Isang virus ang nananalasa sa Pilipinas — ang Duterte virus. Lahat ng mga uri at sektor ay dapat magkaisa para purgahin ang virus na ito.
Ngayong Enero, naramdaman ng mamamayan ang umiigting na kriminal na kapabayaan ng administrasyong Duterte sa pandemya. Sa pagbugso ng Omicron surge at pagpalo ng mga kaso sa 20,000 hanggang 30,000, pinapaalala nito ang katotohanang hindi magwawakas ang pandemya hanggang nakaupo si Duterte sa kapangyarihan dahil wala siyang balak gawin iyon.
Lampas tatlong milyong kaso na ng COVID-19 ang naitala sa loob ng halos dalawang taon. Ang paglala ng pandemya ay malaking epekto ng mga maling polisiya ni Duterte. Kung malalimang susuriin, ginamit nito ang pandemya bilang armas para protektahan ang kanyang diktadura.
Simula’t sapul, militarisasyon ang naging primaryang tugon ni Duterte sa pandemya. Siguro nga’y mas marami at mas nakakalito pa ang variants ng ECQ, GCQ, Alert Level 3, NCR bubble at kung ano-anong pagpapalit-ngalan sa lockdown upang ikubli ang kapalpakan nito. Sa katotohanan, ginamit ang mga lockdown upang supilin ang galit at pagkakaisa ng mamamayan.
Nagpupuyos na galit kasi ang ibinunga ng paglobo ng utang ng bansa ng P6-trilyon sa loob lang ng limang taon, ang lumalalang kaso ng COVID-19, kawalan ng sapat na ayuda, mass testing, contact-tracing, at mabagal na pagbabakuna, militarisasyon ng mga lupang ninuno at baryo sa kanayunan, at isang diktador na walang ginawa kundi matulog at mag-usap lasing na lang.
Matindi ang epekto ng Duterte virus sa iba’t ibang institusyon ng lipunan. Lalo nitong pinabulok ang nagnanaknak na politika ng mga elit sa bansa at binalahura ang katiting na demokrasya. Malaya ring nakapagkamal kita ang mga dayuhang kampanya at mga crony niya habang marami ang walang trabaho at nagugutom. Pinalaganap rin niya ang kultura ng karahasan at impunidad sa balangkas ng pasismo na ipagpapatuloy ng tambalang Marcos-Duterte sa 2022.
Gayunman, gaya ng laban sa anumang sakit, lumalaban ang katawang inaatake nito. Dumaluyong sa mga lansangan ang kaliwa’t kanang protesta sa loob ng dalawang taon. Patuloy ang pagtutol sa mga anti-mamamayang batas at polisiya gaya ng Anti-Terrorism Law, 100% foreign ownership, korapsyon sa PhilHealth at Pharmally at iba pang krimen ni Duterte.
Ang pagpapanagot ng sambayanan kay Duterte ay maglalatag ng mga kondisyon para sa mga kahingian ng mga kabataan. Magiging posible ang ligtas na balik-eskwela, maaaring matiyak ang kalayaang pang-akademiko sa banta ng panunupil rito, pwedeng malutas ang pandemya, at maisusulong ang pambansa, siyentipiko, makamasa, at libreng edukasyon. Sa madaling sabi, mawawaksan ang diktadura na nagnanakaw ng kinabukasan ng milyon-milyong kabataan.
Panahon na upang hilumin ang limang taon ng “swapang at pasakit” ni Duterte. Ang kanyang “change scamming” ay dapat sagupain ng tunay na “change is coming” na mula sa masa at tungo sa masa. Ang halalan sa 2022 ay isang mapagpasyang labanan para sa pangkating Duterte—ang pagpapatuloy nito sa Palasyo o pag-uwi sa Davao—na dapat nating harapin.
Sa huli, si Duterte ay sintomas ng mas malalaking kanser ng lipunan—paglipat ng yaman mula sa mahihirap na bansa tungo sa mas mayayaman, monopolyo sa lupa ng iilan, at ang pagiging negosyo ng gobyerno. Hanggang hindi ito nagagamot, marami pang Duterte ang uusbong.
Wala ng ibang gamot sa ating pagpapakasakit kundi ang paglaban. Dapat gamitin ang lahat ng pagkakataon upang puksain ang Duterte virus at ang mga kanser ng lipunan. Wala nang kahit ano pang reporma kay Duterte o sa sistemang nagluwal sa kanya ang makakagamot sa kanila.
Tayo ay magkaisa dahil wala namang mawawala sa atin kundi ang sakit na sagabal sa ating paglago. May bagong buhay na naghihintay sa tagumpay ng ating dakilang pakikibaka.
Dibuho ni Kyla Buenaventura