Kawalan ng pantustos. Kakulangan ng estudyante. Kakulangan ng pondo. Kawalan ng trabaho.
Tila isang domino effect, apat na pangyayaring nagdadaupang-palad, nagpapaikot-ikot, at nagpapaulit-ulit na pinsala ng pandemya sa mga institusyong napapatakbo ng mag-aaral, pasilidad, salapi, at dangal. Ang operasyon ng mga paaralang pribado at mga katolikong institusyon ay nahinto bilang pag-iingat laban sa peligro na dulot ng COVID-19. Dulot ng pandemya, natigil ang harap-harapang interaksyon at daluyan ng kaalaman sa pagitan ng mga mag-aaral at kaguruan sa mga paaralan.
“Ang pagbawas o pagkawala ng kita ng pamilya, paghihigpit sa kadaliang kumilos at mga kinakailangan sa paglayo sa panlipunan, at ang mga bagong pangangailangan ng pag-aaral sa remote learning ay nakakaapekto sa pagpapatala, hindi lamang sa CHSM ngunit sa karamihan ng mga pribadong paaralan din,” ani Sister Carmelita Victoria, ang provincial ng relihiyosong kongregasyon na namamahala sa paaralan.
Gayundin ang nangyari sa isang katolikong paaralan sa Bulacan. Base sa opisyal na pahayag ng St. Joseph College of Bulacan sa kanilang Facebook page, nang dahil sa mga restriksyong kaagapay ng pandemya, katulad na lamang ng mga kinakailangang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) protocol on social distancing, makabagong pangangailangan ng distance learning, pagkawala sa kita ng pamilya, utos ng mga paghihigpit sa pagkilos ay naging mas mahirap ang maghanap ng mga bagong kaanib na mag-aaral, pati na rin ng mga magtuturo (sa pagkakataong mayroong kakulangan ng mga guro) sa paaralang Katoliko.
Ang College of the Holy Spirit (CHSM) at St. Joseph College of Bulacan ay dalawa lamang sa maraming katolikong paaralan sa bansa ang napilitang magsara dahil sa pandemya. Ito ay lantarang nagdala ng komplexidad sa proseso ng pagpapatala ng mga estudyante sa paaralan dulot ng kawalan ng pantustos sa matrikula at pamamahala ng mga klase, partikular na sa makabagong estratehiya ng online set-up.
“Internet connectivity and technological literacy have become more crucial in the country as schools are forced to conduct their classes online and implement a blended-learning program,”giit ng Asia Featured.
Maliban sa mga paaralang nagsagawa ng kabuuang pagsasara, karamihan naman sa mga institusyon sa bansa ay patuloy na nagpapalakad sa pamamaraang online. Sa sistemang ito, itinataguyod ng mga mag-aaral at guro ang pagsisikap na maisakatuparan ang paghahatid ng magkabilaang karunungan.
Sa katunayan,ayon sa isang survey mula sa Social Weather Stations (SWS)., humigit-kumulang 42 porsyento ng mga Pilipinong kasalukuyang naka-enroll ang hindi gumagamit ng anumang distance learning device. Mahihinuha mula rito na bagaman nakakatulong, ang solusyong ito ay maaaring maikategorya sa ilalim ng panunungkulan ng band-aid solution. Ika nga nila, naaagapan ng panlunas ang sugat, ngunit hindi nito nagagamot ang kabuuang puno’t dulo ng kasaysayang nagdala sa kinahinatnang pasakit. Ang natuyong dugo sa hiwang nakabaon sa balat ay unti-unting natatalupan, subalit ang sariwang pilat na nananatiling nakalimbag sa kuwero ay magdadala at magbabalik ng poot at hinanakit ng nakalipas.
Karamihan sa mga mag-aaral ay kailangan mamili: makinig sa diskusyon sa klase ngayong araw, subalit ay walang perang maipapang-load kinabukasan o magtrabaho upang magkaroon ng pang-load ngunit hindi makadadalo sa klase?
Gustuhin man natin o hindi, ang COVID-19 ay humuhubog sa kurso ng edukasyon. Ang internet connection ay nananatiling numero unong salik nito. Dito na papasok ang ating solusyon; Upang matugunan ang pangangailangang pananalapi ng ibang mag-aaral, ang ilang mga institusyon ay na namahala ng kaalaman sa pamamaraang modular o asynchronous. Sa paraang ito, ang mga mag-aaral ay mag-aaral nang kani-kanila lamang. Sila ay kukuha ng nagkakapalang mga papel kung saan nakapaloob ang mga leksyon pati na rin ang mga sasagutang mga aktibidad. Ito ay nararapat na maipasa sa linggo kung kailan nila ito kinuha, o kung hindi naman ay sa makalawa.
Gayunpaman, ang nakasaad ay nagdudulot ng panibagong suliranin sa larangan ng pakikibaka dahil sa mga pangangailangan ng institusyon. Dahil sa mga itinakdang deadline o iskedyul ng pagpapasa at pagbabalik ng mga module, tila’y nagmistulang karera na ang pangkalahatang daloy pagsusumite sa pagitan ng mga mag-aaral at mga guro. Ito ay sa kadahilanang habang nagmamadali ang mga guro na maisakatuparang matapos ang kanilang leksyon na nailathala sa nagkakapalang papel, matulin din itong tutugunan ng mga mag-aaral na matapos sagutan.
Ang mga module at course packs ay wala sa kalingkingan ng aktwal na pagtuturo. Kung magpapatuloy ang ganitong sistema, naipapakita lamang ng solusyon na ito ang mga puwang sa pagitan ng mga may pribilehiyo at kanilang mga katapat sa edukasyong nangangapa at gumagapang sa karunungan.
Tunay ngang mabalasik at nakakagulantang ang mabilisang tulin ng lakad sa itinaguring “New Normal” na sanhi ng pandemya. Maraming buhay ang nabago sa kasakuluyan at babaguhin sa hinaharap. Hindi rin mabilang ang buhay na kinuha’t nawala, pati na ang mga hanapbuhay at dating takbo ng buhay na unti-unting nababaon na sa limot. Sa kabila ng ating pagsisikap, araw-araw ay patuloy pa rin ang pagtaas ng mga kaso ng delubyong dulot ng nakakubling tanikala na bumibigkis sa kaibuturan ng ating pananampalataya at pagkatao. Sa kabila ng lahat, nasusubok ng panunungkulan ang ating dangal at paniniwalang manubalik pa sa dati ang buhay na naglaho sa isang kisapmata.
Ang mga mag-aaral at guro ang pinaka naapektuhan sa sitwasyong ito. Kung dati-rati ay nasasabi nating ang edukasyon ang magsisilbing gulong sa isang mas magandang hinaharap; ngayon naman ay unti-unting humihinto ang gulong ng edukasyong naging pasanin sa mahirap at isang kalamangan sa mayaman.
Kawalan ng pantustos. Kakulangan ng estudyante. Kakulangan ng pondo. Kawalan ng trabaho.
Featured image courtesy of Jire Carreon.