Walang basehang pinararatangan ng Philippine National Police – Anti CyberCrime Group (PNP-ACG) ang Kabataan Party-list (KPL) bilang sangkot sa assassination plot umano sa presidentiable at anak ng diktador na si Bongbong Marcos.
Enero 30 nang kumpirmahin ng kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Menardo Guevarra na nakatanggap daw ng online tip ang Office of Cybercrime (OOC) patungkol sa isang planong ipapatay si Marcos, Jr. Ang sanggunian ng umanong assassination plotay ang social media platform na Tiktokat nagmumula sa isang deleted account sa ilalim ng username na @ljluna7.
Sa gitna ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at PNP, lumitaw ang mga walang basehang implikasyon ni PNP ACG Brigadier General Robert Rodriguez na sangkot ang KPL sa planong pagpatay kay Marcos, Jr. Ani Rodriguez, isa sa mga finafollow ni @ljluna7 ay ang KPL at nakaraang nagpamahagi ng post mula sa partido.
Dagdag pa rito ang pagpaparatang sa KPL third nominee na si Jandeil Roperos na nasa likod ng @ljluna7 na TikTokaccount.
Samantala, pagbabanta umano ng account na araw-araw daw silang nagpupulong upang maisagawa ang assassination plotsa convicted tax evader.
“Hustisya ang aming panawagan, hindi kamatayan,” pagdidiin ni Roperos sa press conference na isinagawa ng KPL ngayong umaga.
Dagdag niya na ang layon ng KPL at ng buong sektor ng kabataan ay ang managot sa batas si Marcos, Jr. sa kaniyang mga kasalanan sa taumbayan, mula sa pagnanakaw sa kaban ng bayan at pakikisabwat sa diktador niyang ama sa pambubusabos nito sa mamamayan, at tahasang paglabag sa karapatang pantao. Kalakip pa nito ang walang kaabog-abog na pagtatanggi at distorsyon sa kasaysayang nagpapakita ng malagim na mga araw ng Batas Militar.
“Klarong klaro na sila ay takot sa representasyon ng kabataan dahil for the longest time, tunay na dinidinig nito ang laban ng kabataan,” ani Roperos.
Ayon sa mga pwersa ng kabataan, lubos na nakababahala ang ganitong mga walang basehang paratang o implikasyon lalo’t nalalapit na ang simula ng pangangampanya sa Pebrero 8. Naglipana ang mga pekeng balita, disimpormasyon, at misimpormasyon na sinasakyan ng ibang pulitiko upang siraan ang ibang kandidato.
“Mentioning Kabataan tells more about the political bias and imminent meddling of the PNP in the upcoming May 9 elections, as has been done by the PNP in past elections, to benefit political blocs that are afraid of critical and active youth,” saad ng KPL.
BASAHIN: http://bit.ly/35GepwL
Gayon, pinanghahawakan ng mga pahayagang pangkampus at iba pang publikasyon ang mandato nitong maging tagapamandila ng kritikal na katotohanan.
“Makatwiran sa hanay ng mga mamamahayag na maging kritikal at makipagsandigan sa iba pang mga publikasyon na lubos na lalabanan itong mga disimpormasyon na talamak ngayong eleksyon,” paghahayag ni Brell Lacerna mula sa The Catalyst, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Samantala, wala pa ring naisusumite na pinal na desisyon ang COMELEC First Division patungkol sa mga petisyon ng pagkadiskwalipika kay Marcos, Jr., sa kabila ng pagkakaroon ng solidong batayan ng kaniyang hindi pagbabayad ng buwis. Ayon kay dating COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, may pulitikal na impluwensiya sa likod ng delay ng pagsasapubliko ng mga resulta. Pinagdidiinan ng mga kritiko na ang ganitong ganahan ng COMELEC ay nakababahala bilang walang katiyakan ang kanilang pagkasa ng patas na eleksyon.
Taong 1982 hanggang 1985 noong hindi nafile ng kaniyang income tax returns (ITR) si Marcos, Jr. Sa halip na ikulong, pinagbayad na lang siya ng multa na hindi niya rin naman binayaran.
Maka-ilang beses na ring hindi lumahok si Marcos, Jr. sa mga pampublikong debate o plataporma buhat ng pagkaka-expose umano sa positibong kaso ng COVID, kawalan ng koneksyon at ugnayan, at conflictsa iskedyul.
“Kung wala pang pormal na anunsyo sa kampanya at hindi pa tuluyang nababasura ang disqualification case ay tuluyan niyang yuyurakan ang mga kabataan gamit ang kaniyang kasinungalingan. Paano pa kaya kung nabigyan na siya ng kapangyarihan at awtoridad?” ani Ely Rosales ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP).
Kumpara sa mga klarong pandaraya na mga taktika o mga walang ebidensiyang mga paratang ng ibang kandidato, naninindigan ang KPL na palagi silang transparentsa kanilang mga adhikain. Patuloy silang nagsusulong ng mga kampanya at panawagan upang kumatawan sa sektor ng kabataan at sa malawak na hanay ng masa.
Bilang tunay na representasyon ng mga kabataan, ang KPL ang nanguna at primaryang kumilos upang maisabatas ang mga maka-estudyanteng batas tulad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Mental Health Law, Free Public Wifi Law, at Strengthened Occupational Health and Safety Standards Law.Kasalukuyan din nilang iginagaod ang ilang mga bills tulad ng Safe Schools Reopening Bill, Emergency Student Aid and Relief Bill, Students’ Rights Bill, at Campus Press Freedom Bill.
Ang KPL ay prinsipal ding abala sa pagpapagulong ng mga substitute bills upang amyendahan ang UP Charter of 2008 at iinstitusyonalisa ang UP-DND Accord.
Sinasalamin ng hangarin ng partido ang bawat kahingian ng mamamayang Pilipino, at layunin nito at ng mga kabataan na ipagtagumpay ang 9-point Youth and People’s Agenda. Kalakip nito ang pagpapaingay sa isyu patungkol sa edukasyon, kabuhayan at nakabubuhay na sahod, karapatang pantao, tunay na repormang agraryo, mabuting pamamahala, pagsugpo sa diskriminasyon, at pagdepensa sa nasyunal na interes at soberanya.
TINGNAN: http://bit.ly/3rsd7Oy
Giit ng KPL na hindi nila palalampasin ang ganitong atake, at magsasagawa ng kaukulang imbestigasyon at aksyon.
“Tatagan natin kahit na may mga ganitong paratang, sure naman tayo na tama ang ating pinaglalaban,” ani KPL National President at first nominee Raoul Manuel.
“Ang lalo dapat nating ibandera ay ang gusto nating manalo sa loob at labas ng kongreso.”
#LabanKabataan