Universidad de Pahirap: Anti-demokrasya sa neoliberal na pamantasan


Husay at dangal. Husay na de-numero at dangal na pakitang-tao, siguro?

Inilalantad ng pilit na pagtatanggal sa mga academic ease policiesang tunay na prayoridad ng administrasyon ng UP: hindi ang kapakanan ng estudyante, kundi ang pagpapanatili ng imahe ng “numero unong unibersidad sa bansa,” kapalit ng kapakanan ng komunidad nito.

Ang malinaw, hindi huhusay ang mga Iskolar ng Bayan sa isang edukasyong nakaugat sa paglilingkod sa pamilihan, aksesible lamang sa iilang may pribilehiyo, pinagkakakitaan ng mga burukrata at malaking negosyo, at dalawang taon ng bulok na remote learning set-up.

Kahapon, Agosto 29, inilabas ng UP Office of the Vice President of Academic Affaris ang OVPAA Memo 2022-27. Tinatanggal nito ang mga polisiya ng Academic Ease na ipinaglaban ng mga Iskolar ng Bayan ngayong pandemya. Bagamat sinasabi sa unang pangungusap ng nasabing Memo na nagkaroon ng mahahalagang pagbabago sa pagtuturo dahil sa COVID-19, pilit nitong ibinabalik sa dati ang sistema ng edukasyon, na para bang wala na tayo sa pandemya at hindi lamang lumalala ang krisis sa bansa. 

Gamit na naman nila ang lumang paliwanag para sa mga patakarang anti-demokratiko. Anila, dapat daw taglayin ng mga Iskolar ng Bayan ang “husay, tapang, at liksi” upang malampasan ang mga suliranin ng kasalukuyang panahon, kaya naman dapat lang silang pahirapan. Nakakatawa – at syempre, nakakainis – ito dahil sa dalawang bagay. Una, mukhang aminado silang pahirap ito sa estudyante. Pangalawa, at mas nakakairita, hindi naman ito gagana, at mas lalo lamang makahahadlang sa husay ng estudyanteng labis nang naghihirap. 

Hindi sukatan ng husay ang paghihirap. Paulit-ulit nang napatunayan na lalo lamang ipinapahamak ng masyadong mabigat na akademikong pasanin ang mga estudyante. Ayon sa mga pananaliksik, nagdudulot ito ng mas mababaw na pagkatuto at kawalan ng gana sa pag-aaral. Hatid din nito ang hindi magandang epekto sa kalusugan ng bata sa labas ng eskuwela na nakakaapekto pa rin sa mga gawain sa loob ng silid-aralan. 

Ngunit kahit sabihin pa nating may kakarampot na nadadagdag sa kakayahan ng estudyanteng sumagot sa board exam o kung ano mang pagsusulit, mas matimbang pa rin dapat ang kapakanan ng mag-aaral. Aanhin nga naman ang isa o dalawang puntos kung ikakapahamak ng mental health ng estudyante? Sa panahon ng krisis, walang dangal sa pagmamatigas na ito. Hindi ba’t paulit-ulit nating sinasabi na “Honor before excellence?” Muli na namang pinagpalit ng administrasyon ang dangal para sa huwad na imahe ng kahusayan. 

BASAHIN: https://bit.ly/3TrrEpr

Mukhang sa kabila ng napakaraming hinaing ng mga estudyante, grade inflation at pandaraya pa rin ang pinakamalaking kalaban sa mata ng pamunuan. Nauna pa itong matugunan kaysa sa kagustuhang magkaroon ng Ligtas Na Balik Eskwela, at maging sa mga panawagang deka-dekada nang ipinaglalaban ng mga estudyante. 

Nalantad na rin naman ito sa mga plano nila sa pagbabalik sa kampus – para sa kalakhan, tanging Ligtas na Balik Exam lamang ang LNBE, o di kaya’y wala talagang pagbabago ang blended learning at fully online model. Kaya nga nakakapagtaka: may pagbabago ba silang nakikita na hindi nararamdaman ng mga estudyante? 

Bakit nagmamadaling tanggalin ang no-fail policy, gayong pareho pa rin naman ang kalagayan ng mga Iskolar ng Bayan? Wala namang malaking pagbabago sa panahon ngayon. Kung tutuusin, lalo pa ngang humihirap dahil sa dumaraming problema.

Gayundin, bakit itinataas na ang kailangang units ngayon semestre gayong wala pa rin nga ang kalakhan sa kampus? Dahil nga nasa bahay at tumataas ang presyo ng bilihin, napipilitan silang manguha ng trapo, at mapipilitan pa ngayong isabay ito sa mas maraming klase. Dagdag pa rito ang matagal nang problema ng kawalan ng units. Ngayon, isang linggo bago ang pasukan, marami pa rin ang kulang ng dalawa, tatlo, o apat na klase para maabot lamang ang 15 units. 

Ito din ang problema sa obligadong pagpasok sa klase. Hindi ba’t tinanggal nga ito dahil sa kahirapan ng distance learning at hindi pagkakapantay-pantay ng akses sa internet? Hindi pa rin ito nagbago. Katulad ng paulit-ulit na sinasabi, hindi pa rin naman nakakabalik sa kampus. Bakit ba kasi pinagpipilitang wala nang krisis kahit alam naman ng lahat na mayroon pa rin? 

Manipestasyon ng edukasyong kolonyal, komersyalisado, at anti-demokratiko ang kawalan ng pakialam ng unibersidad sa kapakanan ng estudyante. Inuuna kasi ang pangangailangang pagkakitaan at pagsamantalahan ang estudyante kaysa sa tunay na edukasyon. Para sa kanila, mas matimbang ang world rankings at ang huwad na husay na kailangan ng komersyalismo kaysa sa paghubog ng mga Iskolar ng Bayan na nagsisilbi talaga sa sambayanan. 

Nagbingi-bingihan na naman ang administrasyon sa panawagan ng masang estudyante. Nagbubulag-bulagan na naman ito sa lumalalang krisis para masabing normal na ang lahat at pwede nang bumalik sa nakasanayang sistemang kontra-estudyante. Tiyak na pahirap lamang ito, at hindi ito ang susi sa pagbuo ng mas mahuhusay at at mararangal na Iskolar ng Bayan. 

Kung may husay mang maidudulot itong anti-demokratikong patakaran, matatagpuan lamang ito sa pagtindig ng mga Iskolar ng Bayan. Ipakikita ng kapalpakang ito ang kabulukan ng mas malawak na sistema ng edukasyon at ang pangangailangan ng mga maka-estudyanteng polisiya at isang alternatibong sistema ng edukasyon na luwal ng demokratikong hangarin.

Ang mga polisiya gaya ng academic ease, libreng kolehiyo, pagtutol sa kaltas-badyet at iba pa ay inianak ng deka-dekadang pakikibaka ng komunidad. Ang hamon sa atin sa gitna ng pagtindi ng anti-demokratikong oryentasyon ng pamantasan ay pagbabalik sa potensyal ng mga pamantasan bilang base ng demokratikong pakikibaka at nagbabalikwas sa mga nakasanayan. Kailangan nang walang-awang kritisismo sa lahat ng bagay na umiiral, ika nga, maski na ang mga espasyo kung saan nagaganap ang mga tunggaliang ito na nakaugat sa kapital.

Balang araw, matapos ang walang humpay na pakikibaka ng mga Iskolar ng Bayan, ang Unibersidad ng Pahirap ay magiging Unibersidad ng Paglaya. Makakalaya tayo sa pahirap at bulok na sistema ng edukasyon, at magkakaroon ng edukasyong pambansa, siyentipiko, at makamasa – edukasyong mapagpalaya tungo sa mas malalaki pang demokratikong proyekto. 

#DoBetterUP
#AcademicEaseNow

Featured image courtesy of Himati

UP admin lifts acad ease policies amid unprepared transition to blended learning

Makibaka Para sa Malayang Midya

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *