Ginambala ng mga kapulisan ang payapang protesta ng mga grupo ng kabataan sa harap ng House of Representatives (HOR) ngayong araw, Setyembre 9, upang kundenahin ang bilyon-bilyong pisong bawas sa pondo para sa edukasyon sa 2023 national budget.
Ayon sa mga raliyista, payapang nag-umpisa ang programa ngunit nagkatensyon nang dumating ang malaking trak na lulan ang mga na may dalang kalasag at batuta—bagay na dati nang ginagawa ng mga kapulisan kapag may protesta sa harapan ng Kongreso.
Hinarangan ng mga miyembro ng Quezon City Police District Mobile Force Battalion (DMFB) ang mga nagpoprotesta na kaagad ding pumalag na hindi sila mapaalis kaya umabot sa gitgitan at sigawan ang mapayapang pag-ere ng panawagan ng mga kabataan sa Kongreso.
Para sa taong 2023, humihingi ang Department of Education (DepEd), na pinamumunuan ni Sara Duterte, ng P848-bilyong badyet subalit nasa P710.6-bilyon lang ang inilaan ng Department of Budget and Management (DBM), 130 bilyong pisong mas mababa sa hinihingi.
Dahilan ng kalihim ng DBM na si Amenah Pangandaman, mas mataas pa rin umano ang inilaan sa DepEd sa 2023 kaysa sa kanilang badyet noong 2022 na P633.3 bilyon.
Liban sa kulang na badyet sa batayang edukasyon, ayon sa Kabataan Party-list, makararanas ng P10.85-bilyong kaltas sa kabuuang badyet ang mga state universities and colleges sa 2023 kung saan apektado ang mga programa para sa pagpapatayo ng mga bagong kagamitan at gusali, pondo sa operasyon, libreng edukasyon, at programang scholarship ng mga SUC.
Ayon kay Kabataan Rep. Raoul Manuel, dapat tutulan ng mga kabataan at estudyante ang mga budget cuts. “Ipaglaban natin ang dagdag budget para tiyakin ang karapatan ng bawat estudyante sa ligtas, abot-kaya, at de-kalidad na edukasyon sa gitna ng pandemya,” aniya.
Kasama rin ng basic at higher education ang UP sa budget cuts dahil para sa taong 2023, kulang ng P22.3-bilyon ang ilalaan na pondo ng pamahalaan at mas mababa ng P3-bilyon kaysa natanggap noong 2022, na magdudulot ng kulang na pondo para sa pagpapatayo ng mga gusali at kagamitan, operasyon, at pasahod at benepisyo sa mga kawani nito.
BASAHIN: https://tinyurl.com/ynpmz9yv
Kaya naman, patuloy ang pagkakaisa ng iba-ibang organisasyon ng mga kabataan sa iba-ibang pamantasan at komunidad, kasama ang iba pang sektor ng edukasyon, sa pagkundena sa isa na namang malakihang pagbawas sa pondo ng edukasyon habang bumubuhos ang pera sa kontra-insurhensiya at kroni ni Marcos Jr.
Kaugnay nito, kabilang sa mga nagprotesta kanina,ang tatlong estudyante mula sa kolehiyo na nakaranas ng pandarahas at paniniktik mula sa mga kapulisan, ayon sa CSSP Student Council, Kinundena rin ng konseho ang nasabing pangyayari at ipinanawagan ang paglaban ng mga Konsensiya ng Bayan sa kaltas-badyet at para sa ligtas na pagbabalik sa mga eskwela.
#LigtasNaBalikEskwela
#NoToBudgetCut
Featured image courtesy of Katribu Youth