Sa gitna ng sunod-sunod na panggigipit ng Meta sa mga alternatibong pahayagan at progresibong grupo, kinakailangang tiyakin ng SINAG na maihahatid nito ang balitang dapat marinig ng bawat Konsensiya ng Bayan at mamamayan. Sa kabila ng walang humpay na pambabaluktot ng katotohanan at pag-atake sa kritikal na pamamahayag, lalo lamang paghuhusayan ng SINAG ang pagsusulat, pagmumulat, pakikibaka at pagpapalaya saanmang plataporma ang maaabot nito.
Noong Disyembre nang nakaraang taon, nag-ulat ang SINAG ukol sa isang kilos-protesta ng Kabataang Makabayan, isang lihim na progresibong grupo. Kasunod nito, naglathala din ang pahayagan ng isang artikulo tungkol sa rebolusyonaryong agham panlipunan at paggamit ng mga aral sa loob ng klasrum para sa pagsisilbi sa malawak na hanay na masa.
Dinagsa ang parehong pag-uulat ng mga troll at ahente ng estado. Tahasang ni-redtag ang pahayagan at tinawag itong bahagi ng “propaganda machinery” at kasangkapan ng CPP-NPA-NDF ng mga padron ng NTF-ELCAC, isang karanasang matagal nang nararanasan ng SINAG dahil sa militanteng pamamahayag nito. Pinagbantaan ding muli ang mga manunulat at sinabing “alam na ng estado” ang gagawin sa amin.
Dahil din dito, nakatanggap ang SINAG ng banta mula sa Meta na maaaring ipatanggal ang Facebook page namin. Pansamanatala kaming tinanggalan ng kakayahang mag-post, at kahit nang maibalik ito, sinabi ng Meta na hindi na “recommended” ang aming Facebook Page. Napilay ang paglalathala namin ng balita, at halos hindi na nakakaabot sa malawak na bilang ng mga mambabasa.
Hindi pinaboran ng Meta ang anumang apela ng SINAG na tanggalin ang mga ipinataw na restriksyon. Hindi rin gumana ang anumang estratehiya sa social media tinangkang gawin para palawakin ang naaabot ng pahayagan sa Facebook.
Bunsod ng ganitong mga kondisyon, ipinababatid ng SINAG ang paglipat nito sa bago nitong opisyal na Facebook page upang muling pasiglahin ang pag-abot nito sa mga mambabasa sa social media. Hinihikayat namin ang lahat, lalong-lalo na ang mga Konsensiya ng Bayan, na i-like, follow, at share ang bago naming Facebook page sa mas marami pang tao upang maabot ng aming mapagpalayang balita at suri. Maaari rin ninyo kaming sundan sa aming Twitter.
Facebook: https://www.facebook.com/csspsinag1968
Twitter: @PahayagangKAPP