“Magtanim ay di biro.”
Nakatatak ang kasabihang ito sa puso ni Rowena Bautista, ang team leader ng Taniman Bayan sa Sitio San Roque. Alas sais pa lang ng umaga, nagtatanim at nag-aani na siya at ng mga kasama niya ng samot-sari gulay gaya ng pechay, mustasa, at kamatis sa kanilang Urban Garden na tinatawag nilang “Tanimang Bayan” sa loob mismo ng kanilang komunidad.
Itinatag ang “Tanimang Bayan” noong unang ilang buwan ng mga lockdown sa Quezon City, dahil ang mga residente ng Sitio San Roque, isang komunidad na matatagpuan sa puso ng Barangay Bagong Pag-asa, ay isa sa mga pinakanaapektuhan ng pandemya. Ito ay dulot ng limitasyon sa paglabas sa kanilang komunidad na mahigpit na binabantayan ng mga pulis at puwersang militar.
Kahirapan Dulot ng Pandemya
Mayorya ng higit 6,000 sa mga pamilyang nakatira sa Sitio San Roque ay nawalan ng mga trabaho o nabawasan ng sahod, kaya marami ay nawalan din ng sapat na kita para bumili ng pagkain para sa kanilang mga pamilya.
Ayon sa mga residente, ipinangako ng gobyerno na mabibigyan ang bawat pamilya ng ayudang may halaga na P1,000 hanggang P4,000, ngunit inabot ng dalawa hanggang tatlong buwan bago sila nabigyan nito. May mga pamilya rin na hindi nakatanggap ng ayuda sa nakaraang taon. Dumagdag pa rito ang tumataas na presyo ng gastusin gaya ng gulay, karne, tubig, kuryente at upa dahil sa ating krisis pang-ekonomiya.
Ang madalas nga na sinasabi ng mga residente ng komunidad ay: “Hindi kami mamamatay sa virus; mamamatay kami sa gutom”.
Bago pa ang pandemya, matagal nang hinaharap ng mga residente ang banta ng marahas na demolisyon sa kanilang komunidad. Sa paggawa ng mga istraktura gaya ng mga mall, mga condo,at mga hotelpara sa ipinapatupad na planong Quezon City Central Business District (QCBD), unti-unting ginigiba ang mga tahanan ng mga residenteng nakatira sa komunidad kahit sa gitna ng pandemya. Kadalasan ay walang pahintulot ang pagdedemolisyon mula sa mga residente lalo pa’t mga pwersa mismo ng estado ang nagpapaalis sa kanila roon.
Kolektibong Inisyatibo ng Komunidad
Ang “Tanimang Bayan” ay naging kolektibong solusyon ng komunidad hindi lang para matugunan ang lumalalang krisis kagutuman, pangkalusugan, at kahirapang dala ng pandemya, ngunit ito rin ay kanilang paraan upang ipaglaban ang karapatan para sa kanilang lupa, tahanan, at disenteng serbisyong panlipunan.
Nagkaroon ng kolaborasyon ang dalawang organisasyon na nakikiisa sa mga panawagan ng komunidad, ang Save San Roque Alliance (SSR) at Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) upang ipatupad ang proyektong ito para magkaroon ang mga residente ng pagmumulan ng masustansya at abot-kayang pagkain.
Ayon sa mga volunteers, tumulong sila sa pagbibigay ng workshops para sa organic farming. Sa kanilang huling workshop, natuto ang mga nanay at tatay ng komunidad na gumawa ng organikong pataba at pestisidyo gaya ng Fermented Plant Juice, Fermented Fruit Juice, at Oriental Herbal Nutrients alinsunod sa mga prinsipyo ng agro-ecology.
Agaran na ring nakilahok ang mga residente sa ideyang ito, lalo na at kalakhan ng mga residente sa mga maralitang lungsod ay nanggaling sa probinsya na may karanasan na sa pagsasaka. Sila ay lumipat sa Maynila upang makahanap ng mas magandang trabaho sa siyudad, at dahil malapit ang San Roque sa mga maaari nilang pasukang trabaho at mga paaralan para sa kanilang mga anak, ideyal itong lokasyon para manirahan kasama ang kanilang pamilya.
Binungkal ng mga residente ang mga semento ng ginibang bahay para magamit nila ang mga espasyo para sa pagtanim ng mga gulay. Noong una, hindi sila makapagdala ng lupa o maglagay ng mga bato para ayusin ang kanilang sakahan dahil hinaharas sila ng mga pulis na nagbabantay. Ngunit, sa ngayon, madalas na nilang tinatanim ang mga gulay gaya ng talbos ng kamote, malunggay, at ang mga halamang gamot. Ginagamit nila ang kanilang mga ani para sa kanilang Kusinang Bayan, isang inisyatibo ng mga nanay ng komunidad na magluto ng pagkain para sa bawat miyembro ng komunidad.
Ipinapakita ng Tanimang Bayan ang kultura ng kolektibong pamumuhay sa Sitio San Roque— kung paano matagal na nilang sinusuportahan ang isa’t isa dahil sa kanilang pakikibaka para sa disente at abot-kayang pabahay. Bagay na mamamalas din sa mga pagkilos at barikadang bayan na inilulunsad nila tuwing may demolisyon. Nagkakapit-bisig sila sa isa’t isa, pinoprotektahan ang kanilang pamilya, at pinaglalaban ang kanilang tahanan anuman ang mangyari.
Ang mga binhi na kanilang itinanim sa Tanimang Bayan ay mistulang hakbang sa iba pang inisyatibo upang lalong maging matatag ang kanilang komunidad. Angkop na ang Sitio San Roque ay nasa Barangay Bagong Pag-asa dahil ang Tanimang Bayan ay nagdurugtong-buhay at nagbibigay ng bagong pag-asa sa kabila ng mga hamon sa mga residente rito.
Featured image courtesy of Save San Roque.