Planong suspensyon ng excise tax sa langis ni Marcos, modus pala


Matapos ipangako noong eleksyon, tinalikuran na ni Bongbong Marcos ang pangako nitong pagsususpinde umano ng excise tax sa langis upang mapababa ang presyo ng mga petrolyo sa Pilipinas, ayon sa isang press conference noong Huwebes, Marso 25. 

Nitong Marso, kasagsagan ng pagsirit ng mga presyo ng langis buhat ng krisis sa Russia-Ukraine at ispekulasyon ng mga monopolyo sa petrolyo, iginiit ni Marcos, Jr. at Sara Duterte na dapat na umanong suspendihin ng administrasyon ang excise tax sa langis. Anila, porma raw ito ng subsidiya para sa mga kumpanya ng langis.

Ngunit, matapos maiproklama si  Marcos, Jr., kaniyang binawi ang pangako at sinabing mayroon pang ibang paraan upang matugunan ang labis na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa. 

“So in terms of oil excise tax, I think we still have to look at that very well. If there is a commensurate return to somehow deferring the collection of the excise tax, syempre (of course) the government needs the money, mahirap ang gobyerno sa pondo ngayon, the government needs the money,” iginiit ni Marcos Jr, 

Dagdag ng anak ng diktador, pagtutuunan umano ng kaniyang administrasyon ang mga lugar na lubusang naapektuhan at kailangan daw ng pamahalaan ang pondo na manggagaling mula sa mga buwis. Ipinanukala na ng economic managers ni Duterte na taasan ang buwis sa iba’t ibang produkto dahil sa iiwang P13-Trilyong utang ni Duterte sa pag-alis sa pwesto.

Matatandaan nga na nakuha ni Marcos, Jr. ang simpatya at suporta ng ilang transport groups noong panahon ng pangangampanya katulad ng Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburb Drivers, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Philippine Confederation of Drivers and Operators – Alliance of Concerned Transport Organization, Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, at Tiger in Asia. 

Nagtiwala diumano ang mga transport groups na  mapapahalagahan at mapangangalagaan ni Marcos, Jr. ang transportasyon sa bansa, lalo’t higit ngayong pandemya.

Gayunman, kinundena ng militanteng grupo ng mga drayber at operator na PISTON ang tinawag nilang pambubudol muli. “Hindi makatarungan na palagiang ipapasan sa taumbayan ang kawalan ng kita ng pamahalaan kung hindi naman nito magawang linisin ang korapsyon sa sarili nitong poder at habulin ang mga tax evader tulad ng pamilya ni Marcos Junior na, paalala lang, ay may utang pang P203 billion na estate tax sa BIR,” banat ng grupo. 

Kalakhan ng mga jeepney drivers ay nakaranas ng ibayong kahirapan sa arawang biyahe dahil sa kamahalan ng gasolina. Karamihan din sa kanila ay nawalan ng trabaho at napilitang mamalimos dahil sa panukalang jeepney phaseout ng administrasyong Duterte. 

Dagdag pa rito, binigyang diin din ni Marcos, Jr. na isusulong lamang nito ang pagsuspinde sa buwis ng gasolina kung may makakapagpatunay na ang magandang epekto nito ay sapat upang ipagpalit ang pondong makukuha ng pamahalaan mula sa buwis nito.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang panawagan ng mga mamamayan at progresibong grupo sa pagsususpinde ng buwis sa gasolina. Sa kasalukuyan, ang presyo ng diesel gasolina ay umabot na sa P72 hanggang P81 kada litro.

Samantala, ang naging pagtugon ng administrasyong Duterte ay ang pamamahagi  ng ayuda na naunang nagkakahalaga lamang ng  P200. Bagaman itinaas sa P500, pagdidiin ng IBON Foundation, lubos na kulang ang ayudang ito, lalo’t lagpas P500 ang costs of livingng isang pamilya sa isang buwan ng lima sa Kamaynilaan. Panawagan din nilang itaas ang sahod sa P750 national minimum wage at ibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin,

Upang magkaroon naman ng kita ang gubyerno dahil sa lumobong utang ng bansa, iminumungkahi ng DOF sa pamahalaan na pagkuhanan ng  buwis ang ilang produkto at serbisyo gaya ng carbon, motorcycle, single-use plastic, at cryptocurrency. Kasama rito ng pagpapaliban sa pagbabawas ng personal income tax, at ang pagpapalawak ng Value-Added Tax o VAT.
Tinataya na ang mga bagong pagbubuwis na ito ay makapagbibigay ng higit kumulang na P349.3 bilyon na kita sa pamahalaan mula 2023 hanggang 2027 na maaring gamiting pambayad sa lumulobong utang ng bansa. Samantala, tinatayang aabot sa P260 hanggang P523 bilyon ang nakaw na yaman ng mga Marcos at hindi pa rin nila binabayaran ang P203 bilyong utang sa buwis nito na sinisingil na ngayon ng gubyerno at ayaw nilang bayaran na maaari sanang gamitin upang bigyang-ayuda ang mga tsuper at mamamayan dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin.

Dagdag na paggigiit naman ng PISTON, “[m]alaking insulto ito sa mga tsuper na matagal nang nananawagan ng agarang pagkontrol sa patuloy na pagsirit ng presyo ng langis simula pa nakaraang taon; sa mga maralitang hikahos sa mataas na presyo ng bilihin; at lalong sa mga manggagawang binabarat sa umento sa sahod!”

Featured image courtesy of REUTERS

The voice of the youth continues to prevail

Tagalako ng kontraktwalisasyon at Labor Sec ni Marcos: Walang mali sa endo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *