kasaysayan, bahagi na ang insidenteng ito” panawagan ng KPL.

Ayon sa aming source, nasangkot na biktima ng insidente ng pandarahas si Paola Rico, tagapagsalita ng League of Filipino Students-CSSP. Aniya “Sana hindi natin gawing biro ang eleksyon. Manatili tayong kritikal sa mga iboboto natin.”

Giit ni Rico na kailangang ilantad ang katotohanan sa mga kasinungalingan ng mga Marcos lalo na’t marami sa mga tagasuporta niya ay “biktima rin ng misinformation.”

#HandsOffTheYouth

Featured image by @MU0GNABUO on Twitter

Bagong semestre na, pagod pa rin kami

Short-lived and unsustainable: experts debunk Marcos’s Masagana 99

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *