Noong Abril 27, opisyal nang inanunsyo ng kampo ni Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan ang pagtanggal nila kay reelectionist Sen. Migz Zubiri, mula sa sikat na dinastiya sa Bukidnon, sa kanilang opisyal na senatorial slate. Ito ay dahil sa pag-endorso ni Zubiri sa anak ng diktator na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Si Zubiri ay nakaraan ding nadawit sa isyu ng electoral fraud noong taong 2007 kung saan inakusahang siya ay nandaya sa eleksyon kaya nagbitiw rin ito noong 2011.
Samantala, mula nang lumabas ang balitang ito, nagsimulang umugong ang mga panawagang isama ang human rights lawyer na si Atty. Neri Colmenares sa senatorial slate ng tambalang Leni-Kiko.
Kanilang pagdidiin, #WeWantNeri.
Si Colmenares ay kabilang lamang sa slate ng koalisyon 1Sambayan ngunit hindi sa opisyal na slate ng tambalang Leni-Kiko. Gayunman, isinama pa rin siya ng maraming tagasuporta ng pangulo sa kanilang balota dahil sa kanyang mga plataporma. Noong Enero, pormal na inendorso ng Koalisyong Makabayan ni Colmenares sina Robredo at Pangilinan.
Maraming dahilan kung bakit marami ang gustong bumoto at bumoto na kay Colmenares, o mas kilala bilang si Neri, sa kanyang ikatlong subok na tumakbong senador. Kung track record lamang ang batayan, tiyak na sabay na ipapanalo ni Colmenares ang pagiging senador at ang interes ng sambayanang Pilipino.
Siya ay prominenteng human rights lawyer, ang tumatayong pangulo ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL). Ilan sa mga tanyag na kasong hinawakan niya ay ang pagpigil sa pagtataas ng singil ng MERALCO noong 2007, pagmonitor sa mga biktima ng draug war ni Duterte, at ang pagbasura sa anti-mamamayang Anti-Terrorism Act.
Bilang mambabatas ng Bayan Muna Party-list, ipinanukala niya ang mga batas para sa emergency text kung may kalamidad, pagtataas ng SSS pension, batas laban sa tortyur at desaparacidos, at danyos para sa mga biktima ng Martial Law, at pagtutol sa mga anti-masang batas ng administrasyong Duterte,
Maagang namulat si Neri sa karahasan ng mga diktadura. Sa panahon ng Martial Law, isa siya sa mga pinakabatang bilanggong politikal sa edad na 18 dahil sa kanyang pag-oorganisa sa Student Catholic Action at College Editors Guild of the Philippines sa kampanyang ibalik ang mga konseho at publikasyon ng mga mag-aaral. Bilang aktibista, pinanday ang militansya ni Neri sa pakikipagsagupa sa diktadura.
Nakulong siya at nakaranas ng iba’t ibang uri ng tortyur sa loob ng apat na taon. Kaya naman, matibay ang kaniyang paninindigang harangin ang pagbabalik ng pamilya Marcos sa Malacañang, at siya ring hadlangan ang muli na namang pagkapanalo ng isa pang Duterte. Sa esensya, si Neri ay anti-diktadura dahil siya ay para sa masa.
“It pushed me to pursue a senatorial run and more so the advocacies to defeat him. What does a Marcos win say about their victims? That we lied about our experiences, that all the suffering never happened?” ani ni Colmenares sa isang panayam.
Sa loob man o labas ng Kongreso, siya ay “fighter ng bayan” para sa karapatang pantao.
Pangunahing inakda niya ang Anti-Torture Act, ang unang nagbigay ng depinisyon at parusa sa iba’t ibang anyo ng mental torture sa bansa. Siya rin ang nag-akda ng Human Rights Victims Reparation and Recognition Act na nais bigyan ng indemnisasyon ang mga biktima ng Batas Militar kung saan ang pondo ay manggagaling sa P10 bilyong halaga ng ill-gotten wealth ng mga Marcos.
Bunsod ng kanyang paninindigan, madalas ng biktima ng panreredtagsi Neri, kasama ang ilang mga progresibong grupo. Paulit-ulit na idinawit si Neri sa mga armadong grupo. Ngunit ang tugon niya, kailangang maintindihan kung bakit may nag-aarmas.
Kaya naman, ninanais din niyang sugpuin ang red-tagging sapagkat tinatapakan nito ang ating karapatang makapagpahayag na protektado ng Konstitusyon.
“If there are dissenters and opposition, we should let them be. A government that is intolerant of dissent must not happen because this will result in the fall of checks and balances, institutions and good policies in the government,” ani ni Colmenares patungkol sa isyung ito.
Patunay ang kanyang mga pangunahing pagkilos bilang isang kabataang aktibista noong Batas Militar hanggang sa kanyang pagtindig sa Kongreso sa layunin niyang isulong ang kapakanan ng masa.
Maganda ang paalala ni Neri sa espasyo ng radikal na politika sa pangkalahatang bulok at reaksyunaryong katangian ng bansa. Ang pagpapasa ng mga batas ay dalawahan. Una, inaakda ito sa loob ng mga institusyon ng mga mambabatas. Pangalawa, at mas mahalaga, nakasalalay ang tagumpay ng mga batas na ito sa lakas ng kilusang masa–kung paano ito ipinaglalaban upang mapakinabangan ng bayan.
Kalakip nito, ang kanyang mga plataporma at planong programa para sa darating na eleksyon na tunay na maka-mamamayan kumpara sa ibang mga trapo’t mga political dynasties na sariling ganansiya lamang ang iniaangat. Kasama niya si Elmer “Ka Bong” Labog, sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, na naghahangad na magtaguyod ng isang makabayang pagbabago para sa ating bansa.
BASAHIN: https://bit.ly/3y1WvRf
Ang Kayang-Kaya Platformni Colmenares ay naglalayong magpokus sa mga sumusunod na hakbangin.
- Pagkakaroon ng libreng gamot at pagamot para sa lahat
- Mataas na sahod at kabuhayan
- Magkaroon ng kapayapaan batay sa hustisya at paggalang sa karapatan
Mula nang inendorso ng Makabayan sina Robredo at Pangilinan, aktibo rin sila ni Labog dumadalo sa mga rally ng tambalan upang malawakan pa itong ikampanya sa mga tao at iboto sa darating na halalan at isulong ang pag-angat ng buhay ng lahat.
Maraming karanasan bilang aktibista at kinatawan ng partido. Maraming mga batas na naipasa, at patuloy na isinusulong. Mayroong tiyak na komprehensibo at makamasang plataporma. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit dapat iboto si Neri.
Tunay na #KayangKaya ipanalo ang isang makabayan at makamasang pagbabago sa darating na eleksyon. Tunay na #KayangKaya sugpuin ang tambalang Marcos-Duterte.
Kaya naman nararapat lamang din na siya ay maisama sa natitirang slot sa senatorial slate ni VP Leni dahil tiyak na maipapamalas din niya ang gobyernong tapat at angat-buhay para sa mga mamamayang Pilipino. Subalit sa dulo nito, maisama man o hindi, tuloy ang laban sapagkat ang demokrasya ay dapat umiral higit pa sa halalan.
Hindi radikal ang pagmamahal kung wala ang mga radikal. Muli, #WeWantNeri.
#MakabayangPagbabago
Featured image courtesy of Interaksyon