Trabahong walang seguridad: lagay ng mga sekyu sa UP Diliman – Part 1


Marangal na trabaho ang pagiging isang security guard. Kaakibat nito ang pagtayo nang ilang oras sa initan, o kaya naman pagpupuyat sa gabi dahil night shift. Hindi man gaanong kalakihan ang sweldo laging naeendo, maraming sekyu ang nagpupursigi dahil higit na kailangan ang trabaho sa araw-araw na papatinding krisis panlipunan. 

Sa banta ng matitinding atake sa pamantasan at hamon para sa araw-araw na kaligtasan, malaki ang gampanin ng mga guwardiya sa UP Diliman para sa UP nating mahal. Subalit, sa kanilang lagay ngayon, ipinapakita ng UP ang kawalan nito ng puso at pagmamahal.

Matapos ang pagpapalit-agency bunsod ng public bidding, walang seguridad kung maibabalik ang kanilang trabaho. Walang seguridad kung may makakain sa kinabukasan. Walang seguridad kung may pantustos sa pang-araw-araw na gastusin. Walang seguridad sa patakarang panlipunang inaalis ang regulasyon ng mga pampublikong institusyon sa mga pribadong kumpanya

Dekada nang binilang ngunit karamihan sa mga sekyu ay nananatiling kontraktwal nang walang kaukulang benepisyo, o kahit anumang porma ng suporta mula sa administrasyon ng pamantasan. Ang kanilang panawagan, kadalasa’y hindi pinakikinggan ng administrasyon ng UP.

Nitong nakaraan, isang kontrata na nagkakahalagang P117 milyon ang napanalunan ng Femjeg Security Agency mula sa UP na siyang nagdulot ng pagkakaroon ng isang malawakang layoff sa mga security guards sa kampus na mula sa iba namang security agency. 

Bunsod nito, higit 130 na guwardiya ang kasalukuyang walang trabaho at umaasang makabalik muli sa mga lugar na naging bahagi na ng kanilang mga buhay at buhay ng iba. 

Hindi ito ang kauna-unahang mass layoff sa mga security guard sa UP. Noong Abril 2021, nag-expire ang kontrata ng Northcom Security Agency at pinalitan ito ng Grand Meritus Security Agency. Higit sa 60 na security guards ang nawalan ng trabaho dahil dito. 

“Hindi kasalanan ng guards na maaalis sila dahil ginagampanan nila ang trabaho nila nang maayos,” giit ni Glenn Cabradilla ng Alliance of Contractual Employees sa UP. 

Nakakuha ng isang eksklusibong panayam ang SINAG kay Domingo Padua, isa sa mga na-layoff na security guard sa UP. 

Si Domingo Padua ay walong na taon nang naninilbihan bilang security officer sa Office of the Campus Architect. Kabilang pa nga siya sa mga nasunugan sa UP Village A noong May 2, 2022. Mayroon siyang tatlong anak na nag-aaral sa kolehiyo, at tatlo namang nasa elementarya pa lamang. Tatlong dekada nang nagtatrabaho bilang security guard si Domingo na naging pantawid-gutom niya sa araw-araw na kahirapan ng buhay.

Hindi lang si Domingo ang may ganitong kwento. Marami sa 130 ang humaharap sa parehong problema. Ang kawalang seguridad ng trabaho sa lipunang lipos ng krisis at kahirapan. 

Bagong agency, lumang problema

Gabi ng Hunyo 1, 2022, naganap ang takeover ng panibagong security agency na Femjeg sa UP Diliman. Ibinalita sa higit 130 na guwardiya na sila ay tinatanggal na sa kanilang trabaho dahil nahuli sila sa pag-aapply at pagpasa ng kanilang mga clearance. Sinabihan rin sila na kaya hindi sila matatanggap ng panibagong ahensiya ay dahil hindi pa sila opisyal na nakakapag-resign sa kanilang dating ahensiya. 

Paggigiit naman ni Padua na walang katotohanan ang mga dahilang isinaad alinsunod sa kanilang pagkatanggal sa trabaho. Ang higit 130 na guwardiyang na-layoff ay nakapagpasa ng kanilang mga papeles at clearance nang itinakda ito noong Mayo 20, 21, at 22. 

“Tinanggap nila ‘yung mga dokumento namin. Kumpleto kami. Sinabi nilang late kami sa application. Hindi!,” madiing paglilinaw ni Padua. 

Matagumpay man na napatunayan ng mga guwardyang na-layoff na nakapagpasa sila ng mga requirements sa itinakdang oras, kumabig naman ng Femjeg na wala silang Certificate of Employment kaya hindi pa rin sila matatanggap. Sinabi ni Padua na mayroon sila nito dahil nagawa pa nilang mag-apply sa nakaraang ahensiya na Grand Meritus Security Agency. 

Bukod dito, mayroong mga guwardiyang na-’yellow tag’ dahil napilitang sumideline o humanap ng ibang panandaliang trabaho dahil sa delay ng pagbibigay ng backpays. Inilahad ni Padua na ang ahensiyang Northcom Security Agency, na kanilang ahensiya bago pa ang Grand Meritus, ay natagalan sa pagbibigay ng kanilang mga backpays. 

Ang protocol sa mga backpays ay dapat na maibigay sa loob ng dalawang buwan. Ngunit limang buwan na’t hindi pa rin ito naipamamahagi kaya’t  itinulak nito ang mga guwardiyang humanap muna ng ibang pagkakakitaan upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan.  Ginamit itong dahilan ng paparating na Femjeg upang hindi sila tanggapin sa trabaho.  

Sa isang diyalogo noong Hunyo 6, sinabi ng Femjeg na hindi nila kayang i-absorb ang lahat ng guwardiya ng UP Diliman dahil napuno na nila ang 282 na guard posts. Idiniin din nila na hindi naman nila obligasyong i-absorb ang mga guwardiyang nagtatrabaho na doon. Giit nila, kailangan lang daw nilang ikonsidera ang mga gwardyang job order (JO) o contract of service (COS) ngunit hindi awtomatikong dapat bigyan ng trabaho.

Saradong pinto, saradong tenga

“Tama ba ‘yun? Makatao ba ‘yun?” Ito ang mga eksaktong salita ni Padua nang inilantad niya ang marahas na pamamalakad ng bagong ahensiya, partikular na ng operation manager at deputy director ng Femjeg na si Engr. Audie Sabaot. 

Mula umpisa pa lamang ng pagpasok ng Femjeg ay naaagrabyado na ang mga security guards ng UP at hindi iyon nagtapos sa pag-layoff ng marami sa kanila. 

Kabilang sa mga requirements na ipinasa ng mga guwardiya ay ang rekomendasyon mula sa UP. Ayon kay Padua, 100% ang rekomendasyong ipinasa nila mula sa mga gusaling pinagsisilbihan nila. Bagamat nakapagpasa ng buong rekomendasyon, tinanggihan umano ito ni Sabaot at sinabing hindi sila bumabase sa rekomendasyon sa pagtanggap o pagbabalik ng mga gwardya sa trabaho. 

“‘Wag na ‘wag kayong magpapakampi sa endorser niyo kasi hindi kami natatakot sa kanila,” ang mga salitang binitawan ni Sabaot na ibinahagi ni Padua. 

Nagpakita ng mga sulat si Padua na mula sa ibang mga security guard na siyang nagpapatotoo sa kalupitang nararanasan nila. Hindi man na-layoff ang ibang kasamahan niya, nakararanas pa rin sila ng hindi magandang pagtrato mula sa bagong ahensiya na tila pinagsasarhan na sila ng pinto at tenga sa kanilang mga panawagan. 

Kalupitan sa pormasyon

Sa isang sulat, inilahad ng mga guwardiya ng UP College of Law ang kanilang galit kay Engineer Audie Sabaot. Ibinahagi nilang pinag-formation silang mga mula pa sa Grand Meritus Agency at pinagsalitaan ng mga masasakit na salita. Pinagmumura rin sila habang nakatayo doon at narinig at nakita ng marami dahil may nagaganap na event noon.

“Nawala ang dignidad namin dahil sa mga salita niya. Hindi po tama ang mga sinasabi niya sa kapwa niya dahil mga tao din po kami na marunong masaktan,” ayon sa sulat ng mga guwardiya. 

Nakatala rin sa isa sa mga papel na bitbit na Padua ang isang pangyayari noong Hunyo 2. Nag-uutos si Sabaot sa mga guwardiyang naka-formation at bigla na lang itong sumigaw ng “Putangina!” at biglang pinalo ang sumbrero ng isang lady guard. 

Sa panayam namin kay Padua, sinabi niyang marami ang saksi sa nangyari at kaya pinalo ni Sabaot ang sumbrero ng lady guard dahil nagkamali ito sa pagsunod sa utos niya. 

Alis trabaho, alis barracks

Ikinuwento rin ni Padua na mayroong mga sekyu sa Diliman na naninirahan sa barracks nila. Sa kadahilanang maliit ang sweldo, napagdesisyunan na lamang ng iilang mga guwardiya na doon na mamalagi dahil hindi kayang maka-ipon para sa upa dahil may kamahalan at mas pipiliin pang ipadala na lang ito sa kanilang mga pamilya.

Ayon sa kanya, matapos ang pagpasok ng Femjeg, sapilitang pinaaalis ang mga nakatira doon. 

Isang testimonya ang ibinahagi niya at dito, nakasaad ang panlilinlang ng Femjeg sa mga security guard na naninirahan doon. Ayon sa sulat, pinapaalis na sila sa barracks dahil ipapagawa daw ito. Kinagabihan, nadatnan nilang pumalit ang ibang guwardiya ng Femjeg sa kanilang tinitirhan at doon na nakatira ngayon. 

Isinaad ng sumulat na tinanong daw siya kung kailan ang leave niya. Sinabi niyang Hunyo 11-15 daw at inutusan siyang buksan ang tulugan niya dahil ipapagawa daw. 

“Pagdating ko noong June 15, mayroon nang nakatulog sa higaan ko. Ang masaklap pa ay inilagay pa nila ‘yung gamit ko sa nababasa kaya kinagabihan, wala akong nagamit na higaan, unan, at kumot kasi lahat basa,” ani ng isa pang gwardya sa sulat.

Nang tanungin kung saan namamalagi ang mga guwardiyang pinaalis sa barracks, sinabi ni Padua na dahil nga walang mauuwian, habang may banta ng sakit at aksidente, napilitan silang matulog at manirahan sa mga construction site sa campus natutulog at naninirahan.

#KontraktwalGawingRegular
#JunkJC&2

Featured image courtesy of ABS-CBN News

Unsubtle Crony Traits: The Marcos Cabinet — Part 3

“Iselda si Imelda,” giit ng mga dating political prisoners

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *