Inamin ni Sara Duterte-Carpio, kumakandidato para sa pagka-bise presidente, na mayroon pa siyang pending na kaso ng disbarment sa naganap na rally ng UniTeam sa Biñan City, Laguna, noong Abril 21.
Ang disbarment ay ipinapataw sa isang abogadong may tala ng hindi etikal na gawi o isang krimen, o kawalan ng kakayahan sa propesyon ng pagka-abogado. Maaaring bawian ng lisensya ang abogado at tanggalan ng legal status na gamitin ang tinapos.
“Pareho kami [ni Gadon] nakasuhan ng disbarment. Hindi pa tapos sa iyo? Hindi pa rin tapos sa akin,” pagpapakilala ng anak ng pangulo kay Larry Gadon.
“Kukunin ko itong abogado sa disbarment ko dahil may experience sa disbarment cases.”
Kasalukuyang suspendidong abogado si Gadon dahil sa kanyang pambabastos sa mamamahayag na si Raissa Robles noong Disyembre 2021. Ito’y matapos bansagan ni Robles at ipakita ang mga ebidensya na si Bongbong Marcos ay “tax evader.”
Dati na ring nasangkot sa mga kontrobersya si Gadon nang sinabi niyang papatayin niya ang mga Muslim, namatay si dating pangulong Noynoy Aquino sa AIDS, at sinigawang “mga bobo” ang mga tagasuporta ng pinatalsik na Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa kaso naman ni Sara Duterte-Carpio, taong 2011 nang isugod sa ospital si Sheriff Abe Andres matapos itong kuyugin ng alkalde matapos igiit ni Andres ang pagpapatupad ng utos ng demolisyon sa distrito ng Agdao sa Davao. Ang kautusan ay inilabas ni Judge Emmanuel Carpio, tiyuhin ng asawa ng alkalde.
Ilang abogado ang pumuna sa asal ni Duterte. Anila, “hindi propesyonal” ang ginawang pamamahiya nito at maaaring ituring na kaso ng contempt buhat ng paghadlang sa kautusan ng hukuman.
Nagsagawa rin ng inisyatibang imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) ukol sa insidente noong kaparehong taon.
Liban sa nasabing pananapak sa sheriff, iprinoprotesta rin ng mga taga-Davao ang pinahintulutan ng anak na Duterte na waste-to-energy incineration facility na nagsusunog ng basura upang gumawa ng enerhiya na umaapekto sa mga residente.
Noong Enero 2022 naman, binalaan na ng Korte Suprema si Gadon ukol sa “numerous prior controversies leading to the disbarment cases filed against Gadon” at hinihingian ng paliwanag kung bakit hindi dapat siya alisan ng lisensya.
TINGNAN: https://sc.judiciary.gov.ph/23847/
Si Gadon, aminadong pro-Marcos loyalist, ay bahagi ngayon ng senatorial slate nina Duterte-Carpio at anak ng yumaong diktador Marcos Jr., isa ngayon sa mga naghahangad sa pagka-presidente.
Matatandaang may mga inihaing petisyon sa Commission on Elections (COMELEC) para idiskwalipika ang kandidatura ni Marcos Jr. batay sa hindi nito pagsumite ng kanyang Income Tax Return (ITR) mula 1982 hanggang 1985.
Sa kabila ng walong petisyon laban sa anak ng diktador, ibinasura ang mga ito ng iba’t ibang dibisyon ng COMELEC.
Hindi umano “inherently wrong” ang hindi pag-file ng ITR ng kandidato at bagkus ay hindi maaaring kasuhan ng tax evasion. Sa huli, ibinasura ang mga petisyon ng isang Komisyon na ngayo’y binubuo lahat ng mga commissioners na itinalaga ng ama ni Sara Duterte.
BASAHIN: https://sinag.press/news/2022/04/22/bongbong-nakatakas-sa-huling-dq-case/
Pinabubulaanan din ng kampo ni Marcos Jr. ang isyu ukol sa estate tax ng pamilya.
Ika-9 ng Marso 1999 nang itakdang “final and executory” (hindi na pwedeng apelahin pa) ang hatol ng Court of Appeals sa pangunahing P23.3 bilyong estate tax ng mga Marcos na kalakhan ay mula sa kanilang nakaw na yaman sa bansa.
Hindi na-file at hindi binayaran ng pamilya ang buwis sa itinakdang panahon (1990 pa dapat, anim na buwan matapos yumao si Marcos Sr.) kaya napatungan ito ng mga dagdag na multa.
Sa kasalukuyan ay lumobo na sa P203 bilyon ang kanilang utang.
Ani dating Bureau of Internal Revenue (BIR) commissioner Kim Henares ay, ligal man o hindi ang pagtamo sa ari-arian, dapat na sundin ang Tax Code.
Ayon sa Seksyon 91 (D) ng Tax Code: Ang estate tax ay dapat bayaran ng “executor or administrator before the delivery to any beneficiary of his distributive share of the estate. Such beneficiary shall to the extent of his distributive share of the estate, be subsidiarily liable for the payment of such portion of the estate tax as his distributive share bears to the value of the total net estate.”
Giit naman ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ng kampo ni Marcos Jr., ay ilan sa ari-arian ng pamilya “were declared forfeited in favor of the government in satisfaction of the estate tax due.”
Ilan pa sa mga kandidato sa slate ng UniTeam ay ang anak ng dating presidente Erap Estrada, Jinggoy Estrada, na nadawit sa “pork barrel” scam noong 2014 at ikinulong sa mga kaso ng graft at plunder. Inakusahan ito na nagbulsa ng P183 milyon mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) para sa mga pekeng foundation, ngunit pinayagang magpiyansa noong 2017.
Kabilang din dito si Juan Miguel Zubiri na nanilbihan nang senador noong 2009 ngunit nagbitiw sa pwesto taong 2011 dulot ng mga alegasyon ng pandaraya sa eleksyon ayon kay Sen. Koko Pimentel.
Kadikit din ng alyansa ang dating pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo na nasangkot sa iba’t ibang isyu ng korapsyon gaya ng Hello Garci Scandal, NBN-ZTE Deal, at AFP pabaon scheme.
Ayon sa mga kritiko, ang alyansang nabuo ng UniTeam ay “marumi” at ang tanging interes ay panatilihin ang mga sarili sa kapangyarihan. Ang alyansang Marcos-Duterte ay suportado rin ng ilan sa malalaking angkan at mga nasangkot sa mga kontrobersya at pangungurakot sa pulitika ng bansa.
Sa ngayon, wala pang desisyong inihatol sa mga kasong disbarment nina Gadon at Duterte-Carpio kaya patuloy silang nakakatakbo sa matataas na posisyon ngayong halalan.
Featured image courtesy of Lakas-CMD