Sa panahong lumilitaw ang mga anti-mamamayang tindig nito, hinahamon namin si Jijil Jimenez na tunay na paglingkuran ang sambayanan. Ito ang mandatong dapat niyang ubos-lakas na tanganan sa susunod na anim na taon bilang UP President.
Matapos muling isawalang-bahala ang boses ng komunidad, kontra-pusoy na pambato ang pinili ng Lupon ng mga Rehente sa katauhan ni Atty. Angelo Jimenez bilang ika-22 Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Si Jimenez, isa na namang fratman, abogado, dating rehente, at labor attache, ay nagtapos ng Batsilyer ng Artes sa Sosyolohiya noong 1987 sa ating kolehiyo.
Nostalgic ang pagharap ni Jimenez sa mga estudyante noong Biyernes matapos piliing itimon ang direksyon ng UP sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte. Ibinandera niya ang pagiging chairperson ng University Student Council, associate editor ng Philippine Collegian, at student regent bagaman walang basbas ng kapulungan ng mga estudyante nang maupo. Pakilala niya, siya ay produkto ng radikal na kilusang estudyante ng pamantasan.
Subalit tila baligtad ang mundo para sa isang pumoposturang mula at para sa mga estudyante.
Bagamat sinasabi niyang suportado niya ang kalayaang pang-akademiko, malabo pa rin kung paano niya ilalapit ang pagsasabatas ng isang UP-DND Accord kung hindi niya nakikitang problema ang presensya at institusyon mismo ng militar. Ilang beses niyang ibinida na kasama siya sa paggawa ng UP-DILG Accord, ngunit wala pa rin siyang kongkretong naibigay na plano para sa paggiit ng bagong kasunduan laban sa militarisasyon ng mga kampus.
Pabor din siya sa kontraktwalisasyon at komersyalisasyon upang palakihin ang pondo ng pamantasang taon-taon na lang pinababayaan ng pambansang pamahalaan. Ayaw rin niyang imandatong kurso ang Philippine Studies 21 na pumapaksa sa Batas Militar. Dagdag pa, sa harap mismo ng lider-maralita, ineetsapwera ang mga pamayanan batay sa lumang tugtugin ng “ayon sa batas.” Sinasabi man niyang magiging makatao siya sa pamumuno, hindi pa rin niya natitiyak na mapapakinggan ang panawagan ng mga residente bago sila patapusing magsalita.
Marapat lamang kundenahin ang ganitong mga paninindigan sapagkat lantarang taliwas ito sa interes ng ating komunidad. Malaking sampal sa mga mag-aaral at organisasyon na dinarahas at nireredtag ang kawalan ng legal na proteksyon sa terorismo ng estado at karahasan ng militar. Insulto sa mga deka-dekada nang kontraktwal—na iniluwal ng katwiran niyang lagi raw kailangan ang mga kontraktwal na trabaho—na kawani at fakulti ng pamantasan ang pagpabor niya sa kontraktwalisasyon. Kabastusan din sa mga magsasaka at maralitang lunsod ng UP na matagal nang inetsapwera ng mga development plans ang paggamit na naman sa batas upang iwanan sa laylayan silang dapat pinagsisilbihan nito.
Hindi ito ang panahon upang guluhin ang mga baraha at ibigay ang alas sa kaaway. Kung ang hinaharap ng UP ay isang pinagwatak-watak na komunidad at paninikluhod sa kapabayaan at krimen ng diktadura, mahina ang pinunong hindi kayang pamunuan ang minsang matatag na Republika ng Diliman. Higit na kinakailangan ngayon ang pangulo na hindi lang handang makinig kundi bukas na makipagtulungan sa mga sektor ng pamantasan upang patakbuhin ito. Ngunit hindi dapat gamiting palusot ang pakikinig na ito upang iwasan ang responsibilidad. Siya pa rin ang pangulo, at dapat pa rin siyang manguna sa paggiit ng panawagan ng komunidad.
Pagkakataon ang pagsisimula ng panibagong termino at ang pagbalikwas sa pamumuno nina Marcos-Duterte upang baguhin ang direksyon ng pamantasan. Nanatiling hamon para sa liderato ni Jimenez na talikdan na ang nakasanayang pamumunong nakatali sa dikta ng Palasyo at negosyo; bagkus, pamumunong lapat sa realidad ng komunidad at panghahawakan ang mga progresibong plano at hindi mauuwi sa pangakong napako. Higit sa digitalization, revolutionary transformation ang kinakailangan ng Unibersidad matapos ang pandemya.
Binyag sa apoy ang pagpasok ng mga Konsensiya ng Bayan sa Bulwagang Palma, lalo na sa gitna ng pandemya. Bilang nagtapos ng Sosyolohiya, dapat taglayin ni Jimenez ang mahusay na sociological imagination na kayang intindihin kung bakit kakunde-kundena ang kanyang mga paninindigan sa mata ng komunidad. Sapagkat kung hindi niya pakikinggan ang boses ng komunidad, maghanda siyang makinig sa boses nito sa daan-daang protesta at dayalogo.
Kung tunay ngang pinanday si Jimenez ng kanyang pagiging lider-estudyante, dapat magsilbi siyang pangulo na makikinig sa interes ng mga estudyante sa iba’t ibang kampanya. Hinahamon natin siya na una, ipaglaban ang pagsasabatas ng UP-DND Accord at labanan ang P2-bilyong kaltas badyet sa UP. Pangalawa, huwag niyang pahintulutan ang mga pakanang kontraktwalisasyon at komersyalisasyon na hindi naman pakikinabangan ng mamamayan. Pangatlo, pakinggan niya ang hinaing ng komunidad para sa pabahay at tunay na kaunlaran.
Sinabi naman na ni Jimenez na magiging bukas siya sa dayalogo, at ipinangako niyang magiging konsultatibo siya sa iba’t-ibang sektor. Maganda nga itong pangako, wala pa man ang Pebrero. Ngunit dapat tiyakin na hindi lamang naririnig ang mga panawagan, kundi makikipagtulungan rin na matugunan ang mga iyon. Walang saysay ang dayalogo kung puro paikot-ikot na sagot ang lalamanin; oras dapat iyon upang bumuo ng higit pang pagkakaisa laban sa pinaka-kaaway ng sambayanan at sama-samang tugunan ang problema ng bansa.
Hindi “individual pastime” ang pagiging UP President kundi, upang humiram kay Peter Berger, isa itong tungkuling interesado sa “ginagawa ng mga tao,” kinikilig sa “paghahanap ng mga bagong daigdig,” at “bumabago sa mga nakasanayan”. Sa huling pagsusuri, isa itong trabaho na magagampanan lang kung maglilingkod sa masa ang abogadong para nga talaga sa bayan.