Sa gitna ng patong-patong na problema, hindi maaaring bitawan ng susunod na UP President ang diwa ng UP. Dapat siyang tumindig, kasama ng mas malawak na komunidad ng UP, at maninindigan para sa pinakamahahalagang tungkulin nito: ang pagsisilibing Unibersidad na Pangmasa, Unibersidad ng Pakikibaka, at Unibersidad na Pambansa.
Magsisimula ang termino ng susunod na UP President sa gitna ng unos. Habang tinatangka niyang ibangon ang unibersidad mula sa pandemya, kaliwa’t-kanang pag-atake ang kakailanganin niyang salagin, sa antas man ng walang katapusang red-tagging o P2.5 bilyong tapyas sa badyet.
Kaya naman, sa pagsisiyasat sa anim na nominado para sa pagkapangulo ng pamantasan, isang tanong lang ang mahalaga: “Sinong maninindigan para sa mandato ng UP?”
Una, kailangan maging makamasa ang susunod na UP President, dahil dapat maging Unibersidad na Pangmasa ang UP. Nakakapanlumo ang patuloy na paglaganap ng edukasyong pampamilihan. Imbis na pagkatuto, pagkakakitaan ang tinitignan, kaya maging ang mga lupaing dapat ginagamit para sa pag-aaral at sa komunidad, pinapaupahan sa mga negosyante.
Kasabay ng komersyalisasyong ito, kinalimutan na rin ang pagiging “University of the Poor.” Matagal na ang bansag na ito, ngunit mahirap pa ring maging mahirap sa UP. Nang suriin ng UP School of Economics ang datos ng nakakapasok sa UPCAT mula 2006-2015, nakita nilang lamang na lamang pala ang mayaman sa pagpasok sa Unibersidad. Kahit makapasok, kulang din naman ang pondo para sa aksesibleng serbisyo katulad ng dormitoryo.
Hindi tayo maaaring maging Unibersidad ng Pagpapayaman. Dapat itakwil ng susunod na UP President ang komersyalisasyon ng pag-aaral, at tiyaking makamasa ang unibersidad. Kailangan niyang gawing aksesible ang paghasa sa husay at dangal ng bawat estudyante na hatid ng Unibersidad ng Pilipinas.
Pangalawa, kailangang makibaka ng susunod na UP President, dahil dapat maging Unibersidad ng Pakikibaka ang UP. Nararanasan ngayon ng unibersidad ang pinakamatinding pag-uusig mula nang mapatalsik ang unang Marcos sa Malacañang. Kitang-kita ito sa pag-aresto sa mga estudyante sa Diliman, panre-redtag sa tsanselor ng UP Cebu, at patuloy na pagbansag sa UP bilang “pugad ng terorismo.” Sa ilalim ng isa na namang Marcos, inaasahan lamang na lalo itong lalala.
Tanda lamang itong mga pag-atake na nagagampanan natin ang ating mandato: suriin ang lipunan at paglingkurin ang napapag-aralan sa sambayanan — kahit pa ginugulo nito ang balahibo ng mga naghahari-harian. Tinatangka tayong sindakin at patahimikin, kaya naman, kung gusto nating patuloy na maging epektibo, dapat nating palakasin ang pagtatanggol sa kalayaang pang-akademiko.
Hindi tayo maaaring maging Unibersidad ng Pananahimik. Kailangang itakwil ng susunod na UP President ang mga pag-atake, igiit ang mga proteksyon katulad ng UP-DND Accord, at palakasin ang mga mekanismo para mabigyan ng legal at pinansyal na tulong ang biktima ng red-tagging. Dapat makibaka ang susunod na UP President, kasama ng buong komunidad ng UP at alinsunod sa militanteng kasaysayan nito, para wakasan ang mga pag-atake at ipagtanggol ang pamantasan.
Pangatlo, kailangang maging makabayan ang susunod na UP President, dahil kailangan maging Unibersidad na Pambansa ang UP. Kailangan malinaw sa susunod na pangulo ang tunguhin ng pamantasan, dahil madaling maligaw at matangay ng agos ng pagkakataon. Hindi niya dapat pinagsisilbihan ang estado, kaya hindi siya dapat tumupi sa impluwensiya nito. Gayundin, hindi niya pinagsisilbihan niya ang mga dayuhan, kaya hindi niya kailangang magkumahog para sa mga pagraranggo at parangal. Ang pinagsisilbihan ng presidente ng UP, katulad ng UP mismo, ay ang sambayanan.
Sa kasaysayan ng unibersidad, palaging naitanghal ang husay at dangal ng mga Iskolar ng Bayan sa kakayahan nitong sagutin ang mga problemang kinakaharap ng bansa. Mula sa mga imbensyon ng Agham hanggang sa mga suri ng Pilosopiya, ginagamit ng mga Iskolar ng Bayan ang napapag-aralan upang tugunan ang pangangailangan ng bayan. Dito, at hindi sa anumang ibang pamantayan, sinusukat ang halaga ng unibersidad.
Hindi tayo maaaring maging Unibersidad na Papet. Dapat bumalikwas ang susunod na UP President sa mga puwersang tatangkain siyang tangayin. Kailangan niyang tumutok sa tunay na tunguhin ng Unibersidad: ang pagsisilbing Unibersidad ng Pilipinas na para din sa Pilipinas at sa sambayanang Pilipino.
Susubukin ng unos ang magtatangkang mamuno sa pamantasang pambansa. Sa kabila ng lahat ng pagsubok na paparating, kailangan niyang manatiling makamasa, nakikibaka, at makabayan upang ang UP ay maging Unibersidad na Pangmasa, Unibersidad ng Pakikibaka, at Unibersidad na Pambansa.
Hindi paligsahan ng papel o paramihan ng kaibigan ang pagpili ng susunod na presidente ng UP. Paghahanap lamang ito ng kandidatong ubos-lakas na maninindigan para sa pamantasan at hindi bibitaw sa mandato ng Unibersidad ng Pilipinas—ang pasyang ito ay kayang idikta ng sama-sama nating pagkilos at ubos-lakas na paninindigan.
Featured image courtesy of Migo Dupio