Walang “honor” pero may “excellence”


Kung may world rankings lang ng pagiging bingi sa kahingian ng mga estudyante at kaguruan, marahil nangunguna na dito ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) bunsod ng Board of Regents (BOR) nitong anti-estudyante kayat mga estudyante din ang naisasakripisyo at nahihirapan. 

Matapos manalasa ang Bagyong Rolly, lalo na sa Bicolandia at Timog Katagalugan, umigting ang panawagan ng mga estudyante para sa pagpapalawig ng naitakdang iilang araw na “reading break” upang bigyang-luwang ang mga apektado ng nagdaang bagyo. 

Iniiinda ng mga estudyante ang mga bahay nilang nawasak, at sirang poste ng kuryente, signal, at internet, at kanilang mental health habang tambak at umiiyak na sa mga backlogs at readings.

Tumugon si Chanselor Fidel Nemenzo sa isang memorandum na “case-to-case basis” ang batayan ng suspension at konsiderasyon sa mga estudyante. Binigyang-diin din niya ang panawagang “no student left behind.” 

Subalit ang mga paglilinaw na ito ni Chancy ay mas nagdulot pa nga ng kalituhan — hindi sa usaping teknikal kundi sa mga prinsipyong “honor and excellence” na ibinibida ng UP. Nawawala ang “honor” ng pamunuan ng UP sa pagiging bingi sa higit 100 organisasyon sa UP Diliman pa lang na nagkaisa para sa ekstensyon ng break.

Habang ang mga estudyante ay namomroblema na wala silang Internet, kuryente, at signal, na nasiraan o nawasak ang kanilang mga bahay, walang makain, maraming backlogs at hindi na puwedeng matambakan, at nagbabalak nang maglo-LOA (leave of absence) o lumuwas pa-Maynila para makapag-aral pa, ampaw na mga salita at pangako ang isasalubong ng pamunuan ng pamantasan sa kawalang-katiyakan at pangamba ng maraming estudyante. 

Nasaan ang “honor” kung wala pa ring malinaw na tugon at guidelines ang UP na may diin sa maka-estudyante at makataong pagturing sa gitna ng matinding bagyo at pandemya?

Nakakairitang marinig na ulit-ulitin ang “no student left behind” kung mismong ang karanasan ng mga estudyante na ang nagpapakita na napag-iiwanan sila at wala namang komprehensibong pagtatasa at interbensyon ang pamunuan dito. 

Taliwas pa ngang sabihin pa nila iyan dahil pikit-matang ipinilit nila ang pagbubukas ng mga klase noong Setyembre sa kabila ng panawagan ng mga sektor ng UP na ipagpaliban muna para higit na makapagplano pa.

Kagaya lamang ng K-12, eksperimento muli ang naranasan ng mga estudyante. Mula sa pagsiksik sa 14-linggong semestre, pasorpresang reading “break” na naging “backlogs week”, at ngayo’y case-to-case basis na suspension. 

Higit lamang na pinapatunayan ng mga huwad na repormang ito ang pagkakulong ng UP administration sa dikta ng neoliberal na kultura at patakaran na ipinapasa ang institusyonal na kapangyarihan at problema sa kamay ng mga indibidwal (i.e. mga estudyante at guro) na higit na mas masusuportahan sana ng UP.

Lumilitaw ang higit na pagkiling ng tugon ng UP sa indibidwalistang pihit ng remote learning. Sa hitsura ng “case-to-case basis” na suspensyon, nababalewala ang kakayanan ng institusyon na magpatupad ng mga awtoritatibong desisyon upang ibsan ang pangamba ng mga estudyante. 

Sa isang banda, uugat ito sa pagmamadaling magbukas ng mga klase. Ang panawagang #DoBetterUP ay pagkilala na may kakayahan ang pamunuan na magbalangkas ng maayos na mga guidelines para sa kapakanan ng lahat, nang hindi napag-iiwanan ang mga sektor nito.

Sa neoliberal na edukasyon, tunay nga namang mas matimbang ang productivity at profitability ng bawat indibidwal para ibalewala ang pagiging kolektibong problema ng class suspension at  ng climate change, ang diktadura ni Rodrigo Duterte, at ang krisis medikal sa bansa. 

Kung ang edukasyon ng UP ay para lamang sa world rankings, imperatibo ito sa mga estudyante na hanapin ang “pamantasan sa loob ng pamantasan” — ang radikal na espasyo kung saan ang hindi itinuturo ng neoliberal na UP ay maaaring matutunan at maisapraktika nang sama-sama. 

Isang bahagi lamang ng diskurso ang pananalasa ni Rolly sa bansa. Sa panahon ng neoliberal na kultura, dapat maintindihan ng mga estudyante na ang kanilang edukasyon ay dapat lumampas pa sa grades at tumawid sa paglikha ng kinabukasan. Lahat ng mga isyung ito ay magkakaugnay kung bakit mayroong mga estudyanteng napag-iiwanan. Aminin na natin, sa kasalukuyang sistema, pribilehiyo talagang makapag-aral at hindi ito ang sagot sa kahirapan!

Nakaugat pa rin ang panawagan para sa pagpapalawig ng makataong academic break sa mas mahabang kampanya para sa #LigtasNaBalikEskwela. Posible lamang ito kung matutugunan ng rehimeng Duterte ang problema ng COVID-19 at kaakibat nitong pagbagsak ng ekonomiya. 

Ngunit may isa pang posibilidad, ito ay patalsikin na si Duterte ng lumalakas na kilusang masa at likhain ang lipunang may pagtatangi sa libreng lupa, trabaho, edukasyon, at kalusugan para sa lahat. Kung gayon, bahagi ang suliranin sa edukasyon sa mas sistemikong problema na nangangailangan ng pagkakaisa na lampasan ang indibiduwalismo upang solusyunan ng masa.

Dapat ding makiisa at makinig ang BOR at buong administrasyon ng UP System sa mga malawakang kampanya at panawagan ng mga estudyante, fakulti, at iba pang sektor nito na silang pangunahing apektado ng mga polisiyang inilalabas ng pamunuan. 

Halawan sana ng aral ang mga pagkakamali ngayon at dapat iwasto ng UP na dapat kumiling na sa mga sektor nito. Mainam pa, maitulak rin nito ang totoong ligtas na balik eskwela at pagresolba sa pandemya.

Sa halip na tunggaliin ang interes ng mga constituent nito, ang UP mismo ay dapat itulak ang kagyat na ligtas na balik-eskwela. Bilang institusyon, may dambuhalang kapangyarihan ang UP sa pampamantasan at pambansang diskurso. Mahaba rin ang kasaysayan ng tunggalian ng radikalismo at konserbatistang neoliberalismo sa pamantasan. 

Sa huli, upang wala talagang mapag-iwanan, dapat maging radikal din ang pamunuan at ugatin ang mga problema ng kahirapan sa pag-aaral sa mas malalim na estruktural at sistemikong ugat nito sa lipunan.

Sapagkat kung mananatili sa balik-eskwelang hindi ligtas at patas ang polisiya, mga salitang walang kahulugan ang “no student left behind” at “utmost consideration” at tahasang pagkalimot sa “honor” na ipinagkakanulo ng UP para lamang sa “excellence” ng world rankings nito.

Unang inilathala noong Nobyembre 8, 2020

Featured image by ABS-CBN

Miseducation of the Filipino student

Puksain ang Duterte virus!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *