“Militar sa komunidad, layas!” – Kadamay


“Nananawagan ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa Pilipino, at kinakatok lahat ng kabahayan, na ating tutulan at labanan ang militarisasyon, at ipagpatuloy ang panggigiit para sa ating karapatan! Dahil nasa kasaysayan mismo ng bansa, mula nang ating supilin ang mga mananakop na Espanyol,at patalsikin sa puwesto ang diktador na si Marcos Sr, na hinding-hindi matitinag ang lakas ng sama-samang pagkilos.”

 – Kalipunan ng Damayang Mahihirap

Ukol sa lumalalang militarisasyon sa mga komunidad


Umalma ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa nakikita nilang lumalalang militarisasyon sa mga komunidad ng mga maralitang lungsod ngayong buwan ng Marso.

Bagama’t hindi pa natatapos ang buwan ng Marso at nagsisimula pa lamang ang taon, nagtala na ng tatlong (3) iba’t ibang insidente – sa Tondo, Batangas, at Montalban – ng paninindak at pandarahas ng mga ahente ng estado sa mga maralitang lungsod. 

“Sa tuwing sumasapit ang oras ng krisis, malimit na nananawagan ang gobyerno na ang mga Pilipino ay magkaisa at maging matatag. Ngunit sa tuwing pinapamalas ng mga maralita, manggagawa, katutubo, at karaniwang PIlipino ang kanilang pagkakaisa at katatagan sa harap ng krisis sa paninirahan, pamumuhay, at karapatan, bakit nga ba lubusang militarisasyon ang sagot ng gobyerno?” saad nila sa isang pahayag.

Nitong ika-9 ng Marso, pumunta ang tinatayang 90 na tauhan ng 11th Infantry Battalion sa mga komunidad ng Hapilan at Aroma sa Tondo – parehong komunidad na kinakaharap ang banta ng demolisyon na magbibigay-daan sa Skyway Extension at reklamasyon sa lugar.

Ayon sa ulat ng mga residente, nag-iikot ang mga ito at nagtatanong kung ang mga mamamayan ay miyembro ng Gabriela o ng Kadamay habang ipinapakita ang larawan ng lider ng mga organisasyon na ito sa mga nakatira sa komunidad. 

Ika-14 naman ng Marso nang magbahay-bahay ang lampas sampung sundalo ng 59th Infantry Battalion sa Sitio Maligaya, Barangay San Isidro Sur, Sto. Tomas, San Isidro Sur, komunidad na pinalalayas din upang magbigay-daan sa Sto Tomas-Malvar Diversion Road mula pa noong 2021.. 

Ayon sa ulat ng Maligaya Homeowners Association, hinahanap ng mga militar ang mga mga “batang boarder,” sa mga bahay, humihingi ng profile ng mga residente at kinukuhanan pa ng litrato ang presidente ng samahan.

Sapilitan ding pinapirma ngayong buwan ang mahigit 1000 katao sa 1K2 Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Montalban ng dokumentong nagsasaad ng pagbawi ng suporta sa CPP-NPA-NDF.

Habang pinangakuan ang ibang residente ng ayuda, ang hindi nakumbinsi ay tinakot naman. 

Pinilit din ang mga ito na sumama sa aktibidad kung saan kinailangan nilang “bawiin ang suporta sa CPP-NPA-NDF” at lumagda sa isang “Katunayan ng Pagkakaisa.” 

Mula noong okupahin ng mga residente ang mga tiwangwang na pabahay noong 2016, tumindi na ang presensiya ng militar sa komunidad, at naging madalas ang pagmamanman sa mga residente. 

Maalala rin na noong 2020, kasama sa mga pinaslang ng mga ahente ng estado sa Bloody Sunday Massacre sina Melvin Dasigao at Mark Lee Bacasno, kapwa lider-maralita ng Montalban.

Nagtataka ang Kadamay sa patuloy na pagpapalapag ng mga sundalo sa mga komunidad kahit malayo ito sa kanilang mandato. 

“Hindi naman militar, pulis, o NTF-ELCAC ang inaatasan na maghatind ng serbisyong pantao sa mamamayan, kaya bakit patuloy silang ipinupuwesto sa mga komunidad? 

Militarisasyon, sagot ng estado sa naghihirap na sambayanan

Kinundena ng Kadamay ang lumalawak na presensiya ng militar sa mga komunidad, na anila’y hindi tamang sagot sa hinaing ng mga maralitang lungsod.

“Sa tuwing nananawagan ang mga tao ng pabahay, ayuda, o relief goods, ang tugon ng gobyerno ay supilin ang kanilang laban at patahimikin ang kanilang tinig, dahil banta umano sa ating seguridad ang mga makakaliwang gawain,” sabi ng organisasyon. 

Hindi lang din naman daw sa mga nasabing komunidad lumalala ang militarisasyon, dahil sa marami pang ibang komunidad, tumitindi rin ang pagmamanman at pananakot, dahil na rin sa pagtatakip-butas ng estado sa kapabayaan nila.

“Bukod sa militarisasyon, patuloy na nilalagak ng gobyerno ang mga lupa at rekurso ng bansa sa mga proyekto at gusali na tanging mga dambuhalang korporasyon at mga dayuhan ang nakikinabang. Kaliwa’t kanan ang pagpapatayo ng mga casino, hotel, mall at iba pa, ngunit salat daw ang gobyerno sa pondo at lupa para sa pampublikong pabahay,” sabi ng Kadamay. 

Kaya naman malinaw, anila, ang solusyon: dapat tumindig ang mga komunidad upang palayasin ang presensiya ng militar. 

“Ano nga ang natitirang hakbang para sa sambayanang lagi’t laging isinasang-tabi ng gobyerno? Gobyerno mismo ang nagbibigay ng rason para tayo ay magkaisa, tumindig, at lumaban!” sabi nila sa pahayag.

With MROTC push, no justice for Mark Chua — youth groups

Scrapping bidding guidelines, ensuring “community-centric” fair among UP Fair dialogue resols

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *