Bitbit ang mga panawagan laban sa budget cuts, komersyalisasyon at militarisasyon sa loob ng pamantasan, militanteng sinalubong ng Komunidad ng UP ang unang araw ng semestre, noong Martes, ika-20 ng Agosto, sa harap ng makasaysayang Bulwagang Palma.
Kolektibong ipinagpanawagan ng mga mag-aaral ang pagtutol sa P2.4 bilyong pagtapyas sa pondo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ayon sa 2025 National Expenditure Program sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Ayon kay EJ Escototo, Konsehal ng Konseho ng mga Mag-aaral sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, palalalain lamang ng nakaambang budget cut na ito ang malala nang kakulangan ng mga units, klasrum at kakayahan ng unibersidad na magbigay ng batayang serbisyo sa mga estudyante.
Itinutulak ng kawalan ng pondo ang administrasyon ng UP na ilako sa mga pribadong negosyante at korporasyon ang mga espasyo na nagsisilbi sana sa interes ng komunidad. Mula sa pagpapapasok ng e-jeepneys sa loob ng pamantasan, hanggang sa pagtatayo ng mga komersyal na establisyemento gaya ng DiliMall, litaw na litaw ang lumalalang kaso ng komersyalisasyon sa loob ng unibersidad.
“Ang UP po ba ay para sa mga mayayaman lang?” tanong ni Edward Fernando, presidente ng Shopping Centers Association, habang nagpapahayag ng kanyang pagkadismaya sa utos ng Office of the Vice Chancellor for Planning and Development na lisanin ang kanilang mga tindahan sa lumang Tennis Court upang magbigay daan sa konstruksyon ng parking lot ng DiliMall. Giit ng mga manininda, walang ibang maidudulot ang pagbubukas ng DiliMall sa kanilang mga kabuhayan kundi panganib.
RELATED: https://sinag.press/news/2024/04/16/championing-community-spaces-condemning-commercialization/
Nanawagan din ang mga Iskolar ng Bayan kay UP President Angelo Jimenez na makinig at unahin ang interes ng komunidad ng UP bago ang interes ng mga pribadong negosyante o ng estado. Matatandaan na nitong buwan lamang, pinirmahan ni Jimenez ang Declaration of Cooperation kasama ang Armed Forces of the Philippines. Sa ilalim ng kasunduang ito, papayagan ang pagpasok ng militar sa loob ng pamantasan sa tabing ng pakikipagtulungan ng UP at ng AFP sa iba’t ibang mga proyekto kaugnay ng siyentipikong pananaliksik.
Hamon ng bagong halal na rehente ng mga mag-aaral na si Francesca Duran sa mga Iskolar ng Bayan na sa pagbubukas ng bagong semestre, kolektibong salubungin ang mga kontra-mahihirap at kontra-mamamayang mga polisiya sa loob at labas ng pamantasan at isabuhay ang diwa ng UP bilang isang institusyong nagsisilbi sa malawak na hanay ng masa.