Naglabas ang Alliance of Contractual Employees in UP (ACE UP) ng isang manipesto na nagdidiin ng kanilang mga panawagan para sa karagdagang items at regularisasyon.
Ilang taon nang dinadaing ng mga kontraktwal sa loob ng unibersidad ang kawalan ng aktibong pagtugon ng administrasyon ng UP sa pagtanggal ng kontraktwalisasyon. Kalakhan ay hindi pa napapamahagian ng maayos na sahod.
Ani ng alyansa, maaaring tugunan ang problema sa kontraktuwalisasyon sa paglalaan ng sapat na pondo para sa karagdagang 3,343 items na binubuo ng 1,277 para sa teaching personnel at 2,066 para naman sa non-teaching personnel. Liban pa rito, kanilang pinagdiinan ang paghingi ng suporta mula sa mga mambabatas sa kanilang pag-tutol sa malakihang tapyas ng badyet sa pamantasan.
Para sa taong 2022, ang administrasyong Duterte ay naglaan lamang ng P20.1 bilyon na badyet para sa unibersidad. Ito ay halos kalahati ng inihaing badyet ng pamantasan na nagkakahalagang P36.5 bilyon. Kalakip sa mga maaapektuhan ng kaltas na ito ay ang Philippine General Hospital, primaryang COVID referral center sa bansa, at tulong-pinansyal sa mga mag-aaral sa gitna ng online learning set-up. Isa pa rito ay ang kakulangan ng maaaring ilaan para sa pagreregularisa ng mga kontraktawal.
Ayon sa ACE UP, mahigit 3,000 ang mga manggagawang kontraktwal sa loob ng pamantasan.
“Sa kabila ng mga gawad na ito [world rankings], hindi napapahalagahan ang mga kontribusyon naming mga kontraktwal na gumagampan ng mga pangunahin at mahahalagang tungkulin sa pagpapatuloy ng operasyon ng Unibersidad at pagpapatupad ng mga programa at proyekto nito,” ani ng ACE UP.
Ang mga kontraktwal sa UP ay binubuo ng mga teaching personnel, assistant, at fellow, mga research assistants, administrative staff, at security guards. Pagdidiin ng ACE UP na sa kabila ng maka-ilang taon na nilang pagseserbisyo ay hindi sila kinikilala ng administrasyon kung kaya’t ang kanilang mga karampatang benepisyo ay hindi nila natatamasa.
Dagdag pa rito ang kawalan ng kasiguraduhan sa pamamahagi ng kanilang kita, lalo na ngayong pandemya sa pahirap na “no work, no pay” na iskema ng administrasyon.
Kasama ng manipesto ang isang Google Form na maaaring lagdaan: https://forms.gle/E2HFYEb5fb7VC7n16
Naniniwala ang ACE UP na hindi nararapat na magkaroon ng kahit anong espasyo ng diskriminasyon sa loob ng pamantasan, at patuloy silang lumalaban upang mas magiit ang kanilang mga karapatan sa regularisasyon, sapat na kita, at mga benepisyo.
Featured image courtesy of ACE UP.