Mahigit 600 Nagbakwit sa Negros sa Gitna ng Lumalalang Militarisasyon

Mahigit 653 residente mula sa 168 kabahayan sa Brgy. Salamanca at Brgy. San Jose sa bayan ng Toboso ang napilitang lumikas matapos ang mga operasyong militar na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsimula noong Abril 19, ayon sa mga ulat ng mga residente at grupong pangkarapatang pantao. 

Ayon sa mga ulat sa lugar, isinagawa ang malawakang operasyon ng militar sa gitna ng presensya ng mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA), na nagresulta sa matinding putukan at paglikas ng mga komunidad. 

Dahil sa tindi ng putukan at banta sa seguridad, napilitang iwan ng mga residente ang kanilang mga tahanan at maghanap ng mas ligtas na lugar. Marami sa mga lumikas ay mga magsasaka at pamilyang nakatira sa mga liblib na bahagi ng komunidad.

Sa pahayag ng AFP sa social media, iniulat na 19 na hinihinalang miyembro ng NPA ang nasawi at isang sundalo ang sugatan sa naturang engkwentro. Gayunman, nananatiling hindi pa beripikado ang mga ulat hinggil sa aktuwal na bilang ng mga nasawi at sugatan, gayundin ang mga detalye ng insidente, kabilang ang mga alegasyon at pangamba na maaaring may mga sibilyang naapektuhan sa gitna ng operasyon. 

Kinondena ng KARAPATAN ang insidente at iginiit na posibleng may naganap na malubhang paglabag sa karapatang pantao at International Humanitarian Law (IHL) sa naturang operasyon.

 “We are concerned on the situation and welfare of the residents as patterns of being subjected to grave threats, harassment and other forms of intimidation by the military have been previously documented,” ayon kay KARAPATAN Secretary General Cristina Palabay.

Giit pa ni Palabay, ang ulat ng 19 na nasawi ay nagbubukas ng seryosong tanong sa naging takbo ng operasyon, kabilang ang paggamit ng proporsyonal na pwersa at mga hakbang upang maiwasan ang pinsala sa mga sibilyan. 

“Whether they are civilians or combatants, the sheer number of those killed triggers significant questions on the conduct of the operations including use of proportionate force, the steps taken to minimize casualties, and compliance with IHL and human rights. The possibility that the military committed a massacre… should be investigated,” aniya.

Binalaan din ng grupo na hindi ito ang unang pagkakataon na may naitalang umano’y paglabag sa IHL sa mga operasyong militar sa kanayunan, at iniuugnay ito sa mga naunang insidente sa iba pang probinsya.

Ayon naman sa grupong SAKA, matagal nang nararanasan ng mga komunidad sa Negros ang presensya ng militar at ang mga operasyong nagdudulot umano ng takot at panganib sa mga sibilyan. Ikinabit ng grupo ang lumalalang sitwasyon sa pagpapatupad ng Memorandum Order No. 32, na nagdeklara sa Negros bilang nasa ilalim ng “state of lawless violence,” na nagbigay-daan sa mas pinaigting na deployment ng militar at mga operasyong kontra-insurhensiya sa kanayunan.

“Mahigpit na kinukundena ng SAKA ang patuloy na militarisasyon sa Negros Occidental… Apektado ang mga sibilyan at komunidad na siyang direktang biktima at nakakaranas ng karahasan mula sa AFP,” ayon sa pahayag na inilabas ng grupo, 

Naglabas din ng pahayag ang UP Office of the Student Regent (OSR), na mariing kumondena sa insidente at nanawagan ng proteksyon para sa mga sibilyan. “The Office of the Student Regent expresses strong condemnation over the continued militarization of Negros Island…,” ayon sa OSR.  “The office urges to restrain military operations that result in displacement and heightened risk to communities.”

Nanawagan din ang tanggapan ng mahigpit na pagsunod sa International Humanitarian Law upang protektahan ang mga komunidad sa gitna ng armadong tunggalian.

Ugat ng Patuloy na Karahasan

Ang insidente sa Toboso ay muling nagbubukas ng matagal nang isyu sa Negros hinggil sa presensya ng militar sa mga komunidad sa kanayunan at ang epekto nito sa mga sibilyan. Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit na naiuugnay ang mga operasyong kontra-insurhensiya sa mga ulat ng dislokasyon, takot, at tensyon sa pagitan ng mga pwersa ng estado at mga armadong grupo. 

Inilalarawan ng mga ulat ng mga grupong pangkarapatang pantao ang Negros bilang isa sa mga rehiyong may mataas na bilang ng extrajudicial killings at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa hindi natutugunang isyu ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa, kung saan nananatiling kontrolado ng iilang malalaking asyenda ang malawak na lupain habang maraming magsasaka ang walang sariling sakahan o nananatiling nakadepende sa mababang sahod sa sistemang hacienda.

Naitala sa rehiyon ang ilang mararahas na insidente sa nakalipas na mga taon, kabilang ang 2018 Sagay massacre kung saan siyam na magsasaka ang napatay sa isang asyenda habang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupa. Naitala rin ang pagpaslang sa mga human rights defenders tulad nina Zara Alvarez at Bernardino Patigas, na parehong aktibo sa pagdodokumento ng mga ulat ng paglabag sa karapatang pantao sa isla.

Noong 2022, naging kontrobersyal din ang insidente sa Kabankalan City kina peace consultant Ericson Acosta at Joseph Jimenez, na iniulat ng militar na nasawi sa engkwentro ngunit itinanggi ng mga grupong pangkarapatang pantao, na nagsabing posibleng sila ay naaresto muna bago napatay.

Ayon sa mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao, ang sunod-sunod na insidenteng ito ay nagpapakita ng paulit-ulit na siklo ng karahasan at kawalan ng pananagutan, kung saan ang mga magsasaka, aktibista, at organisador ng komunidad ay madalas na nasasangkot o naaapektuhan sa mga operasyong militar.

Sa gitna ng mga ulat ng karahasan, nananatiling sentro ng panawagan ang mga isyu ng lupa, hustisyang panlipunan, at proteksyon ng mga sibilyan.

Kung Biglang Mawawala ang Kababaihan sa Loob ng Dalawampu’t Apat na Oras

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *