Parangal kay Kasamang Yuuki M. Kato

“Ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng nag-uumapaw na pagmamahal.” 

– Che Guevara

Natutunan niyang mahalin ang rebolusyonaryong pakikibaka at dito siya naging kamahal-mahal na rebolusyonaryo. Tangan ang mapanlabang prinsipyo, matalas at masigasig na propagandista si Yuuki. Mahusay siyang gumuhit ng linya ng pag-iiba at bumuo ng mga moog ng pagkakaisa sa panulat niya. Ang kaniyang mga matatalas na salita ay sanlibong laslas na nakapagpapadugo sa mga kaaway.

Nagsilbi si Yuuki bilang istap ng SINAG mula 2020 hanggang 2022. Sa kaniyang pananatili sa publikasyon, hindi mabilang na mga balita, lathalain, at opinyon ang kaniyang naisulat. Minsanang naging host din siya ng programang SINAG Spotlight. 

Pumapaksa ang mga artikulo niya sa iba’t ibang isyung panlipunang lubos niyang pinag-aralan tungo sa pagbabago ng mundo. Walang-takot siyang namahayag hinggil sa ligtas na balik-eskwela, anti-pasismo, anti-imperyalismo, at kilusang masa upang ipatimo ang halaga ng kolektibong aksyon at pagpapanagot sa mga krimen ng rehimeng Duterte.

Sa kabila ng mga nakasusugat niyang mga salita sa kaaway, malambing at mapagmahal si Yuuki bilang isang kasama. Matapat ito sa mga pagtatasa, pag-e-edit, at pagpupuna. Lagi niyang inaasikaso ang pag-aaral at diskusyon ng mga manunulat sa pahayagang pangkampus bilang tagapamandila ng alternatibong peryodismo. Kinalinga niya rin ang mga aplikanteng istap at ginabayan sila sa pagsusulat. Maagap siyang kumilos at laging handang sumulat para magmulat, magsiwalat, makibaka at magpalaya.

Sa edad na 20, maraming sangandaan at bako-bako ang landas na dinaanan ni Yuuki. Gayumpaman, paalala siya na maningning ang kinabukasan sa landas ng paglilingkod sa sambayanan. Binawi man ng kanser ang buhay niya, saksi kami sa danas ni Yuuki sa maalab na diwa ng kaniyang pagka-makabayang kabataan na sagupain ang mga kanser ng lipunan—ang dayuhang dominasyon, monopolyo sa lupa, at pagiging negosyo ng gubyerno. Nakisulat siya ng mga kabanata sa naratibo ng bayang nakikidigma.

Batid nating may mga personal na salik sa kaniyang pagpanaw. Subalit, alalahanin natin ang matapang na Yuuki na nakibaka sa mga kanser ng lipunan. Ito ang aral na iniiwan niya sa atin—ang patuloy na pagsusulat sa naratibo ng pakikibaka. Ang kaniyang kapasyahang igpawan ang mga balakid upang magpatuloy, sumulong, at magtagumpay ay dakilang hamon para sa lahat ng mga mag-aaral ng Agham Panlipunan at propagandista na patuloy na tanganan ang interes ng sambayanan hanggang sa huli.

“Natitiyak ang kamatayan subalit nag-iiba ang kahulugan. Ang mamatay nang naglilingkod sa aping sambayanan ay kasimbigat ng Bundok [Sierra Madre] at ang mamatay na naglingkod sa mga pasista at kaaway ay kasimbigat lamang ng balahibo.” Tunay na simbigat ng bundok ang buhay na kaniyang ibinahagi sa atin. Ang pinakamataas na parangal na maaari nating igawad sa kaniya ay ipagpatuloy ang pagpapatag ng mga bundok, ang mga kanser ng lipunang nilabanan din niya, na nambubusabos sa sambayanang Pilipino.

Isang sinag si Yuuki na hindi nais manatili sa karimlan. Sinag na nagpapaliwanag ang kaniyang mga sulatin at pagkatao. Sinag na tatanglaw sa mga susunod pang magpapatuloy sa landas na pinili niya—patungo sa tagumpay, nananatiling pag-iral na minsang nakasama namin siya sa puspusang pakikibaka at pagpupunyagi.

Lagi nating alalahanin ang kaniyang paalala: “Sa ngayon, pinakamahalaga ang kolektibong aksyon.” Wala man na siya sa atin ngayon, buhay na buhay siya sa kaniyang mga iniwan sapagkat siya ay laging “kasama kailanman.”

Mananatili ka sa aming gunita, sa mga pinakamaliit na bagay. Pinakamataas na pagpupugay, Yuuki!

#APresencePreserved

#RememberingYuuki

Dibuho ni Kate Gotis

Peasant minor files multiple charges against CAFGU, AFP officials

MALAPYUDALISMO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *