Inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang unti-unting pagbubukas ng pisikal na klase sa mga piling kurso sa kolehiyo sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) nitong Setyembre 28, Martes.
Kinumpirma ito ni CHED Chairperson Prospero De Vera III. Ang nasabing limitadong face-to-face classes ay ilalaan para sa mga programang nangangailangan ng “hands-on experience.”
Ang mga kursong itinakdang buksan para sa pisikal na klase ay ang mga sumusunod:
- Engineering and Technology programs
- Hospitality/ Hotel and Restaurant Management
- Tourism/ Travel Management
- Marine Engineering
- Marine Transportation
Ayon sa CHED, makakatulong ang pagkakaroon ng pisikal na klase sa mga naturang kurso upang matugunan ng bansa ang kinakaharap nitong krisis pang-ekonomiya.
“The Commission thanks President Rodrigo Roa Duterte for the approval of limited face-to-face classes for the said programs in order to contribute to the efforts to boost the economic recovery of the country, as this will directly affect human resource development,” wika ni Chairperson De Vera.
Dagdag pa rito, siniguro ng komisyon na magiging ligtas ang implementasyon ng pisikal na klase sa mga nabanggit na programa. Naging batayan ng CHED ang isinagawang pagsusuri nito sa ilang medical schools at allied health science programs na nauna nang pinayagang magsagawa ng limitadong pisikal na klase simula Enero.
“Based on the data we gathered on the ground, there is a small percentage of students and faculty members who were affected by COVID-19. I’m convinced that it is safe to hold face-to-face classes and it can be expanded to cover other degree programs,” giit ni De Vera.
Ikinatuwa naman ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang desisyong ito ng administrasyon. Anila, isa itong “tagumpay” na idinulot ng sama-samang pakikibaka ng mga mag-aaral para sa #LigtasNaBalikEskwela.
Sa mga nakalipas na buwan, isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamatagal na school closure simula nang pumutok ang pandemya batay sa ulat ng UNICEF.
“Ito ay isang tagumpay para sa mga estudyante na matagal nang inilalaban ang ligtas na balik eskwela. Magpapatuloy pa rin ang NUSP sa paglikom ng suporta para sa pagtitiyak ng tunay na ligtas na pagbabalik eskwela ng mga estudyante,” pahayag ng NUSP.
Sa kabila nito, nananatiling hamon pa rin ang pagsisiguro ng ligtas na pagbabalik eskwela ng mga Pilipinong estudyante buhat ng pagbaba ng pondong nakalaan sa sektor ng edukasyon para sa taong 2022.
Ayon sa Rise For Education – UP Diliman (R4E UPD), ilan sa mga rekisito upang maisulong ang tuluyang ligtas na pagbabalik-eskwela at fieldwork ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor para dito, ang pagtupad ng gobyerno sa obligasyon nito sa kabataan sa gitna ng pandemya, at ang pagprotekta sa demokratikong karapatan at kapakanan ng sangkaestudyantehan at kaguruan.
Ngunit, halos sampung bilyon ang kinaltas sa pondo ng CHED batay sa inirekomenda ng Department of Budget and Management (DBM) noong Agosto. Tinapyasan din ng DBM ang pondo ng mga State Universities and Colleges (SUCs) ng mahigit dalawang bilyon para sa 2022.
Naglaan lamang din ang DBM ng P20.1 bilyon na badyet para sa UP sa susunod na taon. Ito ay halos kalahati ng ipinanukalang badyet ng unibersidad na aabot sa P36.5 bilyon.
Itinuturing na sagabal din sa tuluyang pagbubukas ng pisikal na klase sa bansa ang mabagal na vaccine rollout ng pamahalaan kontra COVID-19.
Ayon sa datos ng Social Weather Station (SWS), 50% o kalahati ng mga kalahok ang nagsabing “somewhat slow” o “too slow” ang takbo ng pagpapabakunang isinasagawa ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 19% pa lamang ng buong populasyon ng bansa ang nagkaroon ng full-dose ng bakuna kontra COVID-19 ayon sa ulat ng Global Change Data Lab, isang non-profit organization na nakabase sa United Kingdom.
#LigtasNaBalikEskwela
Featured image courtesy of Philippine News Agency