Panagutin si Duterte sa ekonomikong krisis!


Dalawang taon nang ipataw ang di-makataong lockdown, lalong dumausdos ang krisis sa ekonomiya ng Pilipinas na nagsadlak sa masang-api sa labis na pagsasamantala, kahirapan, at kawalan ng trabaho at ayuda. Ang mga nagpupuyos na kamao ng mga nagrerebolusyong tiyan ay nakaumang  kay Rodrigo Duterte na siyang tagapamandila ng krisis para sa ganansya.

Inilantad ng pandemyang COVID-19 ang sumasahol na krisis pang-ekonomya na labis nang pinakinabangan ng malalaking negosyo at panginoong maylupa. Sapagkat hangga’t nasa kamay ng iilan ang yaman, anumang retorika ng pag-unlad at paglago ay hindi mag-aangat sa lahat. Lalo na ngayong hawak ng 1% ang 40% ng ating yaman, ayon sa IBON.

Ngayong linggo, damang-dama na ang epekto ng krisis na ito sa pagsirit ng presyo ng langis mula tres hanggang limang piso sa ika-10 taas-presyo ngayong taon. Apektado nito hindi lang ang presyo ng langis kundi ng mga batayang produkto at serbisyo at mula batayang sektor hanggang panggitnang uri, lalo sa isang lipunang umaasa sa pag-aangkat.

Ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, na iniupat ng Amerika at NATO, ay manipestasyon din ng tumitinding agawan sa mga teritoryo para sa ekonomikong interes at impluwensiya. Sa isang globalisadong mundo, ang krisis sa isang panig ay krisis sa kabila. Subalit ang sinat ng Kanluran ay diliryo na para sa Pilipinas at iba pang atrasadong bayan.

Labis na tumaas ang presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain. Kaya tumaas din ang antas ng kahirapan. Dagdag pa rito ang pribatisadong sistema ng edukasyon, kalusugan, pabahay, kuryente, at tubig na hawak na ng kanyang mga crony at militar. Samakatuwid, kamal-tubo ang negosyo sa dapat sana’y serbisyong pampubliko.

Dagdag pa, liban sa matulog, walang ibang inatupag si Duterte kundi ang iputa sa dayuhan ang ating bansa. Ipinasa ang mga anti-mamamayang batas gaya ng CREATE Law, Retail Trade Liberalization Act, Public Service Act, at Foreign Investment Act upang ilako sa dayuhan ang yamang dapat sana’y sa atin.

Patuloy ring yumuyukod ito sa kanyang mga dayuhang amo para sa pautang at pamumuhunan. Lumobo noong nakaraang taon nang halos 50% ang dayuhang pamumuhunan sa bansa at sa pagbaba niya, mas malaki ang inutang niya sa IMF, World Bank, at lokal na pautangan sa anim na taon kumpara sa 118 taon ng Pilipinas na pumalo sa halos P7-trilyon.

Hinahayaan niya rin ang panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea at Cagayan at ng US sa Mindanao at Gitnang Luzon para pabahain ang kanilang kapital. Kapalit ng ayudang militar at kontrata, kinumpasan ni Duterte ang kanyang militar upang palayasin ang mga Pilipino para sa malalaking negosyo.

Labis ding pahirap at pasista si Duterte sa masang anakpawis. Sa loob ng anim na taon, walang substansyal na reporma sa lupa na naipatupad. Sa halip, nasa lampas 350 na magsasaka at katutubo ang naitalang ipinaslang dahil sa paggiit ng tunay na repormang agraryo at industriya at paglaban para sa lupang ninuno.

Kanya ring binali ang pangako noong 2016 na wawaksan ang kontraktwalisasyon nang hindi pirmahan ang Security of Tenure Bill. Dalawang beses lang rin nagtaas ang sahod sa NCR mula P512 sa pag-upo niya hanggang P537 ngayong pababa na siya. Mas mababa pa ang minimum na sahod sa Mga probinsya, gaya sa Ilocos, na balwarte ni Marcos Jr., na aabot lang sa P282 kada araw.

Ang minimum wage ay kalahati lang ng panukalang P1,072 na family living wage o ang kailangan ng isang pamilya ng lima kada araw upang mamuhay nang disente. Sa ibang probinsya, lalo na sa mga magsasaka at manggagawang-bukid, aabot sa 50 hanggang 100 piso kada araw na may pwedeng trabaho ang sahod.

Tinatayang lumobo rin ang walang trabaho sa bansa sa 3.27 milyon, nasa 1.7 ang nadagdag sa gitna ng pandemya, at 6.81 naman ang kulang ang trabaho ayon sa datos ng gubyerno. Maski ang mga burukrata sa NEDA ay umaamin na sa bawat araw ng lockdown ay bilyon-bilyon ang nalulugi sa ating ekonomya.

Labis na pinahihirapan din ng mga anti-mamamayang polisiya ang mga estudyante. Bagaman naipagtagumpay ang laban sa Free Education Law, taon-taon ang budget cut sa mga State Universities at Colleges habang taon-taon ding tuition and other fee increase sa mga pribadong paaralan. Hindi pa kasama rito ang kawalan ng student aid at malaking gastos sa remote learning.

Gayunman, dalawang taon na nang ideklara ang lockdown, nananatiling mababa sa 1% ang nakakapagbalik nang pisikal sa kanilang eskwela dahil sa sanga-sangang palpak na responde sa kalusugan, pagkontrol sa ekonomya, at hayagang panunupil sa ating karapatan.

Ang krisis sa panahon ni Duterte ay hindi naiiba at hindi nakahiwalay sa panahon ni Marcos—talamak ang patayan, nakawan, pagbagsak ng ekonomya, kawalan ng trabaho, at imperyalistang pandarambong. Kaya, si Marcos at Duterte ay halos walang pinag-iba bilang mga diktador.

Malinaw na inilalatag ng krisis pang-ekonomikong sumasambulat ang maiinam na kondisyon na dapat samantalahin ng mga progresibong pwersa habang umiigting ang krisis pampolitika na lulundo sa mapagpasyang sagupaan sa tambalang Marcos-Duterte.

Pinatutunayan din ng krisis ngayon ang kabulukan ng modelo ng neoliberalismo sa pag-unlad. Sapagkat nakasalig sa pilosopiya ng pagkakamal ng iilan habang inaagawan ang marami, ang krisis sa apat na dekada nito ay paglalantad lamang na hindi ito kailanman maglilingkod sa masa.

Ang higit na kinakailangan sa panahon ngayon ay ang magkaisa at makibaka. Luwal ng krisis ang pagbabalikwas at wala ng ibang maghuhusga sa mga krimen ni Duterte kundi ang sambayanang Pilipino na kanyang inapi, minasaker, at ginutom sa panahong nais pang lalong itulak ng anak niya at anak ni Marcos Sr. ang krisis na mas masahol pa sa impyerno.

Ang hamon sa atin ng palagiang krisis ay ang palagiang pagpupunyagi’t pakikibaka.

#DefeatMarcosDuterte

Dibuho ni Kyla Buenaventura

Campaign text spam, takot ang dulot sa mobile users

CHED, binatikos sa zero-budget para sa 2022-23 scholarships

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *