Buhay na muli si Kristo. Subalit, sa materyal na mundo, ang mga nananalig sa kanya ay pinapatay, kung hindi man sa bomba at bala ay sa labis na kahirapan.
Hindi maitatanggi na ang Mahal na Araw ang isa sa pinakamayamang kasaysayan at kultura sa bansa. Mayabong ang iba’t ibang gawi at paniniwala na kaakibat nito alinsunod sa tema ng buhay ni Kristo: pagpapakasakit, pagkamatay, at ang pinakamahalaga, muling pagkabuhay.
Paano nga bang bibigyang katwiran ang pagkabuhay muli ng isang patay na? Gayong batid natin na ang mga tinortyur ni Marcos at tinokhang at niredtag ni Duterte ay wala na. Maski alam nating hindi na babalik ang mga Kristel Tejada at Chad Booc ng ating panahon? Paano natin iaangkla ang ating pananampalataya sa isang napakalaking imposibilidad?
Marahil, ang isasagot ng mga pari, “To believe is to see.” Kailangang maniwala na maaari upang makita. Maniwala saan? Makita ang alin? Ito ang mga tanong na hinihingi sa ating pagninilay sa halaga ng buhay, Kristiyano man o hindi.
Una, maniwala saan? Ang paniniwala kay Kristo ay maaaring may iba’t ibang kahulugan. Maaaring may iba’t ibang pinanghahawakang kahalagahan ang bawat indibidwal sa kaniyang pananampalataya.
Subalit, ngayon, ang pinakamahalaga para sa kanyang sambayanan ay pagsunod sa utos Niya. Taliwas sa panlilinlang ng mga hipokritong pariseo ng ating panahon, tanging kahingian ng Panginoo’y huwag iboto ang mga magnanakaw, mamamatay-tao, at sinungaling na pawang isinasabuhay ng tambalang Marcos-Duterte.
Gayon, ang pananampalataya ay higit pa sa mga nakabaóng pyudal na institusyon at nakagawian. Ito ay pagsasabuhay ng pagtalimo sa Diyos, pagmamahal sa kapwa, at paglilingkod sa sambayanan. Higit ito sa dasal, sa mga ritwal, mga tradisyong kung saan kadalasan umiinog ang ating paniniwala’t pananampalataya sa Diyos.
Higit dito, lubusang mahalaga ang ating pagkilos upang matupad ang mga dasal sa mundong “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”
Ang ating mga dasal, higit sa anumang ideyalistang hibo nito, ay luwal ng materyal na pangangailangan. Kita ito sa pagsumamo natin sa Maykapal para sa maalwang buhay, kaligtasan sa sakit, magkapera, kapatawaran, at iba pa.
Ang pagkilos at paglilingkod sa sambayanan ang pinakamataas na porma ng pagdarasal.
Pangalawa, makita ang alin? Makita si Hesus sa mata ng kanyang sambayanan hikahos at patuloy na pinagsasamantalahan. Makita na may langit rin sa lupa kung ating papangarapin at kikilusan ang sariling kaligtasan. Makita na posible ang muling pagkabuhay ng isang lipunan ng mga pinatay, pinapatay, at papatayin.
Buhay na muli si Hesus, at siya ay namumuhay sa bawat sektor ng lipunan. Siya ang manggagawa na hindi sapat ang sahod. Siya ang magsasaka na walang lupa. Siya ang katutubong pinalalayas at minimilitarisa. Siya ang kabataang may mataas na pangarap.
Siya ang sambayanang kumikilos para sa kaligtasan—sa dahas man at payapa.
Tapos na ang Mahal na Araw ngunit patuloy ang kalbaryo ng maralita sa taas ng presyo ng bilihin at petrolyo, panunupil ng karapatan, at posibilidad na manalo ng tambalang Marcos-Duterte. Gayunman, sa lipunang lipos ng dasal at paniniwala ay lipos rin ng nag-uumapaw na pag-asa.
Ang tanong na lamang ay pag-asa para saan? Para kanino? Para matupad ang mga dasal. Para sa diyos at sa bayan.
Suhay pa nga ni Pope Francis sa libro niyang Fratelli Tutti, sa mundo ng polarisasyon at pagkakawatak-watak, “Kailangan natin ng komunidad na sumusuporta at tumutulong sa atin na kung saan tayo ay nagtutulungang tanawin ang hinaharap. Gaano kahalaga ang mangarap nang sama-sama? Kung tayo ay mag-isa, maaari tayong mabulag ng ilusyon, ng mga bagay na wala naman talaga. Sa kabilang banda, ang pangarap ay nililikha nang sama-sama.”
Bulok ang lipunan sa kaibuturan na nagbibigay-katwiran sa pangangailangan ng muling pagkabuhay. Nangangamatay at pumapatay ang sistema ng kapital at ang masa ang kanyang laging binibiktima.
Ika nga ng martir ng Simbahan na si St. Oscar Romero, “Alam natin na ang bawat pagkilos na paunlarin ang lipunan, lalo na kung puno na ito ng inhustisya at kasalanan, ay may basbas ng Diyos; nais ng Diyos; hinihingi ng Diyos.”
Buhay na muli si Hesus. Buhay pa rin ang lipunang araw-araw hinuhukay natin ang sariling libingan. Mahirap man, may pag-asa. Sapagkat ang ating inaasahang pagkatubos ay nasa atin ding pagkilos.
Mulat, nasa masa ang Mesiyas!
Featured image courtey of Noel Celis