UPLB Perspective, binatikos ang red-tagging ng Army 201st IB na nanggulo sa medical mission


Mariing kinundena ng pahayag ang UPLB Perspective, kahapon, Abril 15, ukol sa pangreredtag sa kanila, kasama ang progresibong grupong  Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), ng 201st Infantry Brigade ng Philippine Army sa isang Facebook post noong Abril 14, Huwebes.

Niredtag na medical mission

Nagsagawa ng isang libreng medical mission ang KASAMA-TK at grupo ng mga healthworkers at taong simbahan para sana sa 200 magsasaka at mamamayan ng Agdangan, probinsya ng Quezon, noong Abril 10, Linggo.

Gayunman, nanggulo ang mga militar sa nasabing aktibidad nang pilit na nais kuhanan ng litrato ang listahan ng mga pasyente, pinalabas na “joint medical mission” kasama sila, at niredtag ang KASAMA-TK bilang “kilalang supporter ng CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front) na pawang kasinungalingan.

Dagdag na akusasyon ng 201st IB, wala umanong koordinasyon sa pagitan ng KASAMA-TK at mga opisyales ng baranggay. Anila, expired na rin daw ang mga ibinahaging gamot at bitamina.

Gayunman, nilabasan ng resibo ng KASAMA-TK na bago ang mga binili nilang gamot para sa nasabing humanitarian activity, bagay na legal at protektado ng batas.

Dagdag pa ni 201st IB Commander Norwyn Romeo P Tolentino, ang mga armadong grupong New People’s Army (NPA) diumano ang nag-utos sa KASAMA-TK na magsagawa ng libreng medical mission.

Makaulit nang niredtag ng mga pwersa ng Southern Luzon Command ang KASAMA-TK nang walang maipakitang ebidensya. Subalit, ang KASAMA-TK ay isang legal na organisasyong masa ng mga magsasaka sa Timog-Katagalugan at hindi kaugnay o bahagi ng anumang organisasyon ng NPA o CPP.

Maliban sa 201st IB, mas masahol naman ang pangreredtag sa KASAMA-TK ng 85th Infantry Sandiwa Battalion sa isang Facebook post noong Abril 13, Miyerkules.

Anila, kunwaring medical mission lamang umano ang ginawa ng KASAMA-TK bilang propaganda umano para daw makahikayat ng mga bagong miyembro ng CPP-NPA-NDF. 

Ngunit, giit ng KASAMA-TK sa kanilang opisyal na pahayag, bago pa ang aktibidad, nakipag-ugnayan NA ang kanilang organisasyon sa kinauukulan sa munisipyo, mga opisyal ng barangay, at mga barangay health workers para malaman ang mga pangunahing pangangailangang medikal ng mga taga-Agdangan.

BASAHIN: http://bitly.ws/qpsm 

Isiniwalat din nila ang kabuktutan umano ni Sgt. Jonathan Vender at kanyang mga kabaro sa 85th IB at Agdangan PNP.

Anila, ipinakabit umano ni Vender ang kanyang tarpulin at nagpapunta ng kanyang mga tauhan baga ang medical mission upang magmukhang isang “joint-activity.;” hindi ito pinahintulutan ng mga tunay na nag-organisa.

TINGNAN: http://bitly.ws/qptE 

“Saksi na ang mga Quezonin sa mahabang rekord ni Sgt. Vender at ng 85th IB sa paglabag sa karapatang pantao. Siya ang maysala sa malawakang intimidasyon at harassment hanggang sa pagpapalabas ng pekeng surrenderees sa mga magniniyog at magbubukid sa probinsya,” dagdag ng grupo.

Niredtag na pahayagan

Sa nabanggit na Facebook post ng “Infantry ‘Kabalikat’ Brigade, Philippine Army,” giniit ding front organizations umano ng CPP-NPA-NDF ang BAYAN-Laguna, Kabataan Party-list, UPLB Perspective at KASAMA-TK.

Kaya naman, naglabas ng opisyal na pahayag ang UPLB Perspective ukol sa pagkakaredtag sa kanila. Anila, tahasang pag-atake ito sa malayang pamamahayag.

BASAHIN: http://bitly.ws/qpu7 

Mariing kinokondena ng Perspective ang inilabas na “black propaganda” ng militar anila, “ang malayang pamamahayag ay kinakailangan para sa isang malaya at mapagpalayang lipunan. Sa kasalukuyang panahon, nagiging sandata ang malayang pamamahayag laban sa disinformation, misinformation, at black propaganda.”

“Isinisiwalat nito ang konkretong kondisyon ng masa sa kamay ng sistemang mapanikil at mapang-api. Ngunit sa patuloy na pagbabanta, pananakot at pag-red-tag sa mga alagad ng midya, napipigilan ang malaya at sapat na pamamahayag,” dagdag pa nila.

Itinatag ang UPLB Perspective noong 1973; ito ang unang pahayagang pangkampus na itinatag sa kainitan ng batas militar ni Ferdinand Marcos. Mula noon hanggang ngayon, kilala ang UPLB Perspective sa kanilang makamasang paghahayag ng mga balita para ipahatid ang mga balita at panawagan mula sa Timog Katagalugan.

Kasama rito ang mga balitang inilalantad ang karahasan ng militar at pulisya tulad ng “Bloody Sunday” noong 2021 sa Timog Katagalugan at ang panggugulo ng 201st IB at 85th IB sa Agdangan mission.

BASAHIN: http://bitly.ws/qpwc 

Dagdag na hamon ng Perspective, “subalit sa kabila ng mga atakeng ito, matapang na ipagpapatuloy ng UPLB Perspective ang makatotohanang pamamahayag, ang kritikal na pagsuri sa makakapangyarihan, ang pagtaguyod ng malayang pamamahayag, at ang pagtindig para sa demokrasya.”

Hindi ito ang unang pagkakataon

Bago pa man ang naunang nabanggit na insidente, marami nang niredtag ang rehimeng Duterte na mga pawang kritikal sa kaniyang administrasyon.

Sa katunayan, nauna nang niredtag ang SINAG, opisyal na student publication ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at PIlosopiya ng UP Diliman, ni Presidential Communications and Operations Office (PCOO) undersecretary at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy.

Tulad ng UPLB Perspective, inakusahang “NPA front organization” umano ang SINAG matapos nitong maglathala ng iba’t-ibang kritikal na artikulo ukol sa Anti-terror Law at mga pang-aabuso ng militar tulad ng pagmasaker sa New Bataan 5 at pambobomba ng AFP sa Sitio Panukmoan at Sitio Decoy sa Lianga.

Kaya naman, isinama ang kaso ng SINAG nang maghain ang College of Social Sciences and Philosophy Student Council (CSSP), kasama ang iba pang grupo, ng suspension case laban kay Badoy sa Ombudsman noong Marso 23.

BASAHIN: http://bitly.ws/q8oC 

Naging biktima rin ng red-tagging at atake sa malayang pamamahayag ang Philippine Collegian, at mga alternative media gaya ng Bulatlat at Altermidya, College Editors Guild of the Philippines (CEGP), at grupong National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) dahil sa kritikal na paglalantad nito sa mga krimen ng administrasyong Duterte at militar.

#DefendPressFreedom
#StopTheAttacks
#NoToRedTagging

Featured image courtesy of UPLB Perspective

Badoy sued again for red-tagging community pantries

Nasa masa ang Mesiyas

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *