Isang oil price hike na naman ang inaasahan sa susunod na linggo. Ang presyo ng mga produktong petrolyo ay tinatayang aangat ng P1.10 – P1.20 kada litro ng gasolina, P0.90 – P1.00 kada litro ng diesel, at P0.60 – P0.70 kada litro ng kerosene.Â
Nagkaroon ng pagtaas ng demand sa langis dahil sa hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine at napalala pa ito ng paghina ng palitan ng piso at dolyar. Mula noong Enero 1, 2022, naitalang linggo-linggo nagtataas ang presyo ng langis.
Sa kasalukuyan, tinatayang malapit nang pumatak sa 10 piso ang itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo kada litro.
Ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ay nagsagawa ng kilos-protesta kaninang umaga bilang pagtutol sa patuloy na pagtaas presyo ng petrolyo. Nakiisa si Elmer “Ka Bong” Labog na tumatakbong senador sa kilos-protestang ito.
Kaakibat ng pagtaas ng presyo ng langis ay ang pagtaas din ng iba pang pangunahing bilihin.
Ang presyo naman ng palay ay patuloy na bumabagsak na siyang nagdudulot ng matinding krisis sa mga magsasaka. Naglunsad ng isang protesta ang Amihan National Federation of Peasant Women at Bantay Bigas Rice Watch Network upang alalahanin ang ikatlong taon ng pagpapatupad ng Republic Act (RA) no. 11203, Rice Liberalization Law (RLL).
Inihayag ni Anakpawis Partylist First Nominee Rafael “Ka Paeng” Mariano ang pakikiisa ng partido sa panawagan ng mga organisasyong ipawalambisa na ang RLL. Pinagdiinan niya ang batas bilang dahilan ng pagpasok ng imported na bigas at ang lalong pagbagsak ng presyo ng palay. Labis nitong inilulugmok ang kondisyon ng mga magsasaka sa bansa.
“Ang batas na ito ay taliwas sa pag-ibig sa sarili nating palay at agrikultura, mga kababayang magsasaka, at maralitang konsyumer. Dapat nating mahalin ang sarili nating palay, tuluyang ipawalambisa ang batas na ito, at isabatas ang tunay na nagtataguyod sa mga magsasaka, ang Rice Industry Development Act (RIDA) bill,” sambit ni Ka Paeng.
Inilahad ng AMIHAN at Bantay Bigas na noong Setyembre hanggang Oktubre 2021, bumaba ang presyo ng palay sa P10 hanggang P14 kada kilo.
Tinatayang nasa P41 bilyong potensyal na kita ang nawala sa mga magsasaka noong nakaraang taon dahil sa pagbaha ng imported na bigas na nagpababa ng presyo ng palay sa P3.28 kada kilo.
Featured image courtesy of Anakpawis