Inamin ni Brig. Gen. Randolph Cabangbang, commander ng 203rd Infantry Brigade, ang pagdakip kina Job David, Peter Del Monte, at Alia Encela – tatlong tanggol-katutubo na pinararatangan nilang miyembro ng New People’s Army – noong Setyembre 19 sa Bongabong, Oriental Mindoro.
Bagamat unang iniulat ng Police Regional Office MIMAROPA na nahuli ang tatlo noong Setyembre 25 dahil sa isang anti-illegal gambling operation sa Buenavista, Marinduque, sinabi ni Cabangbang sa kanyang pahayag na hinuli sila sa isang operasyong militar.
Aniya, mga tukoy na miyembro ang tatlo ng New People’s Army na hinuli ng militar nang tumugma sa kanilang nakalap na impormasyon.
Ngunit sa pagsisiyasat ng humanitarian team, napag-alamang wala namang nakahaing kaso sa tatlo sa anumang korte sa Pinamalayan at Roxas, malapit sa kung saan sila dinakip.
Giit ni Cabangbang, hindi raw ito kaso ng sapilitang pagkawala dahil siya mismo ang nagpaalam sa mga pamilya ng tatlo ukol sa kalagayan ng kanilang mga anak matapos sila ma-inquest sa Department of Justice.
“This is most definitely not a case of enforced disappearance but an example of how the Army follows procedures and values human rights,” aniya.
Ngunit para sa Release Job, Peter, and Alia Network, kataka-taka pa ring nananatili ang tatlo sa kustodiya ng militar, lalo na kung na-inquest at may kaso naman na.
“Wala ring anumang indikasyon na makapagsasabing malayang nakapili sila Peter, Job at Alia ng mga abugado, at dumadagan ang bigat ng kanilang pagkakapiit sa ilalim ng 203rd IBde sa anumang lagdaan nilang salaysay,” giit nila sa kanilang pahayag.
Pinalalabas din ni Brig. Gen. Cabangbang na mayroong mga nagpanggap mula sa KARAPATAN-NCR at pinapirma ang mga pamilya ng mga dokumento nang hindi ipinapaliwanag ang mga laman nito.
Sinabi pa niya, “Thank you for providing me with evidence that the Army is more concerned with the rights of NPAs.”
Ngunit walang pruwebang inilatag si Brig. Gen. Cabangbang sa kanyang mga paratang at wala ring patunay na miyembro ng NPA ang sina Job, Peter, at Alia.
Patuloy na ipinapawagan ng ugnayang ang agarang palayain ang tatlong lingkod-katutubo at ibalik sa kanilang mga pamilya.
“Hindi mabibigyang-katwiran ng pagturing na NPA sa kanila ni Brig. General Cabangbang ang iligal na pagkapiit kina Peter, Job, at Alia sa ngalan ng mga batas ng armadong tunggalian at internasyunal na makataong batas,” anila.
Dagdag lamang daw ito sa mga krimen ni Cabangbang at ng 203rd Infantry Brigade sa Mindoro.
“Iniitiman nila ang luntiang kabundukan ng Mindoro na mayaman sa mga kahayupan at flora at fauna sa kanilang pambobomba at panganganyon sa mga komunidad ng Mindoro,”
17 araw na ang nakalipas mula nang dukutin sila Job, Peter, at Alia, ngunit hanggang ngayon, kinakailangan pa rin daw singilin ng mga kaanak at kaibigan ang militar upang palitawin sila.
“Patuloy pa rin ang panawagang palayain sila at panagutin ang 203rd IBde pati na rin si Brig. Gen. Cabangbang sa kanilang mga pagtapak sa karapatang pantao, hindi lamang sa tatlo, ngunit pati na rin laban sa mga Mangyan, mamamayang Mindoreño, at sa iba pang mga lingkod-katutubo at tagapagtanggol ng kalikasan,” sabi ng Release Job, Peter, and Alia Network.
#LigtasNaBalikEskwela
Featured image courtesy ofRelease Job, Peter, & Alia Network