Susi sa isang mapagpanibagong demokrasya at lipunan ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon. Marapat na ang impormasyon at kaalaman ay aksesible para sa lahat at walang bahid ng diskriminasyon.
Mahalaga na malayang dumadaloy ang mga ideya at impormasyon sa mga mamamayan — mula sa masa patungo sa pamahalaan, pamahalaan sa mga mamamayan, at mamamayan sa mamamayan— at hindi lamang ito ipinipirmi’t ginagawang eksklusibo sa kalunsuran o piling mga uri sa lipunan.
Ngunit buhat ng kasalukuyang krisis pangkalusugan na lumulupig sa Pilipinas, higit na naitampok sa publiko ang kakulangan sa malinaw at maaasahang kaalaman ukol sa pandemya.
Ang pagiging salat sa impormasyon ng mga mamamayan ay mas lumala matapos ipasara ng pamahalaang Duterte ang himpilang ABS-CBN at ang patuloy nitong pagsupil at pagbusal sa mga peryodista’t alagad ng midya. Kung may impormasyon man na inilalabas ang pamahalaan, madalas na hindi ito nakasasapat upang maunawaan ng madla ang buong naratibo ng pandemya, at ang mga ito rin ay pangkaraniwang nakalathala sa wikang Ingles, na malayo sa reyalidad at danas ng isang pangkaraniwang Pilipino.
Bunsod nito, laganap sa lipunan ang malawakang kultura ng disimpormasyon at kawalan ng tiwala ng mga Pilipino sa sistemang pangkalusugan ng bansa, na sinusulsulan ng mga patakarang bulok at pahirap ng administrasyong Duterte.
Habang ang mga polisiyang pangkalusugan ng ibang mga bansa’y nakasandig sa lente ng agham at medisina, sinasawalang-bahala ni Duterte ang malubhang epekto ng COVID-19 sa bansa sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling impormasyon at pabayang kabulaanan ukol sa pandemya, gaya ng paggamit ng gasolina bilang pandisimpekta; ang kanyang patuloy na pamamasista’t pagpipilit na imilitarisa ang paglutas sa pandemya at pagiging bingi sa mga solusyong medikal na matagal nang ipinapanawagan.
Sa pagkakaila sa masang Pilipino ng mapanghahawakang impormasyon na sana’y magiging sandata ng bawat isa upang paghandaan at tugunan ang pandemya, hindi na nakapagtataka na patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Tila nangangapa sa dilim ang masang pinagkakaitan sa panahon ng kagipitan.
Maliban sa inkompetenteng pamamahala at kawalan ng malinaw na plano sa pagsugpo sa pandemya ng rehimeng Duterte, ang pananamantalang ito sa masa sa gitna ng krisis ay nauugat din sa mga polisiyang pangwika ng bansa.
Wikang Filipino sa gitna ng pandemya
Buhat ng ating mahabang kasaysayan sa ilalim ng kolonyal at imperyalistang pamamahala, hindi maipagkakaila na ang buong sistema ng karunungan, mula agham hanggang sa usaping medikal sa Pilipinas, ay nakasalig sa makabagong kaalamang banyaga at ng mga Kanluraning bansa. Ika nga ni Virgilio Almario, “Malaking bahagi ng ating sarili ang banyaga.”
Ang mahapis na kalagayan ng ating wika ay mas pinalubha pa ng mga neoliberal na polisiyang pangwika na ipinapatupad ng pamahalaan. Halimbawa, magmula nang ito’y malagdaan, naging malaking dagok sa ganap na intelektwalisasyon ng Filipino ang idinulot ng CHED Memorandum no. 20 seryeng 2013, o ang pag-alis sa wikang Filipino bilang isang asignatura sa kurikulum ng kolehiyo. Ang polisiyang ito ng CHED ay kinatigan ng Korte Suprema noong 2019 at tuluyan nang isinawalang bahala at binalasubas ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang isang asignaturang dapat pag-aralan at payabungin.
Ngunit higit kaysa pagiging wika sa pang-araw-araw na usapan at wika ng mga pangkaraniwang Pilipino, kailangang maging bahagi ang wikang Filipino ng katauhan at naratibong Pilipino sa paraang ginagamit itong kasangkapan sa lahat ng pangangailangan ng lipunang Pilipino, lalo na sa panahon ngayon kung saan may kinakaharap ang bansa na krisis. Kung kaya’t marapat na ilapat sa wikang Filipino ang mga terminolohiya’t impormasyong may kinalaman sa pandemya.
Kung maaalala, ang ganitong resolusyon at suri ay ang siyang isinulong ng UP Diliman College of Arts and Letters (UPD CAL SC) sa unang araw ng 51st General Assembly of Student Councils (GASC) noong ika-31 ng Agosto, 2021. Sapagkat ang pagsasa-Filipino ng mga banyagang kataga at kaalaman hinggil sa pandemya ay mas lalong magpapatingkad sa pagsasalarawan ng reyalidad ng masang api sa kasalukuyang panahon.
Mas naisasalaysay ng wikang Filipino ang kalikasan ng kanilang kalagayan, at binibigyang-linaw ang tunay na estado ng ating lipunan na malayo mula sa huwad na pagsasalarawan ng mga naghahariang-uri. Sa ganitong salig, nalalabanan ang anumang uri ng panlilinlang at mas nauunawaan ng mga mamamayan ang kanilang mga danas sa gitna ng pandemya.
Pangangapa sa dilim
Sa kabila ng pagkakaroon ng isa sa pinakamataas na datos ng impeksyon sa Timog-silangang Asya, nananatili pa ring ligaw ang masang Pilipino sa gitna ng pandemya. Habang abala ang ibang mga bansa sa muling pagbabalik ng kanilang mga normal na pamumuhay na minsan nang ninakaw ng krisis, ang Pilipinas naman ay tila balisa at regresibo ang pag-unlad sa panibagong “normal” na pilit idinidikdik ng pamahalaan.
Sa pagtatapos ng Agosto, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng kabuuang 1,989,857 na kaso ng COVID-19 sa bansa, 7.3% dito ay aktibo habang ang 91.0% ay gumaling na, at ang natitirang 1.68% ay namatay. Kung susumahin, ang katampatang bilang ng mga bagong impeksyong iniuulat sa Pilipinas bawat araw ay umaabot ng higit sa 17,100.
Samantala, ayon sa ulat ng Reuters, mabagal ang paglunsad ng bakuna sa mga mamamayan sa kabila ng mga nagtataasang estadistika na ito buhat ng kawalan ng publiko ng tiwala sa mga bakunang inilalabas ng pamahalaan. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nakapagpalabas na ng hindi bababa sa 33,099,392 na doses ng mga bakuna sa COVID-19. Ipinagpapalagay na ang bawat tao ay nangangailangan ng dalawang dosis. Nakasasapat na ito upang mabakunahan ang nasa 15.3% ng populasyon ng bansa. Sa usad na ito, aabutin ng karagdagang 62 araw upang maibigay ang sapat na dosis para sa susunod pang 10% ng populasyon.
Kung kaya’t ang pagbabantukot sa pagpapabakuna ay maituturing na isang malaking suliranin sa buong Pilipinas.
Sa isang sarbey na isinagawa ng Social Weather System (SWS) mula Abril hanggang May 2021, halos 33% ng mga tinanong na Pilipino ay ayaw magpabakuna, 35% ang hindi sigurado, at 32% naman ang payag kung mabibigyan ng pagkakataon. Lumabas din sa naturang pagsisiyasat na 39% ang natatakot sa posibleng mga side effects ng bakuna, habang 21% ang naniniwala na hindi ligtas at epektibo ang pagpapaturok, at 11% ay may impresyon na maaaring maging sanhi ng kamatayan ang bakuna. Ang iba ay binanggit ang kanilang katandaan o pagkakaroon ng mga karamdaman at takot na ang bakuna ay ang siyang magpapasakit sa kanila o bibigyan sila ng COVID-19.
Sinusuhayan ang mga talang ito ng DOH, matapos magsagawa rin ng suri at napag-alaman na ang takot ng mamamayan sa pagpapabakuna ay nauugat sa kanilang kaligtasan at ang pagiging epektibo ng mga bakuna.
Ipinapahiwatig ng mga datos na ang pagbibigay ng mapagkakatiwalaan at totoong impormasyon tungkol sa kung paano lininang at sinubukan ang bakuna, at ang pagiging epektibo nito bilang pangontra sa sakit, ay maaaring magsilbing tulay sa agwat na ito sa kaalaman.
Subalit, magagawa lamang ito kung magkakaroon ng lokalisasyon ng mga impormasyong may kinalaman sa COVID-19— isang proseso na mas naglalapit sa mga mamamayan at sa mga makabago’t progresibong karunungan na kinakailangan ng bawat lahat upang suungin ang walang katiyakan na bukas buhat ng kasalukuyang krisis.
Lokalisasyon ng kaalaman
Ang hamon na ipabatid sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang mga balita’t kaalaman tungkol sa pandemya, na may mga aksesible’t naaangkop na kontekstong panlipunan, ligal, pang-edukasyon at pangkultural, ay nakasalalay sa pagpili ng magiging basalyo ng komunikasyon at ang kahalagahan nito; ang kredibilidad at pagiging angkop nito sa kultura ng komunidad na paglalapitan ng impormasyon; at higit sa lahat, ay ang wikang gagamitin.
Ayon sa ulat ng UNESCO noong 2020, mahalagang isaalang-alang din ang mga wika sa paggawa ng mga polisiya sa panahon ng krisis gaya ng COVID-19 sapagkat mahalaga itong sangkap sa paglalatag ng mga impormasyon at sa pagtataguyod sa mga karapatan ng mga tagapagsalita ng wikang ito.
Aniya, mainam na siguraduhin na ang pagbabahagi at pagiging aksesible ng mapagkakatiwalaang impormasyon ay inklusibo at sumasalamin sa pagpapakahulugan ng mga minorya at katutubong wika. Kung kaya’t mahalaga ang isang kritikal na pagsusuri na isinasaalang-alang ang konteksto ng iba’t ibang etnolinggwistikal na kasapi ng Pilipinas.
Ang tagumpay ng prosesong ito ay nakasalalay sa konsultasyon kasama ang mga katutubo at pangkat-etnikong pamayanan. Binibigyang-daan ng mga konsultasyong ito at mga pagkilos na batay sa pinagkasunduan ang paglalaan ng mga patakarang pangkalusugan na sumasalamin sa kanilang mga danas, diwa, proseso at kasanayang panlipunan at kultural, at kanilang reyalidad bilang mga pangkat na may sariling pagkakakilanlan, wika, kasaysayan, at ahensya.
Kung kaya’t bilang bahagi ng panawagan sa nagdaang Buwan ng mga Wika, panahon na upang gawing aksesible at tunay na nagsisilbi sa masang Pilipino ang karunungang agham at medisina.
Kinakailangan nang buwagin ang pagiging eksklusibista ng kamalayan sa agham at medisina para sa iilan at maliit na sektor ng mga mas nakatataas na may pribilehiyong magpakadalubhasa sa Ingles, at buksan na ang pinto ng karunungan para sa lahat ng walang bahid ng diskriminasyon at pagtatangi.
Marapat lamang na ilokalisa na ang mga kaalaman at impormasyong pang medisina at agham sa Filipino at iba pang wika sa bansa— ang mga wika ng bansa na nagtataglay ng mga katangiang likas sa bansang Pilipinas, na siyang mahalagang kasangkapan sa paglalahad ng pambansang kamalayan sa masa.
Kinakailangang nauunawaan ng sambayanan ang impormasyong inihahatid sa kanila sapagkat ito ang kanilang magiging sandata upang bakahin ang dalawang krisis na yumuyurak sa Pilipinas— ang pandemya ng COVID-19 at ang krisis na dulot ng pamamahala ni Duterte.