Red-tagger NTF-ELCAC, kakasuhan ang Rappler dahil sa pag-fact check sa mga paratang ni Badoy

Inanunsyo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na magsasampa ito ng kaso laban sa pahayagang Rappler matapos maglathala ng isang fact-checking article noong Enero 31 2022. 

Pinabulaanan ng NTF-ELCAC bilang “urban operatives” umano ang Makabayan Bloc ng mga komunistang gerilya. Dagdag pa nito, nagdudulot ng malaking pinsala ang “disimpormasyon” tulad umano ng gayong “walang katibayang akusasyon.” 

Kumpara sa pagdadahilan ng NTF-ELCAC, nangunguna ito sa maka-ilang beses nang panreredtag sa mga kritiko ng administrasyong Duterte. Walang basehang pinagbibintangan at dinarahas ng task force ang mga mamamayan, tulad ng kaso ni Alicia Lucena, Patreng Non, at ilang pang-estudyanteng pormasyon at organisasyon. 

Dagdag dito, ang nasabing artikulo ng Rappler ay pawang naglalayong mag-fact check, at walang ni kahit anong akusasyon sa kahit anuman o sinuman.

Sa katunayan, dulot ng paratang ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary at tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si Lorraine Marie T. Badoy ang nasabing artikulo.

Noong Enero 20 2022, nag-post sa Facebook si Badoy ng pahayag ng NTF-ELCAC ukol sa Human Rights Defenders Bill o House Bill No. 10576. Ito ay naglalayong protektahan ang mga taong nagsusulong ng karapatang pantao.

Sa nasabing Facebook post ni Badoy, ikinagagalit ng NTF-ELCAC ang pagpasa ng House of Representative noong Enero 17, 2022 sa naturang bill dahil maaari daw nitong gawing walang kwenta ang Anti-Terrorism Law (ATL).

Sa ilalim ng ATL, pinagdidiinan ng mga 37 na nagpetisyon laban dito at ng iba pang kritiko ang kalabuan ng pagpapakahulugan nito sa “terorismo.” 

Napakaraming mamamayan na ang nailagay at maaari pang mailagay ang buhay sa panganib. Tahasang nilalabag ng batas ang batayang karapatang pantao ng bawat mamamayan, partikular na sa kalayaan nitong makapagpahayag at organisa.

Ang mga pupuna o maghahayag ng opinyon tungkol o laban sa gobyerno ay maaaring pagmanmanan, i-freeze ang kanilang assets, o arestuhin. Ang mga indibidwal na magbibigay suporta sa mga aktibidad na sumasaklaw sa depinisyon ng batas ng “terorismo” ay maaari ring kasuhan at ikulong.

Ilan sa mga unang nabiktima ng di-konstitusyonal na ATL ay dalawang magsasaka mula sa Mindoro na sina Jasper Gurung at Junior Ramos. Lalahok sana sa ATL oral arguments sina Gurung at Ramos noong taong 2020, ngunit hinadlangan matapos harangan at takutin ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Nakasuhan ang dalawa matapos taniman ng pampasabog at baril, at paratangan bilang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ng militar. 

Samantala, maliban sa pahayag na “aabusuhin” umano ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-NPA-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang nasabing mungkahing batas, pinaratangan din ni Badoy na “urban operatives” ng CPP-NPA-NDF ang mga miyembro ng Makabayan Bloc, ang primaryang mga may-akda ng nasabing bill.

“Human rights defenders were killed, arrested, detained, red-tagged, and threatened for so long — especially for the past six years under the murderous regime of President Rodrigo Duterte — and a law to criminalize these acts and to recognize the State’s duty to protect human rights defenders has been long overdue. It is high time that the Congress enacts this measure,” pagdidiin ni Karapatan Secretary General Cristina Palabay patungkol sa HBN 10576. 

Batay sa artikulo ng Rappler, mali ang paratang ni Badoy dahil bagaman mayroon ngang urban operatives ang CPP-NPA-NDF, ito ang Special Partisan Units (SPARU) at hindi ang Makabayan.

Isang koalisyong politikal ang Makabayan Bloc na binubuo ng mga progresibong partido at pulitiko. Kinikilala ng Commissions on Elections (COMELEC) ang Makabayan Bloc simula nang inilunsad ito noong Abril 16, 2009. Nakarehistro din sa ilalim ng Republic Act 7941 o ang Party-List System Act ang mga miyembrong organisasyon ng koalisyon.

Ayon sa Section 6.2 ng Party-List System Act, hindi maaaring mairehistro ang mga partido kung “tagapagtaguyod ng karahasan o labag sa batas na mga paraan upang makamit ang layunin nito.”

Nauna nang binasura ng COMELEC ang isang disqualification bid noong 2019 laban sa mga miyembro ng Makabayan Bloc. Batay sa desisyon ng COMELEC, walang sapat na pruweba ang akusasyon noong 26 Abril 2019 ni Angela Aguilar na mayroon umanong koneksyon ang Makabayan sa CPP-NPA-NDF.

Mababasa rito ang nasabing artikulo ng Rappler:  https://bit.ly/3J8Jxnb 

Samantala, nitong nakaraan ay pinaratangan ang Kabataan Party-list ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) bilang sangkot sa assassination plot umano sa convicted tax evader na si Bongbong Marcos. Idinidikdik din ang third nominee ng partido na si Jandeil Roperos bilang mastermindng nasabing plano. 

Nakumpirma ang umanong planong pagpatay noong Enero 30 ni Justice Secretary Menardo Guevarra mula sa isang online tip na ang sanggunian ay isang comment sa TikTok ng ngayo’y deleted na account ni @ljluna7. 

Pagkaklaro ng partido na ang tanging plano nila ay ang pagsusulong ng mga maka-masang kampanya at pangatawanan ang interes ng kabataan. Ani Roperos sa isang press conference noong Pebrero 6, Linggo, ay hindi kamatayan ang kanilang hiling para kay Marcos, Jr. Sa halip, layunin nilang panagutin si Marcos, Jr. sa mga paglabag nito sa batas at kasalanan sa bayan. 

BASAHIN: https://bit.ly/3HBLN5S 

Sa kabila ng kaliwa’t-kanang red-tagging at pag-ba-black prop ng mga pwersa ng estado, patuloy na isinusulong ng Makabayan Bloc ang kanilang maka-masang plataporma, saklaw ang mga panawagan para sa de-kalidad at ligtas na edukasyon, aksesibleng mga batayang serbisyo, pagdepense sa nasyunal na interes at soberanya, pagtataas ng sahod, at iba pa. Kasama rito ang mga senatoriables na sina Neri Colmenares at Elmer “Ka Bong” Labog, at mga partido na ACT Teachers, Anakpawis, Bayan Muna, Gabriela, at Kabataan.

Bukas, Pebrero 8, opisyal na magsisimula ang pangangampanya ng mga kandidato para sa Halalan 2022. Sasalubungin ito ng koalisyong Makabayan ng isang motorcade na magsisimula sa UP University Avenue ng 7AM. Pinagpapanawagan ng mga partido sa ilalim ng koalisyon na makilahok at paigtingin ang kampanya para sa makabayang pagbabago.

Featured image courtesy of NTF-ELCAC & Rappler

Manhid at ‘di makatao: ‘Hindi iisa ang bangka natin!’

Gabriela urges DOJ: Do not coddle Quiboloy

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *