Pumayag ang Commission on Higher Education (CHED) sa paglulunsad ng limited face-to-face classes sa lahat ng degree program sa mga lugar na Alert Level 2 nitong ika-5 ng Nobyembre. Bagaman, ang desisyon ay depende pa sa ilang kondisyon.
Ani CHED Chairman Prospero De Vera III, para maisakatuparan ng mga kolehiyo at unibersidad ang limited face-to-face classes ay kailangang may mataas na vaccination rate sa mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan, may pagsang-ayon galing sa Local Government Units (LGUs), at naaangkop ang mga pasilidad para sa pisikal na klase.
Dagdag pa ni De Vera ay napag-usapan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na sa limited face-to-face classes, hanggang 50% kada degree program ang papayagan para sa mga nasa ilalim ng Alert Level 2. Ito ay matapos ibaba ang Metro Manila mula sa Alert Level 3.
Sa kabilang banda, iginiit naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang pangangasiwa ng limited face-to-face classes sa mga kolehiyo ay hindi “instant”. Hindi pa ito agad magsisimula sa darating na Lunes.
Bago pa man ang desisyon ng CHED ay matatandaan ang pagpapahintulot ni Pangulong Duterte sa limited face-to-face classes din sa mga degree program na nangangailangan ng “hands-on experience”.
Ayon sa CHED, maaaring mag-apela ang mga kolehiyo para sa limited face-to-face classes sa kani-kanilang regional units.
Ang mahabang panahon bago ang muling pagbubukas ng mga klase ay kinondena ng ilang mga organisasyon. Ito ay bunsod ng kakulangan ng mainam na pagtugon kontra-pandemya at mga “misplaced priorities” ng administrasyong Duterte.
Nagsagawa ang Student Aid Network ng petisyon noong Hunyo ng panawagan sa P10,000 ayuda para sa mga estudyanteng biktima ng “high price of education,” sanhi ng mga gastos para sa “internet, gadgets, modules, and other necessities to adapt with the blended learning.”
Kalakip ng petisyon ay ang panawagan para sa siyentipiko at komprehensibong solusyong medikal laban sa COVID-19. Ito ay sa kalagitnaan ng pinupunang mabagal na vaccination rollout. Sa ngayon ay hinihintay pa rin ang tugon ng administrasyon.
Sa kabilang banda, isiniwalat ng Agham Youth National sa kanilang pag-aaral na inilabas noong Oktubre 28 na tatlo sa apat na mga mag-aaral ang naniniwalang hindi sila natututo at nasasanay nang sapat sa online learning set-up.
Maraming organisasyon na rin ang matagal nang pinuna ang mga negatibong epekto ng online set-up at matagal na ring hinihingi ang #LigtasNaBalikEskwela.
Katuwang ng Rise for Education (R4E) UP Diliman at iba pang student councils, ang UP University Student Council (USC)ay nangalampang para sa #GenuineReadingBreakNow sa Office of the Vice-Chancellor for Academic Affairs at sa Office of the Vice-Chancellor for Student Affairs. Naglalaman ang petisyong ito na suspendihin ang mga deadlines, quizzes, at examinations mula November 9-12 upang tunay na makapagpahinga ang mga mag-aaral mula sa mga problema dulot ng online set-up.
“A genuine reading break is part of an ever bigger call for genuine academic ease. Now more than ever, with the current struggles and troubles brought about by this pandemic and the remote learning set-up, we must uphold the rights and welfare of the whole UP Community,” tindig ng R4E UP Diliman.
Nagsagawa rin ng vigil protest ang mga mag-aaral ng Saint Louis University sa Baguio noong Oktubre 30 matapos umanong magpakamatay ng sampung mag-aaral sa loob lamang ng isang buwan. Ang candle vigil protest ay panawagan na rin ng mga luwisyano para sa #AcademicBreakNow at #LigtasNaBalikEskwela
Nitong ika-5 rin ng Nobyembre, pinagdiinan ng ilang mga lider-estudyante ang mga kahingian ng mga mag-aaral para sa mas mainam na mga polisiya sa ilalim ng remote learning. Ito ay matapos ang pagtawag ng mga mag-aaral para sa academic break na nahihirapan pa ring makisabay sa remote learning.
“We declare an education emergency… Dapat pigilan na ang lalong pagdami ng mga kabataang biktima ng pahirap na distance learning,” ika ni Kabataan Partylist First Nominee Raoul Manuel.
Binigyang-pansin din sa pagpupulong ang pagtawag sa maagap na pagpasa ng House Bill (HB) 10398 o Safe School Reopening Bill kasama ang ilan pang batas, tulad ng HB 9494 o Emergency Student Aid and Relief Bill, na magpapabilis sa pagsasakatuparan ng ligtas na pagbabalik-eskwela at fieldwork.
Ayon kay PUP College of Communication Student Council President Kassandra Abila, “dahil sa krisis at di makataong moda ng pagkatuto ay unti-unti na ring napapabayaan ng mga estudyante ang kanilang kalagayang pisikal at mental. At marami pang mga pangarap at buhay ng kabataan ang makikitil dahil sa pagpapatuloy ng isang kolonyal, komersyalisado, at anti-demokratikong sistema ng edukasyon.”
Featured image courtesy of Ted Aljibe