“Sana naman huwag mong suportahan ang NTF-ELCAC at sana’y itaguyod mo ang pagbubuwag nito.”
Ito ang panawagan kay VP Leni Robredo ni Johanna Abua, asawa ng dinakip na aktibista at peasant organizer na si Steve Abua.
Matatandaang nagpahayag ng suporta si Robredo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pakikipagpulong niya sa mga heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Biyernes, Nobyembre 26.
Ipinarating ni Robredo sa pulong na hindi ito pabor sa abolisyon ng NTF-ELCAC, at nilinaw na suportado niya ang mga programang kontra-insurhensiya ng nasabing ahensiya, gaya ng kontrobersyal na Barangay Development Program (BDP).
Dagdag pa ni Robredo, nadungisan lamang ang mabuting mandato at tunguhin ng NTF-ELCAC dahil sa “careless statements” ng mga kasalukuyang namumuno sa ahensya.
Taliwas dito, nitong Nobyembre din, inihayag ni Robredo ang umano’y pag-suporta niya sa pagsasawalang-bisa ng NTF-ELCAC. Aniya, kinatatakot niyang maulit ang malagim na mga pagpaslang sa ilalim ng Oplan Tokhang ng administrasyong Duterte. Binigyang-diin niya rin ang militarsitikong tugon ng rehimen sa kontro-insurhensiyang programa nito.
“This cannot be solved by using a purely militaristic approach. We have to go to the root of the problem of insurgency to be able to give a more long term solution to the same,” ani Robredo.
Ngunit para kay Johanna, hindi lamang “careless statements” ng mga miyembro ng NTF-ELCAC ang problema.
Sa ipinadala niyang liham sa bise presidente, iginiit ni Johanna na hindi karapat-dapat na suportahan ang NTF-ELCAC dahil sa mapaniil at mapang-abusong mga programa nito.
Isinalaysay ni Johanna na walang habas na nire-red tag, tinatakot, at sapilitang pinasusuko ng NTF-ELCAC ang mga organisasyong kinabibilangan ni Steve gaya ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), bagama’t wala silang kaugnayan sa New People’s Army (NPA).
Hindi lamang ang mga naturang organisasyon ang nabiktima ng pag-atake ng NTF-ELCAC. Ang ahensiya rin ang nasa likod ng panggigipit kontra sa mga Lumad schools at “Bakwit School 7.” Nakilala rin ang NTF-ELCAC sa panghihimasok sa kalayaan ng mga akademikong institusyon, gaya ng pagtataguyod ng pagtanggal ng mga librong “supersibo” sa mga unibersidad at pagkontra sa institusyonalisasyon ng UP-DND Accord.
Maraming beses na ring ni-red tag ng NTF-ELCAC ang mga student organizations at publikasyong pang-mag-aaral, gaya ng opisyal na pahayagan ng College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) na SINAG.
Paniwala naman ni Johanna, nasa galamay at pinahihirapan ng mga armadong puwersa ng estado si Steve. Kaya, hiling niya rin sa liham kay Robredo na tulungang mahanap ang asawa.
Si Steve Abua ay nagtapos ng BA Statistics at nanilbihang Konsehal sa UP Diliman Statistics Student Council noong 2006. Hinihinalang dinukot siya ng mga ahente ng militar noong Nobyembre 6, sa Lubao, Pampanga batay sa Pamalakaya Bulacan. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang nawawalang aktibista.
“Wala na silang pinipili, at kahit sino na lang pwede nilang damputin at sabihang NPA. Kung nangyari ito kay Steve, pwede rin itong mangyari sa iba,” saad ni Johanna sa sulat kay Robredo.
#AbolishNTFELCAC
Featured image courtesy of Office of the Vice President