“Ang masa, ang masa, pag nabuksan ang isipan, Uugit ng landas tungo sa kalayaan.” – Bienvenido Lumbera
Makabayan at makamasa— ito ang mga temang kinakatawan ng mga obra ni Bienvenido Lumbera, isang Pilipinong makata, kritiko, mandudula, guro at historyador na nagsulong ng kampanya para sa mas ingklusibong pambansang panitikan. Kitang-kita sa linyang ito na isinulat ni Lumbera para sa kaniyang kaibigang si Crispin Beltran, isang bilanggong pulitikal noong panahon ng administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo, na hindi siya natakot gamitin ang kaniyang plataporma bilang manunulat upang ikuwento ang pakikibaka kasama ang masa.
Naging kilala siya para sa mga iba’t ibang akda gaya ng Philippine Literature: A History and Anthology, Revaluation: Essays on Philippine literature, Writing the Nation, Pag-akda ng Bansa, Likhang Dila,Likhang Diwa, Poetika/Politika: Tinipong mga Tula, at marami pang iba. Nagsulat rin siya ng mga obra gaya ng Hibik at Himagsik nina Victoria Lactaw na isinadula ng Dulaang UP at ibang mga theatre groups.
Sa kaniyang mga tula, mapapansin na simple lamang ang mga salitang ginagamit niya; tiniyak na maiintindihan ng lahat dahil naniniwala siya na ang panitikan ay hindi lang dapat nakakulong sa mga tore ng kaniyang mga kapwa manunulat o iskolar.Nakipag-usap siya sa mga ordinaryong mamamayan gaya ng mga estudyante, manggagawa at maralita, kung saan rin nanggaling ang kalakhan ng inspirasyon para sa mga tula, kwento at drama na isinulat niya.
Kaya hindi rin surpresa na pinangaralan siya ng iba’t ibang gantimpala para sa kanyang mga obra. Kasama na roon ang Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature, and Creative Communication Arts noong 1993, ang Gawad CCP, Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, Manila Critics’ Circle, Palanca, at kinilala din siya bilang Pambansang Alagad ng Sining noong 2006.
Bukod pa sa kaniyang kontribusyon sa pambansang panitikan, si Lumbera ay isa sa mga unang nagsulong ng kampanya para mas gamitin ang ating pambansang wika sa ating mga paaralan. Ngunit matagal rin ang naging proseso niya sa paghahanap ng boses bilang manunulat at aktibista.
Buhay ng Manunulat ng Masa
Nag-umpisa ang kaniyang interes sa panitikan noong bata pa lamang siya. Nakikinig sa kaniyang mga tita na bumisita at nobelang dugtungan ang mga binabasa sa kanilang mga magpinsan. Noong high school siya, gusto niyang maging creative writer, pero dahil sa payo ng guro niya, nagtapos siya sa kursong journalism sa University of Santo Tomas kung saan inilathala ang kaniyang mga unang libro ng mga tula at maikling kwento.
Naging guro rin siya sa kaniyang bayan sa Lipa ng ilang taon bago siya bigyan ng Fulbright Scholarship para makapag-aral ng Comparative Literature sa University of Indiana. Roon mas lumalim ang pagmamahal ni Lumbera para sa ating wika at kultura, dahil nag-umpisa siyang bumasa pa ng mga tula ng mga Pilipinong manunulat noong panahon na iyon upang maisulat ang Traditions and Influences in the Development of Tagalog Poetrypara sa kaniyang doctoral thesis.
Ika nga niya sa isang interview kasama ang Bulatlat, “Noon ko lang namalayan na dapat kinokonekta ko ang mga pinag-aaralan ko sa mga nagaganap sa Pilipinas at hindi lamang sarili ang pinagbibigyan.”
Pagkabalik sa Pilipinas, naging guro siya sa Ateneo de Manila, kung saan niya napagtantong walang malinaw na papel ang edukasyon sa lipunang Pilipino dahil umiikot ito sa mga kolonyal na prinsipyo at paniniwala. Dito nag-umpisa ang pagsulong ng kaniyang kampanya para sa Filipinization movement sa mga paaralan at nagsimulang sumali sa mga pambansang demokratikong organisasyon.
Naging chairperson siya sa Panitikan para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA), isang organisasyon ng mga progresibong manunulat, at naging editor ng Ulos, isang rebolusyonaryong publikasyon, pagkatapos ideklara ang Martial Law. Dahil dito, naging target siya ng militar at kinulong ng isang taon kasama ang kaniyang kolektibo.
Pagsulong ng Makabayang Pananaw sa Panitikan
Ang mga karanasan ni Lumbera ay humubog sa kaniyang mga paniniwala at adbokasiya. Naranasan niya ang mga impluwensya ng mga kolonisador, ang mga pangil ng anti-demokratikong gobyerno, at dikotomiya ng mga may pribilehiyo at ang marhinalisado. Kaya hindi naging surpresa sa karamihan ang kaniyang naging kontribusyon para wakasan ang mga mapang-api na sistema na umiiral sa ating lipunan, at nag-umpisa ito sa pagbabago ng sistemang pang-edukasyon.
Ayon kay Lumbera, ang katutubong kultura ay hindi kinilala ng mga kolonyalista kaya ganito ang anyo ng ating lipunan at sistemang pang-edukasyon sa kasalukuyan. Ginamit niya ang kanyang kaalaman upang himukin ang mga institusyon na tangkilikin ang mga wikang katutubo at gamitin ito para palitan ang wikang Ingles bilang wikang panturo. Sa wika raw kasi nag-uumpisa ang isang kulturang kumikilala sa pinanggalingan, pagpapahalaga ng mga gawi ng mga Pilipino, at kung saan lubos pang makikilala ng kabataang Filipino ang tunay nilang identidad.
Ang kaniyang buhay ay isang halimbawa kung paano likas na politikal ang panitikan, at kung paano kailangang makilahok ang mga manunulat kasama ang masa. Ang sabi niya nga: “Mahalaga na matatag ang paninindigan ng isang aktibista, na hindi siya magpapatangay sa mga programang umaakit sa mga walang ideolohiya.”
Nakaukit ang mga salita ni Lumbera sa mga puso ng libong-libong Pilipino, ngunit kailangan natin ituloy ang kaniyang legasiya upang makamit ang lipunan na pinangarap niya para sa Pilipinas— isang lipunan na mas kritikal, mas pinakikinggan ang boses ng masa, at mas tinatangkilik ang sariling wika.
Featured image courtesy of Spot.ph