Katulad ng 15 pang indibidwal sa Timog Katagalugan, pinararatangang terorista ng 59th Infantry Battalion – Philippine Army (IBPA) si John Peter “Jpeg” Garcia, UP Student Regent Third Nominee at tagapangulo ng Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST) – UPLB.
Ayon sa natanggap na ulat ng YAPJUST-UPLB noong September 1, 2023, isinasangkot si Garcia ng 59th IBPA sa kaso ni Hailey Pecayo, isa pang tanggol-karapatan na pinararatangang terorista, dahil sa diumano’y paglabag sa Anti-Terror Act (ATA) of 2020 at Republic Act No. 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni Sgt. Jean Claude Bajaro ng 59th IBPA – ang nagsampa rin ng kaso laban kay Pecayo, sumama si Garcia sa isang “Tour-of-Duty” (TOD) kasama ang New People’s Army (NPA) noong 2021. Sabi ni Bajaro, mas kilala raw sa tawag na “Tango” si Garcia sa NPA.
Ngunit sabi nila Garcia, ang “filing spree” ni Bajaro ay bahagi lamang ng sistematikong pagpapatahimik sa mga tanggol-karapatan at ibang aktibista sa Timog Katagalugan.
“We stand that these accusations are all lies as part of the military’s attempts to blur the lines between armed and civilian individuals. We expect more of these under the new National Security Policy of the Marcos Jr. administration in general, and the CALABARZON and MIMAROPA Regional Development Plans in particular, which only let the NTF-ELCAC to leech in all sectors of economic and political life,” saad ni Garcia sa isang press conference.
Nagmumula ang paratang ng militar sa isang fact-finding mission na pinangunahan ng Tanggol Batangan, Mothers and Children for the Protection of Human Rights (MCPHR), at ng Karapatan Southern Tagalog noong July 2022 upang imbestigahan ang pagpatay ng hukbo ng 59th IBPA sa isang 9-taong-gulang na si Kyllene Casao sa Taysan, Batangas. Kasama dito sina Garcia at Pecayo, pati na rin si Jasmin Rubia at Kenneth Rementilla, mga mag-aaral ng UP Los Bańos na sinasampahan din ng kaso.
“Malinaw namang idinikit lang nila ako sa pangalang “Tango” para mang-intimidate dahil kasama ako sa mga nag-imbestiga sa pagpatay ng 59th IB kay Kyllene Casao last year, at dahil paralegal ako ni Ken Rementilla na inaakusahan din nila. August last year pa sila nagsampa ng reklamo sa isang “Tango” pero bakit ngayon lang nila ako dinawit dito?” ani Garcia.
Ang mga paratang, ayon sa mga tanggol-karapatan na inaakusahan, ay patunay lamang na estado ang tunay na terorista, dahil sila ang gumagamit ng takot at dahas para isulong ang kanilang interes.
“59th IB, panagutin!” hiyaw ng mga tanggol-karapatan
Giit ng mga progresibong grupo, nais lamang ng 59th IBPA na ibaon sa limot ang kanilang pagpatay kay Kyllene Casao, siyam na taong gulang, noong Hulyo 18, 2022.
Ayon sa militar, naipit sa engkwentro si Casao noong araw na iyon, bandang ala-una ng hapon, at nasawi dahil natamaan ng ligaw na bala.
Ngunit ayon naman sa salaysay ng mga residenteng nagsasabi na walang nangyaring engkwento. Anila, bandang alas-diyes ng umaga ay nakaring na sila ng mga pagputok, at tumatakbo si Casao mula sa militar nang barilin ito ng mga sundalo sa ulo.
Hindi lamang si Casao ang may ganitong kaso sa Timog Katagalugan. Sa katunayan, matagal nang dumadaing ang mga komunidad sa Batangas dahil sa tumitinding presensiya ng militar.
Isa nang halimbawa si Maximino Digno—isang sibilyang magsasakang nasa 50 taong gulang na pinatay sa Cahil, Calaca noong ika-26 ng Hulyo, at iba pang magtutubo na patuloy na inaagrabyado ng mga militar.
Tambalang AFP at NTF-ELCAC, takot ang dulot
Maliban sa nararanasang atake ng Timog-Katagalugan, malubha rin ang kalagayan ng karapatang pantao sa iba pang parte ng Pilipinas.
Kamakailan lamang, alinsunod sa Whole of Nation Approach ng kontra-insurhensya, pinalawig pa lalo ng NTF-ELCAC ang impluwensiya nito sa mga pribado at pambulikong ahensya. Sa kasalukuyan, 32 na ahensya na ng gobyerno ang kasama sa NTF-ELCAC, at maging ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at iba pang malalaking organisasyon ay mayroon nang representante.
Lumalaki din ang kahingian ng mga ahensya ng gobyerno para sa Confidential at Intelligence Funds na, kung pakikinggan ang mga progresibong grupo, ginagamit lang naman sa paniniktik at panrered-tag kung hindi sa korupsyon.
Hindi rin maipagkakaila na sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte, dumarami pa ang kaso ng paglabag sa karapatang pantao hindi lamang ng mga tanggol-karapatan kundi ng lahat ng aktibista, lalo na ang mga kabataan.
UP Student Regent 2nd Nominee Red Masacupan, halimbawa, ay nakatanggap din ng isang sulat na pinararatangan siyang komunista at pinagbabantaan siyang mayroong nakamasid sa kanya.
BASAHIN: https://twitter.com/PahayagangKAPP/status/1694200540975300635?s=20
Ito ay matapos ang iba’t ibang banta sa seguridad na dinanas ng mga lider-estudyante at mamamahayag pangkampus habang nasa Davao para sa General Assembly of Student Councils.
BASAHIN: https://twitter.com/PahayagangKAPP/status/1697505755979808966?s=20
Dumarami din ang kaso ng sapilitang pagkawala, katulad nina Jonila Castro at Jhed Tamano, parehong tanggol-karapatan at tanggol-kalikasan, na dinukot sa Bataan noong Setyembre 2.
Hindi pa rin naman napalilitaw ang iba pang tanggol-karapatan katulad nina Dexter Capuyan at Bazoo De Jesus na nawawala na mula pa noong Abril 28.
Ngayong sunod-sunod na ang mga paglabag sa karapatang pantao, muling isinusulong ng mga progresibong mambabatas ang Human Rights Defenders Act na inaprubahan ng House human rights committee noong Pebrero.
Nais ng naturang panukala na mabigyan ng importansya ang mga tanggol-karapatan, organisasyon at kanilang trabaho, obligasyon ng estado sa kanila, at ang pagkakaroon ng isang Human Rights Defenders Protection Committee na naka-angkla sa mga probisyon na nasa United Nations (UN) Declaration on the Rights of Human Rights Defenders na inadopt noong 1998.
Ngunit hanggang ngayon, nakabinbin pa rin ang naturang panukala sa Kongreso.
Gayunpaman, para sa mga tanggol-karapatan, hindi pa natatapos ang laban. Bagamat kabi-kabila pa rin ang pag-atake sa kanila ng estado, dahilan lamang daw ito para lalo pang palakasin ang mga panawagan para ibasura ang Anti-Terror Act, itakwil ang red-tagging at itaguyod ang karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte.
Ang larawan ay kuha ni Johannes Hong