Pagbasura sa ‘anti-mamamayang’ Terror Law, panawagan ng iba’t ibang sektor


This image has an empty alt attribute; its file name is yuio.png

Sa unang anibersaryo ng pagpirma ni Pangulong Duterte sa Anti-Terror Law (ATL), nagsagawa ng isang online na webinar ang UP Office of the Student Regent (OSR) sapangunguna nina UP SR Renee Co at Kabataan Partylist (KPL) National Spokesperson Raoul Manuel, na may temang “Isang Bayan, Isang Laban: Junk Terror Law!” 

Ang mga dumalong mga tagapagsalita ay binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang na ang mga naiwang kamag-anak ng mga mismong naging biktima ng ATL. 

Pinagdiinan ng mga tagapagsalita ang ‘kasahulan’ ng ATL at ang ‘kalabuan’ ng mga probisyon nito. 

Nagsaad si Cong. Carlos “Caloy” Zarate mula sa Makabayan Bloc ng ilang mayoryang puntong pumupuntirya sa mga delikadong probisyong nilalaman ng ATL, kabilang na ang Seksyon 29 na nagbibigay-permiso sa Anti-Terrorism Council (ATC) na magpa-aresto ng kung sinumang mapaparatangang terorista nang walang judicial warrant, at ang Seksyon 25 na nagbibigay kapangyarihan muli sa ATC na basta-basta na lamang mag-akusa sa mga indibidwal bilang terorista kahit na walang sapat na ebidensiya. 

Ani pa ni Rey Salinas mula sa Bahaghari, ang ATC ay binubuo ng mga unipormadong personel na siya mismong inatasan ng Pangulong Duterte atwala itong pinagkaiba sa isang military junta. Pinalawig din ni Atty. Howie Calleja ang kapahamakang dulot ng ATL buhat ng paggamit dito bilang panlaban at pansupil sa karapatang pantao.

“Ito [ATL] lamang ay magbibigay ng mas mapanupil na kapangyarihan kay Duterte para mas supilin ang karapatan ng mga kritiko,” ani Cong. Zarate. 

Iginiit ng mga kaanak ng mga biktima ng ATL ang karahasang kanilang dinanas dahil dito. Lalo na sa sektor ng mga katutubong Aeta sa Gitnang Luzon na nakakaranas ng matinding pandarahas, pananakot, at patong-patong na mga kaso, ayon sa Central Luzon Ayta Association (CLAA). Maaalalang Pebrero ngayong taon nang umatras ang dalawang Aeta sa pag petisyon laban sa ATL at nang makalahok sa mga oral arguments. Ito’y matapos silang pagbantaan at antabayanan ng mga elemento ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng National Commission of Indigenous Peoples (NCIP). 

Ang mga kaanak ng mga kinasuhang mga National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultants na sina Vicente Ladlad at Rey Casambre ay naghayag ng naging karanasan ng mga biktima lalo na at naka-freeze ang kanilang mga assets. Sina Ladlad at Casambre ay inaresto noong taong 2018 . Sila rin ay nadawit sa listahang inilabas noong Mayong ATC na pinaparatangang terorista ang ilang mga indibidwal. 

Labis na ikinalugmok ng pamilya nina Ladlad at Casambre ang pag-freeze ng kanilang mga assets dahil ito’y balakid sa pag-akses nila ng serbisyong medikal at pambili ng pang-araw araw na pangangailangan. 

“It is terrifying to see so much state power wielded with impunity against the powerless,” ani Cassandra Bisenio, anak ni Casambre. 

(Lubos na nakatatakot na madatnan ang kapangyarihan ng estadong may bahid ng impunidad laban sa mga walang laban.)

Pinagdiinan din ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor kabilang na ang mga kabataang Lumad, ang kaguruan, mga manggagawa, at magsasaka, ang delubyong dala ng ATL sa karapatan ng mamamayang Pilipino. Kanilang inigpawan ang lumalalang red-tagging at pagpatay sa mga kritiko ng administrasyong Duterte habang may kawalan ng mga kongkretong plano para solusyonan ang pandemya at sapat na ayuda. 

Ani Bong Labog mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU), mahalaga ang kolektibong pagkilos sa tuloy-tuloy na paglalantad at paglaban sa anti-manggagawa, anti-mamamayan, at pasistang  ATL. 

Dagdag pa niya, mas lalo lamang tumindi ang pamamasista’t panggigipit sa mga mamamayan, sa halip na tugunan ang mga pangangailangan nito lalo na sa gitna ng pandemya. Ang estado ay sa personal at pulitikal na interes lamang nakasandig. Bilang mga kabataang progresibo’t mulat sa karahasa’t pagsupil na buhat ng ATL, mandatong makiisa sa lahat ng sektor na panagutin ang kriminal na kapabayaan ng rehimeng Duterte sa masang Pilipino.

“Ipinapakita ng kabataan na kailanman ay hindi tayo tatalikod bilang mga pag-asa ng bayan,” sambit ni Cong. Sarah Elago.

Matapos ang mapagbunga’t militanteng paghahayag ng mga sentimiyento ng bawat kinatawan, nagdaos ng candle lighting ang mga kalahok upang alalahanin ang mganaging epekto ng ATL at bilang pakikiisa sa mga naging biktima nito.

Featured image courtesy of the UP Office of the Student Regent.

This image has an empty alt attribute; its file name is sinag-logo-black-1.png

SINAG recalibrates social media presence anew

Lumad schools, national minorities in grave danger under Anti-Terror Law

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *